SA BIHIRANG pagkakataon ay nagsalita ang Kapamilya teen star na si Andrea Brillantes tungkol sa pinagdaanang hirap bilang isang child star sa pamamagitan ng panayam sa kanya ni Karen Davila sa vlog channel nito.
Aminado ang dalaga na hindi siya galing sa mayamang pamilya.
“Sa squatters’ [area] lang din kami nakatira before. May work naman both parents ko dati pero lumaki kasi talaga ako sa grandparents ko hanggang five years old yata ako. Simple lang po kami. May mga times na sobrang hirap na magbebenta ng mga gamit. May mga times naman na hindi. Hindi ako talaga laking yaman,” saad nito.
Seven years old lang si Andrea noon nang makapasok sa kiddie comedy show na ‘Goin’ Bulilit’. Simula noon ay siya na ang naging breadwinner ng kanyang pamilya.
Naging vocal si Andrea sa naramdaman niya noong mga panahon na iyon.
“Ang naging mahirap para sa akin is ako ‘yung bunso tapos bata din ‘yung mga kapatid ko noon tapos parang hindi pa sila aware na ako ‘yung [bumubuhay].”
“’Yung struggle ko dati, since bata sila, hindi pa nila alam kung gaano kahirap kumita ng pera. Ako kasi bata pa lang ako, naranasan ko na, namulat na ako na ang hirap hirap kumita ng pera,” dagdag pa niya.
Ayon sa aktres, marami siyang sinakripisyo lalo na ang kanyang childhood para lang buhayin ang kanyang pamilya sa murang edad.
“May mga dream school ako na kaya ko naman pero kapag pumasok ako sa school na ‘yun, magugutom kami. Kaya isa-sacrifice ko ‘yung ganun. Mostly sa friends ko kasi, mayayaman sila. May konting inggit sa akin nung bata ako na kung hindi ko ba shine-share lahat ng money ko, mabibilihan ko din ba ‘yung sarili ko ng mga ganitong bagay?”
Dahil dito, pakiramdam niya ay mabilis siyang nag-mature dahil sa mga responsibilidad na kanyang inako sa murang edad. Ito rin daw ang dahilan kung bakit kung minsan ay nagiging parang bata ito na hindi sinasadya.
“Dati litong-lito ako kasi ang aga ko nagdalaga tapos nung nag-15 ako, nag-breakdown ako na, hala five years na lang 20 na ako. Nung nag-15 ako, bumalik ulit ako sa pagkabata kasi natakot ako.”
“Yung pagbe-baby talk ko na laging trending, voice ko talaga siya. Pero hindi siya ‘yung napipili ko subconsciously. Bigla lang siya nagswi-switch kasi nung bata ako, kulang din ako sa pansin… ‘yung pagka-baby voice ko, sometimes good or bad. Lalabas siya kapag komportable ako sa ‘yo or feeling ko may nakikita akong father figure ako sayo or kuya figure or ate figure kasi lumaki ako sa broken family,” isplika niya.
Nilinaw naman ng dalaga na hindi siya nao-offend tuwing siya ay binabash dahil sa kanyang pagbe-baby talk.
“Hindi ko rin siya naiintindihan. Bumabalik at bumabalik talaga siya. Nababago ko lang siya kapag may role ako kasi trabaho yon at kailangan. So feeling ko part talaga siya ng childhood ko na nawala,” pagtatapos nito.