SA WALONG pelikula na kalahok sa 2019 Metro Manila Film Festival, ang ‘Culion’ ang tunay na pumukaw sa aking atensyon. Ito ay isang fictional story tungkol sa pinagdaanan ng mga pasyenteng may leprosy o ketong na ipinadala sa isla ng Culion sa Palawan para magkaroon sila ng normal na buhay habang hindi pa nadidiskubre ang lunas dito.
Malapit ito sa puso ko dahil ang aking great grandfather ay si Dr. Jose N. Rodriguez, na itinuring na ‘Father of Leprology’ sa Pilipinas at nag-umpisa ng kanyang karera sa isla ng Culion. Ako rin ay nasa proseso ng paggawa ng dokumentaryo tungkol sa kanya.
Ang pelikulang ‘Culion’ ay mula sa panulat ni Sir Ricky Lee, na kung hindi kami nagkakamali ay dream movie project niya ito dahil hindi pa ‘ata ako ipinapanganak ay naumpisahan na niya isulat ito. Mula sa direksyon ni Alvin Yapan at produced by Shandii Bacolod, bida rito ang tatlo sa magagaling na artista natin sa kasalukuyan na sina Iza Calzado, Meryll Soriano at Jasmine Curtis-Smith.
Pahirapan ang paghanap ng sinehan na showing ang Culion dahil sa second day pa lang ay kalahati ng MMFF entries ay napullout na sa mga malls o di kaya’y palabas lamang ito sa mga VIP at Director’s Club, na halos doble ang presyo kumpara sa normal na tiket.
Sa totoo lang, mabagal ang umpisa ng pelikula at kung wala kang alam sa kasaysayan ng Culion ay baka mawala agad ang interes mo – pero ‘yun ay kailangan para maipakita kung gaano kabagal ang buhay sa Culion at samu’t saring pasyente mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas ang dinala rito ng puwersahan. Dahil sa isang trahedya na nangyari sa isa sa mga bida ay naging exciting na ang mga sumunod na eksena.
Nangungusap ang mga mata ng mga bidang babae. Kitang-kita mo ang pag-asa sa mata ni Doris (Jasmine Curtis-Smith), ang pinakabata sa tatlo. Siya’y ipinanganak at lumaki sa isla at pangarap niya na sana’y maranasan rin niya ang buhay sa labas ng isla. Punong-puno naman ng kalungkutan at pighati si Ditas (Meryll Soriano), na dahil sa mga alaala niya ng buhay sa piling ng kanyang pamilya at mga minamahal ay nagalit ito sa mundo at gusto na lamang niya mamatay. Samantala, si Anna (Iza Calzado) ay nangangarap na makaalis sa Culion at sa una’y ayaw aminin na mahal na niya si Kanor (Joem Bascon). Dahil sa isang pagbabago sa kanyang pagdadalantao ay napagtanto niya na gusto niya pala maging isang ina at may mga desisyon siya na kanyang pinagsisisihan.
Magagaling din ang mga aktor na tulad nina Suzette Ranillo, Joem Bascon, Joel Saracho, Simon Ibarra at Mike Liwag.
Kaabang-abang din ang eksena kung saan lumabas si John Lloyd Cruz in a short but memorable role bilang dating kasintahan ni Ditas (Meryll Soriano) na dahil sa mga patakaran noong araw ay bawal silang mag-usap ng harapan. Kitang-kita mo ang sakit at paghihinayang sa kanilang mga mata.
Kung gusto ninyo ng makabuluhang pelikula na kayo’y mapapa-isip at mati-trigger ang inyong pagiging history buff, sana’y suportahan ninyo ang ‘Culion’.