Tama ang sinabi ni Ms. Sylvia Sanchez hinggil sa teleseryeng pinagbibidahan niya titled “The Greatest Love”, makare-relate nga ang lahat ng nanay rito at talagang nakaiiyak ang teleserye.
Makikita rito ang pagmamahal ng isang ina sa mga anak niya, ang pagdadamayan ng isang pamilya, lalo na sa panahon ng problema at kagipitan. At sa pangkalahatan, ang kahalagahan ng isang pamilya.
Bukod sa magaling na aktres, isang mabuting maybahay at nanay si Ms. Sylvia. Kaya bagay na bagay sa kanya ang papel sa seryeng ito.
Sa isang panayam, ito ang kanyang tinuran: “Malaking tulong sa akin ang mga pinagdaanan ko sa buhay. Until now ay nag-aaral ako, ayaw kong mag-stop matuto. Kasi once na mag-stop akong matuto, that’s it, tapos na. Marami rin naman akong naranasan na na-discrimate ako, nalait ako… Ang ginagawa ko, ‘Sige lang, suntukin mo ako nang suntukin, hindi ako gaganti.’ Pinu-push ako ng mga taong ganoon, e. Natuto ako sa mga ganoon, e. Higit sa lahat ay dasal at tiwala sa sarili, kapit lang sa Diyos.”
Kanino ka pa kumakapit maliban sa Diyos?
“Kumakapit ako sa mga anak ko, sa asawa ko, sa nanay ko, sa mga taong nagmamahal sa akin.”
Ayon pa sa award-winning actress, sobrang importante sa kanya ang pamilya at kaya niyang iwan ang career para sa kanyang pamilya.
“Kapag sinabi sa akin ng asawa ko na, ‘After The Greatest Love, stop ka,’ gagawin ko ‘yun. Kasi ang priority ko sa buhay ko ay ang asawa ko, gusto ko ng simpleng pamilya, gusto ko nang buong pamilya. So, kapag sinabi ng asawa ko na, ‘Stop ka na Sylvia, sa bahay ka na lang, alagaan mo na lang kami ng mga anak ko,’ gagawin ko iyon.”
Samantala, pati sa ratings ay winner din ang “The Greatest Love” base sa datos ng Kantar Media National TV Ratings mula Sept. 5 to 8. Patok agad ang “TGL” sa initial telecast pa lang nila last Monday sa rating nitong 13.7 percent na nag-number 12 ito over-all para sa Top 20 TV shows nationwide. Actually, laging nasa top 15 ito ng over-all nationwide ratings.
Well, sadyang pinagpapala ang mga taong may mabubuting kalooban at seryoso sa kanilang craft.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio