ISA SA mga pangkaraniwang problemang aking natatanggap mula sa mga nagdadalang-taong kababaihan ay ang pagtataboy sa kanila sa mga ospital sa oras ng kanilang
panganganak dahil sa wala silang maipakitang sapat na pera pagpasok ng emergency room.
May ilan pa ngang nagrekla-mong namatay ang kanilang sanggol habang ipinapanganak dahil sa kapabayaan ng ospital at iyon ay sapagkat sadyang hindi sila binigyan ng maayos na atensyon matapos makitaan ng kakapusan sa pera.
Pero may isang probinsiya sa bansa na bukod tangi, at ang mga nabanggit na senaryo ay malabong mangyari.
Ang aking tinutukoy ay ang probinsiya ng mga Pangasinense. Lahat ng mga barangay chairman ng Pangasinan ay patuloy na kinakausap ng kanilang Gobernador na si Amado Espino, Jr. para tukuyin ang lahat ng buntis sa kanilang barangay upang mairehistro sa pinakamalapit nilang health center o ospital para sa kanilang prenatal care.
Binabalaan ni Gov. Espino ang kanyang mga barangay chairman tungkol sa kanilang mga constituents na manga-nganak sa kani-kanilang mga bahay. Gusto ni Gov. Espino na ang lahat ng mga nagdadalang-tao sa kanyang probinsiya ay manganak sa ospital. Sa oras ng panganganak, handa ang bawat ospital sa naturang probinsiya na tumugon sa anumang emergency situation dahil sa palaging nakaantabay na dalawang ambulansiya rito.
Libre ang paggamit sa pasilidad pati na ang serbisyo ng mga doktor at nurses na tumutulong sa pagpapaanak maliban na lang sa mga gamot na abot kaya naman ang halaga. Ito ang dahilan kung bakit may mga tumatawid papuntang Pangasinan mula sa mga karatig probinsiya na mga nagdadalang-taong kababaihan para manganak lang.
ISA PANG maituturing na bukod-tangi sa Pangasinan ay ang kapitolyo nito na matatagpuan sa bayan ng Lingayen. Ito lang marahil ang nag-iisang kapitolyo sa lahat ng probinsiya sa buong bansa na bukas para sa mga turista.
At kamangha-mangha naman talaga ang loob ng kapitolyo ng Pangasinan. Bagamat maliit lang pero halos daigin pa ng opisina ng Pangasinan Governor ang tanggapan ng Pangulo sa Malacañang pagdating sa porma, kalinisan at pagiging elegante.
Dadaigin pa siguro ng session hall ng kapitolyo ng Pangasinan ang session hall ng Senado pagdating sa pabonggahan. Mamamangha ang mga turista na mapupunta rito dahil sa magarbo, maayos at eleganteng pagkadisenyo rito bagama’t may kaliitan lang kung ikukumpara sa Senate session hall. Lahat ng mga gamit dito ay gawa ng native materials.
Kahanga-hanga rin ang porma ng tanggapan ng mga board members. Pare-pareho ang sukat at disenyo. Pati ang mga furnitures na laman nito ay uniporme rin. Sa ganitong sistema, walang nakalalamang at walang nakukulelat dahil animo’y magkaka-replika ang tanggapan ng bawat isa.
SA GABI nagmimistulang palasyo ng isang hari ang porma ng kapitolyo ng Pangasinan kapag tatanawin mo mula sa ‘di kalayuan. Nababalot ito ng mga matitingkad na ilaw. Kapansin-pansin ang mga puno na nakapaligid at ang mga damuhan na pawang maayos ang pagkahilera‘t pagkakagupit.
Pagbaba ng araw, ginagawang picnic ground ng ilang Pangasinense ang paligid ng kanilang kapitolyo para magpahangin at tamasain ang maganda at malinis na kapaligiran nito.
BUKAS, MAY 1, magtatapos ang selebrasyon ng annual Pistay Dayat (Sea Festival) sa Pangasinan. Sa araw na ito pipiliin ang tinaguriang pinakamagandang dilag ng nasabing lalawigan. Ang mananalo sa beauty contest na ito ang magiging pambato nila sa Binibining Pilipinas beauty pageant na siyang maituturing namang The Pride of Pangasinenses.
Shooting Range
Raffy Tulfo