‘KAPAMILYA’ MO NA siyang tunay, literally speaking, kung bago mananghalian ay nakatutok ka na sa TV game show na Pilipinas, Game KNB? ng ABS-CBN mula Lunes hanggang Sabado. May kakaibang hatak at karisma sa mga manonood, kaya naman nang binakante ni Kris Aquino ang naturang programa, agad na tinangkilik ng mga tao si Edu Manzano.
Actor, comedian and politician – paano ba binabalanse ni ‘Doods’ ang tatlong ‘yan? One word: Versatility. Nagsimula ang acting career ni Edu nu’ng dekada ‘70. Isa siya sa masasabing nagsimula ng trend na ang kontrabida ay hindi kailangang ‘hoodlum’ ang hitsura. Guwapo, simpatiko at pang-modelo ang dating, pero sa kabila nito, hinangaan ang husay ni Edu sa mga kontrabida roles.
May sarili rin siyang style sa TV hosting at ipinamalas niya ‘yon sa early shows niyang Monday Night with Edu (1986-1987), Not So Late Night with Edu (1987-1988), at The Edu Manzano Show (1993).
Mas lalong nakilala si Edu nang mapangasawa niya si Vilma Santos – ang Star for All Seasons ng local showbiz at ang kasalukuyang governor ng Batangas. Apat na taon silang nagsama, pero nauwi rin ‘yon sa hiwalayan. Naging anak nila ang sikat din ngayong model-actor na si Luis Manzano. Nagkaroon din siya ng relasyon sa aktres na si Rina Samson. Presently, girlfriend ni Edu ang news anchor-TV host na si Pinky Webb.
Alam n’yo bang pumasok si Edu sa US military at nag-serve siya roon ng apat na taon noong teenager pa siya? Ipinanganak kasi siya sa San Francisco, California.
Although nag-umpisa sa pelikula, mas tanggap ngayon ng kanyang fans si Edu bilang TV host. In fact, ang huling movie na kanyang ginawa ay ang Ang Tanging Ina (2003). Nag-concentrate na lang sa hosting si Edu, particularly sa game shows. Ilan sa mga ito ay ang The Weakest Link (2001) at 1 vs. 100 (2007). Nakasama rin si Edu sa ASAP Mania (2003), Magandang Umaga Bayan (2003), MTB: Ang Saya-saya! (2004-2005), at sa Umagang Kay Ganda.
Sa pulitika, naging vice mayor ng Makati si Edu noong late 90s. Taong 2007, binalak niyang tumakbo sa Senado, pero hindi niya rin ito itinuloy. Recently, nag-resign siya bilang chairman ng Optical Media Board upang muling pasukin ang pulitika. Si Edu ang founder ng non-profit organization na Ako Mismo.
Sa pagiging mahusay na TV host, ilan sa awards na natanggap niya ay Best Male TV Host for Not So Late Night With Edu sa1986 PMPC Star Awards for TV, Best Game Show Host for Pilipinas Game Ka Na Ba? sa 2007 PMPC Star Awards for TV, na muli niyang napanalunan noong 2008.
Nagkaroon din ng dance albums si Edu, ang World’s Greatest Dance Steps (2007) at Dance of the Universe (2008).
Sa ngayon, ang tinutukan ng fans ni Edu ay kung hahantong ba sa simbahan ang love affair nila ni Pinky at kung mapagtatagumpayan niyang muli ang pagpasok sa pulitika.