MARAMING NAGSASABING eksperto sa pulitika na ang pagdedeklara ni Mayor Duterte na tatakbo na siya sa pagkapangulo ay isang “game changer” sa nagaganap na karera ngayon sa pagka-pangulo ng bansa. Una na ang pagkakahati-hati ng boto. Tiyak na kahit hindi manalo si Mayor Duterte ay gagawa ito ng bagong balanse ng boto sa mga nauna nang magdeklara ng pagtakbo. Maaari kasing mapunta kay Duterte ang maraming boto mula kina Miriam, Binay, Poe, at Mar. Kung mangyayari ito, malamang ay apektado ang nangunguna at nahuhuli.
Kung halimbawa ay kukuha ng pinakamalaking boto si Duterte kay Senator Poe, na siyang nangunguna ngayon sa mga survey, maaaring Manalo si Binay na siyang pumapangalawa kay Poe sa survey. Alam din naman kasi ng mga political analysts na mayroong malaking solid vote si Binay na galing sa Makati at sa mga urban poor kung tawagin. Ngunit, kung kukuha si Duterte ng maraming boto sa top 3 candidates na sila Poe, Binay at Roxas, maaaring ang isang minority candidate gaya ni Senator Miriam Defensor Santiago ang mananalo.
Ang pinakamalaking posibilidad ay kukuha ng mga malalaking boto si Duterte kina Poe, Binay, Roxas at Santiago, at kung idadagdag pa ang mga solid votes ng followers ni Mayor Duterte, siguradong landslide ang botohan sa panig ni Mayor Duterte. Ngayon pa lang, malakas na ang usap-usapan na si Mayor Duterte ang nagtataglay ng “x factor” na laging hinahanap ng mga Pilipino sa isang kandato. Kung maging malinaw ang “x factor” na ito sa media, gagawa ito ng isang “band wagon effect” na ikapapanalo ni Mayor Duterte.
ISANG GAME changer din ang mangyayari sa binabalak ng kampo ni Duterte na wala siyang kukuning running mate bilang bise presidente. Ang estilong pagbibigay sa mga tao ng laya na gumawa ng sa tingin nila ay epektibong katambal ni Duterte ay isang uri ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga botante. Ito ay isang artipisyal na ilusyong hindi pa man nagiging pangulo si Duterte ay ibinibigay na niya ang laya at kapangyarihan sa mga taong mamili.
Kung sakaling mananalo si Duterte ay isang bagong partido na naman sa pulitika ang maghahari sa gobyerno at tiyak na magpapabago sa lahat. Isang “game changer” nga kung ituring. Ang mga kaaway o inaapi ng kasalukuyang gobyerno ay maaaring bumalik sa kapangyarihan. Ang mga nasa ilalim ay iibabaw. Ang mga dating luma ay magbabalik. At lilikha ng mga bagong sanib ang pagtakbong ito ni Duterte.
Ngayon pa lamang ay nakikita na raw umano ang mga nagtatalunan sa kani-kanilang bakod para sumanib kay Duterte. Mga senador at kongresista na mayroon nang kinabibilangang partido ay unti-unti ng nagpaparamdam ng kanilang interes sa pagsali sa bagong grupo ni Duterte. Ngunit, ang ganitong estilo ng balimbingan ay luma na at gasgas na. Dito masusukat ang pagiging iba ni Duterte sa mga TRAPO (traditional politicians).
ANG KONKRETONG plata porma ang tunay na “GAME CHANGER”. Ito ang dapat na ating babantayan. Ito ang pagpapaliwanag kung ano ang problemang kanilang bibigyang solusyon at kung paano nila isasagawa ang solusyon. Hindi puwedeng sabihin lang nila na susugpuin nila ang kahirapan. Dapat ipaliwanag nila kung ano ang paraan ng pagsugpo at paano ito gagawin. Hindi puwedeng magpapagawa na lang ng kalsada at laway lang ang puhunan nila. Dapat ipakita nila kung saan, anong gamit, bakit kailangan at anong pondo ang pagkukunan. Ang sakit ng maraming pulitiko sa atin ay iniisip nilang Diyos sila na may kapangyarihang basta kaya nilang gawin ang ipinangako nang walang basehan at paliwanag.
Ang isang magandang halimbawa na dapat maging bahagi ng kanilang plataporma ay ang konkretong pagtukoy sa isang problema at pagpapaliwanag kung paano ito hahanapan ng solusyon. Halimabawa ay ang problema sa matinding traffic at mga sakuna sa kalsada na kinasasangkutan ng mga pampublikong sasakyan. Ang isang matalinong pagtingin dito ay hindi lang dapat isisi sa mga drivers nito ang sakuna. Maaari nilang lawakan ang perspektibo kung bakit nangyayari at saan ito nagmumula? Ang isang salik o “factor” na malaki ang ambag sa mga aksidente ng mga jeep, taxi, at bus ay maaaring ang pinanggagalingan ng motibasyon ng mga pampublikong drivers para mapabilis ang biyahe at makarami ng biyahe.
Ang pinanggagalingan ng motibasyon na aking tinutukoy ay ang kagipitan nila sa kita. Sila ay gipit sa kita dahil sa napakalaki ng boundary ang hinihingi sa kanila ng mga masisibang public transportation operators na ito. Ang resulta nito ay ang pagdiskarte ng mga drivers sa kalsada para mahabol ang kitang kailangan nila para sa araw na iyon. Ang iba naman ay panay ang overtime at sinasagad ang katawan sa pagod para mahabol lamang ang kailangan pera sa kanilang pang-araw-araw na pasada.
Ang iba ay gumagamit pa ng droga para manatiling gising ang kanilang kamalayan at hindi maramdaman ang pagod. Ang resulta ng mga ganitong sistema ay aksidente na nauuwi sa maraming pagkasawi ng mga pasahero o ng mismong mga drivers.
MALINAW NA mayroong “unfair labor practice” dito. Maaaring sa mga regulasyon o patakaran ng mga kumpanya ng malalaking taxi at bus operators ito dapat isisi. Dapat ay busisiin ito ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Dapat din ay gumawa ng batas na maglalagay ng mga pamantayan kung gaano lamang dapat ang halaga na ibabayad ng mga drivers sa kanilang operators. Hindi dapat ito nakasasakal sa drivers at reasonable ang halaga.
Nitong taon lamang ay pinag-usapan ang panukalang dapat ay maging regular ang suweldo ng mga drivers katulad ng mga pangkaraniwang manggagawa mula sa publiko at pribadong sektor. Maganda ang panukalang ito dahil maaaring maging solusyon ito sa pinag-usapan nating pinanggagalingang motibasyon ng mga drivers na nauuwi sa aksidente.
Sa pamamagitan ng pagsasabatas na gawing regular na ang kanilang mga kita, hindi na sila maghahabol sa dapat nilang kitain. Bukod dito ay magiging propesyonal na ang mga drivers bilang regular na manggagawa. Sa ibang bansa ay napaka-“professional” ng tingin sa mga drivers. Nakapag-aral sila at ikinararangal na trabaho ang pagiging isang “public transport driver”.
KUNG NAIS gumawa ng bagong mahahalal na pangulo ng isang tunay na “GAME CHANGER” at legacy sa kanyang termino ay maaari niyang simulan sa pamamagitan ng paglutas sa problemang ito ng transportasyon, matinding traffic, at ng mga manggagawang drivers. Ganito ang konkretong plataporma. Sana ay ganito ang mga marinig natin sa kanilang mga meeting de avance at debate.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo