BAGAMA’T NAGPAPASALAMAT na rin ang TV5 sa parangal na iginawad ng Araw Values Award noong nakaraang Huwebes para sa mga dakila nating Radyo5 Taxi Squad na kaagapay nating naghahatid ng pinakasariwang balita sa lansangan araw-araw, dismayado naman ang pamunuan ng News and Public Affairs department sa pamumuno ng hepe na si Ms Luchi Cruz-Valdes dahil sa ginawang pambabastos ng award-giving body sa mga representative ng TV5 – kasama ang inyong lingkod – na dumalo sa awarding night nito na ginawa sa Dolphy Theather ng ABS-CBN sa Mother Ignacia, Quezon City.
Pagkatapos magpakita ng propesyonalismo ang mga taga-TV5 sa pagdalo ng naturang awarding ay walang pakundangang binale-wala naman ang presensya ng grupo sa awarding ceremony at hindi iginawad ang parangal na binigay nila hanggang sa natapos na ang programa. Ang talagang nakababastos ay pilit na inihahabol kunwari ang tropeyo sa grupo ng mga taga-TV5 kung kailan naglabasan na at nag-uwian na ang mga tao sa bulwagan.
Tila yata sadyang planado ng mga organizers ng Araw na maliitin at ipahiya ang mga taga-TV5. Hindi naman tama ang ganito. Bukod pa sa halatadong may pinaburan na TV network ang organizer dahil halos lahat ng award ay ibinigay na rito ay talagang nakawawala ng respeto ang inasal ng kanilang organisasyon.
GAYA NA rin ng pagbabahagi ni Ms. Luchi Cruz-Valdes ng kanyang karanasan bilang isang premyado at batikan na sa pagbabalita at sa pagiging mamamahayag, sadyang may mga natatanging award-giving body na totoo ang mga prinsipyo at adbokasiya sa pagbibigay ng karangalan sa mga tunay na mahuhusay na programa sa radio at telebisyon. Sila ay hindi nababayaran at nagpapabayad. Ayon na rin sa kanya, ngayon umano ay maraming nagsusulputang mga award-giving bodies na nagsisingil ng bayad sa mga gustong sumali sa nominasyon. Ang iba ay garapalang nababayaran para bigyan ng award ang isang TV Network or TV program.
Noon ay kakaunti lamang ang award-giving bodies at ang mga nananalo ay talagang mahuhusay. Ang isang award ay talagang maipagmamalaki mo dahil simbulo ito ng isang tunay na mahusay na gawa. Ang Cultural Center of the Philippines (CCP) ay hindi nagsisingil ng kahit na anong bayarin para sila maggawad ng parangal noong araw. Magugulat ka na lang na makatatanggap ng parangal ang iyong programa dahil sikreto nila itong pinapanood dahil sa husay nito. Nakalulungkot lamang na ngayon ay wala na ang award-giving body na ito ng CCP.
Ngayon ay halos lahat ng unibersidad at kolehiyo ay mayroon nang sarili nilang award-giving body na nakasentro lamang sa popularidad at paborito nilang network o programa. Tila nawawala ang esensya ng isang parangal kung lagi lamang ito nagkukubli sa popularidad at hindi naman nagpapakita ng kagalingan.
Ang iba namang award-giving body ay tila ginagamit lamang ang pagbibigay ng award upang makilala ang kanilang grupo at kumita mula sa sponsorship at paniningil ng bayad sa mga bibigyan nila ng award.
ANG TUNAY na karangalan ay dapat base sa merito at husay ng metodo na ginamit. Dapat din ay may malinaw na pamantayan ang mga ito ayon sa uri ng pagpaparangal na gusto nilang igawad. Hindi dapat laging popularidad ang pamantayan ng galing. Dapat ay may mga eksperto na taong kukunin upang maging hurado na sasala sa mga programa ayon sa kanilang expertise. Hindi dapat base lamang sa isang random na pagtatanong sa mga ordinaryong tao o mag-aaral ang merito ng paggagawad ng award dahil hindi kayang tukuyin ng mga taong ito ang tunay na kagalingan ng isang programa sa radyo at telebisyon.
Nawawalan ng saysay ang isang award kung hindi eksperto ang susuri dahil malamang ay maling pamantayan ang magagamit dito. Kung ang isang parangal ay ginagamit hindi para sa tunay na kahulugan nito kundi para lamang lokohin ang taong bayan at magpataas ng rating dahil mas nakakukuha sila ng sponsors, mali ito dahil taliwas ang ganitong prinsipyo sa tunay na pagseserbisyo sa tao at bayan. Ang unang aspeto ng tunay na serbisyo publiko ay katapatan. Kung may panlilinlang sa pagbibigay ng karangalan ay walang katapatan dito.
ANG TV5 o Radyo5 ay hindi interesado sa isang parangal na hindi nakabase sa mabuting prinsipyo at ekspertong pamantayan ng pagpili. Ang isang parangal ay mahalaga ngunit kung wala itong katotohanan o mali ang mga pamantayan nito ay wala itong halaga.
Ang ginagawa ng Radyo5 Taxi Squad ay isang marangal at tapat na pagseserbisyo ng mga ordinaryong taxi drivers sa taong bayan. Matalino at mahusay ang pag-conceptualized dito. Ito ay natatangi at una sa ganitong metodo sa lahat ng TV at radio network sa bansa.
Sa naging karanasan namin sa pagtanggap ng award na ito ay hindi ang TV5 o ang Radyo5 o ang inyong lingkod ang nabastos sa awarding kundi ang mga taxi drivers na dapat bibigyan ng award. Kaya para sa award na “ibinigay” ng Araw, Thanks, but no thanks!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30 – 1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo