KAMAKAILAN, LUMABAS sa mga dyaryo ang report tungkol sa pagsampa ng kaso ng NBI sa mga kawani ng Bureau of Customs at ilang pang mga personalidad na sangkot umano sa pagkakawala sa kontrobersiyal na mahigit na 2,000 containers sa mga pier noong nakaraang taon na walang binayaran ni singkong buwis.
Ang 30 milyong pisong katanu-ngan sa mga imbestigador ng NBI ay kung bakit hindi nila isinama sa mga sinampahan ng kaso ang isang taong mismong promotor ng nasabing katiwalian. Ang pangalan ng taong ito ay paulit-ulit pa ngang nabanggit sa ginanap na congressional investigation tungkol dito.
At ang 2 milyong pisong katanungan ay bakit hindi rin isinama ng mga taga-NBI na sampahan ng kaso ang dalawang deputy district collectors na ang mga pirma ay nasa mga dokumento umano ng pag-release ng nasabing mga container.
Ito ang mga katanungan ng aking A-1 source sa NBI.
SABI PA ng nasabing source, ipupusta raw niya ang kanyang buhay pati na ng kanyang mga angkan na walang mangyayari sa kasong isinampa ng NBI sa Ombudsman laban sa mga nasabing tao na isinasangkot nila sa nawawalang 2,000 containers.
Tinanong ko ang aking source kung bakit ganu’n na lang siya kasigurado. Ang simpleng sagot niya ay pagbasehan na lang daw ang history ng Ombudsman at ng NBI sa pag-handle ng tinawag niyang mga mayayamang kaso.
May mga taong kumita na, at ngayon, may bago pang mga taong kikita sa kasong ito, dagdag pa ng source. Sa salitang kanto, mababangketa lamang daw ito.
SA MGA nagdaang panahon, marami nang kasong isinampa sa Ombudsman ang Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng Department of Finance laban sa mga kawani ng Bureau of Customs na lumagpak sa isinagawa nilang lifestyle check na inabsuwelto ng Ombudsman.
Ang masaklap pa, matapos sibakin ng BoC ang mga taong ito, himalang inutusan ng Ombudsman na maibalik sila sa dati nilang mga puwesto.
Siguro, napapanahon nang magsagawa rin ng lifestyle check para sa mga kawani ng RIPS pati na ng Ombudsman. Isama na rin siguro ang ilang mga kawani sa NBI.
In fairness naman sa RIPS at Ombudsman, meron din namang mga kawani ng BoC at BIR na nasampahan nila ng kaso at natuluyang masibak at hindi na nakabalik pa sa serbisyo. Iyon nga lang, ang siste, ang mga taong napasibak nila ay mga “dilis” lamang.
MATATANDAAN NA isa sa mga ipinagputok ng butsi ng pulis na nang-hostage ng tourist bus at naghurumentado sa Luneta ay dahil hinihingan siya umano ng pera ng taga-Ombudsman na nag-iimbestiga sa kanyang kaso.
At matatandaan din na ilan na ring miyembro ng RIPS ang nabitag sa entrapment operations ng mga awtoridad ng mga nagdaang panahon matapos ireklamo ng mga kawani ng BIR na kanilang iniimbestigahan at kinikikilan.
Noong taong 2011, isang Chinese national ang naaresto naman ng NBI sa isang entrapment operation dahil sa iligal na pagkakaroon ng AFTA (Asean Free Trade Agreement) forms. Pero himalang agad na naabsuwelto ang nasabing Chinese national.
Ang masaklap pa, ang taong ito ay patuloy na namamayagpag ngayon sa BoC at gamit ang mga AFTA forms para makapandaraya sa pagbayad ng tamang buwis sa kanyang mga kargamento.
MAKINIG SA Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00pm. Ito ay kasabay na mapapanood din sa Aksyon TV Channel 41.
Manood ng ‘T3: Kapatid, Sagot Kita’, sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm. Ito ay naka-simulcast din sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo