FROM FANTASERYE QUEEN ay naging real-life superheroine sa maraming Pilipino ang Kapuso turned Kapamilya actress na si Angel Locsin. Parang kailan lang nang una natin siyang masilayan sa Saturday Youth-Oriented TV Show na Click bilang Charley at nakita ang kanyang potential bilang lead actress nang makasama sa drama series na ‘Ang Iibigin ay Ikaw Pa Rin’ at sa mga pelikulang ‘Singles’ with Aubrey Miles and Ara Mina at ‘Kuya’ with Cogie Domingo atbp.
Biggest break ni Angel Locsin sa showbiz ang Mulawin. Dahil sa taas ng lipad ng ratings nito ay nasundan pa ito ng ilang fantasy/action series na tunay na minahal ng mga viewers. No wonder na kahit marami ang nasaktan nang lisanin nito ang GMA-7 nong 2007 (hindi makapaniwala ang loyal Kapuso viewers na lilisanin nito ang network kung saan siya ang reyna) ay natanggap din ng mga ito ang career move ng aktres na mas gusto nang magseryoso sa pagiging drama actress.
These days ay trending palagi ang pangalan ni Angel Locsin dahil sa walang sawang pagtulong nito sa kapwa. Kumbaga, talagang isinapuso niya ang pagiging isang ‘Darna’. Sa kanyang 35th birthday ay ating balikan ang ilan sa makukulay at maaksyong papel na ginampanan ni Angel Locsin sa bakuran ng GMA-7:
ALWINA in MULAWIN
Second choice si Angel Locsin para gumanap sa papel na Alwina sa kauna-unahang grand fantaserye ng Pilipinas na Mulawin. Ang dating kambal sa Click na sina Richard Gutierrez at Angel Locsin ay naging magka-loveteam sa programang kumabog sa ratings war ng ABS-CBN at GMA. Sa sobrang lakas ng hatak ni Angel ay itinanghal ito na sexiest woman ng Pilipinas, nagbida sa maraming box-office movies at dumami ang endorsements nito. Para sa kanyang loyal fans na sumuporta sa kanya mula umpisa, ang role ni Angel bilang Alwina ang pinaka-espesyal dahil dito nag-umpisa ang paglipad ng kanyang showbiz career.
NARDA/DARNA/BLACK DARNA IN DARNA
Dahil na rin sa galing ni Angel bilang Alwina ay ito ang naging daan para makuha niya ang iconic superheroine role sa TV adaptation ng Mars Ravelo’s Darna. Para sa amin, ang Darna ni Angel Locsin ang pinakatumatak sa mga tao dahil kuhang-kuha niya ang puso, tindig at kaluluwa ni Narda/Darna. Unforgettable din ang tambalan nila ni Dennis Trillo (na nasundan ng maraming TV and movie projects), ang laban nila ni Alessandra de Rossi na gumanap na Valentina at ang showdown nila ni Katrina Halili bilang Black Darna na isa rin sa fast-rising Kapuso stars noong panahon na iyon.
Sa sobrang lakas ng appeal ni Angel ay bumenta ang mga Darna merchandise at ilang OPM bands din ang sumulat ng kanta na tribute nila para kay Angel tulad ng Anghel sa Lupa at Narda. Left and right ang endorsements at sa paggawa ng pelikula naman umarangkada ang tambalan nila ni Richard Gutierrez.
SABINA IN MAJIKA
Oras na para maniwala sa Magic! Kung ang Mulawin at Darna ay bakbakang malupit ang pinagkaabalahan ni Angel, sa Majika naman ay mas lighter at pambata talaga ang appeal ng papel niya bilang Sabina. Maraming bata ang gumaya sa hairstyle and costumes niya sa programa. Dito ay nakatambal niya muli si Dennis Trillo at nakasagupa niya ang sexy actress na si Katrina Halili. Halata na binawasan na rin ang hardcore fight scenes sa programang ito dahil na rin siguro sa stress at pagod na dinanas ni Angel sa Mulawin at Darna na kung tama ang aming pagkakatanda ay hindi nakapagpahinga ang aktres.
GABRIELA IN ASIAN TREASURES
Naalala niyo pa baa ng Asian Treasures? Mala-Yamashita Treasure hunt ang action series na ito. Dito unang nagtambal sina Robin Padilla at Angel Locsin at may mga nakapagsabi na napansin nila na ‘tila exhausted na ang huli nang gawin niya ang proyektong ito.
Mala-Lara Croft ang istilo rito ni Gabriela. Nagshooting pa nga sa ibang bansa tulad ng China, Mongolia at Thailand ang cast and crew ng programa. Kasama rin sa programa sina Diana Zubir, Marvin Agustin, Glaiza de Castro at marami pang iba.
Akalain niyo na 13 years had passed! Kung hindi umalis si Angel Locsin sa GMA, siya rin ang napipisil na magbida sa Marimar at Dyesebel at alam naman natin lahat na ang mga iconic roles na ito ay napunta sa present Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Naipasa ang korona (not virus) at bato (not drugs) sa tamang tao!
Maligayang Kaarawan sa’yo Angel Locsin! Keep soaring high and we love you, the true angel of Philippine showbiz!