HINDI NA raw umaasa pa ang Tweenstar na si Teejay Marquez na uuwi ng bansa ang kanyang inang si Mrs. Jennifer Valenzuela na nakabase na sa Japan para sumilip sa labi ng kanyang yumaong ama na si Mr. Manuel Madrilejo.
Ayon kay Teejay nang makausap namin noong January 20, 2014 sa wake ng kanyang father sa St. Peter Chapel, Quezon Ave., Quezon City, “Hindi na ako nag-e-expect na uuwi siya sa Pilipinas para silipin ang daddy ko for the last time, dahil nang tawagan ko siya at ipaalam sa kanya na patay na si Daddy, tanging “Okey… anong nangyari sa kanya?” lang ang kanyang naging kasagutan,” nalulungkot na panimula ni Teejay.
“Sinabi ko sa kanya ‘yung mga nangyari, kung anong naging sakit ng daddy ko at kung anong ikinamatay. Tapos tinanong niya ako kung okey lang daw ba ako, ang sabi ko naman, okey lang ako. Pero hindi niya nasabi sa akin kung uuwi pa siya o hindi, sisilipin niya ba ang Daddy ko o hindi?
“Hindi ko na rin nagawa pang tanungin siya kung uuwi ba siya, kasi simula nang ipinanganak ako naghiwalay na sila at lola at mga tita ko na lang ang nagsilbing magulang ko hanggang sa paglaki.
“Alam ko na rin naman na hindi siya uuwi, kasi if uuwi siya, siya na mismo ang magkukusang magsasabing, ‘sige uuwi ako para makita ang labi ng Daddy mo’. Ang sabi niya lang, uuwi siya sa February 2, magkikita kami at dadalaw na lang daw siya sa sementeryo. Pero that time, nakalibing na ang daddy ko.
“Pero okey lang, ganu’n talaga ang buhay. Nasanay na rin naman ako na wala ang mommy ko. Ni minsan naman, kasi wala rin naman akong nakuhang suporta nu’ng bata ako hanggang sa lumaki ako, dahil hindi sila okey ng daddy ko.
“Basta sa akin, binigay ko lang ‘yung information na wala na si Daddy. Hindi na ako nag-e-expect na tutulong pa siya,” pagtatapos ni Teejay.
John’s Point
by John Fontanilla