MATAAS ang expectations ng Kapamilya viewers nang inanunsyo ng ABS-CBN na magbibida si Maja Salvador sa ‘The Killer Bride’. Pagkaraan ng mahigit isang taon pagkatapos ng napakabonggang ‘Wildflower’ niya na isa sa pinaka-iconic teleserye ng dekada ay sabik ang mga tao on what’s next for the talented actress.
Para mas maging exciting ay isinama rin sa programa si Janella Salvador na pamangkin ni Maja in real life. Kung hindi kami nagkakamali, ito rin ang kauna-unahang proyekto na nagkasama ang mag-tita. Kung noon ay puro patweetums at pakilig ang napupuntang role kay Janella, sa proyektong ito ay challenge para sa kanya na ipakita na may ibubuga talaga siya sa seryosong aktingan. Fortunately, she succeeded!
Sino ang hindi makakalimot sa twist ng programa kung saan nabunyag na umaarte lang pala si Emma (Janella Salvador) na siya ay sinasapian ni Camila (Maja Salvador) para makapaghiganti sa lahat ng nanakit sa kanya? Hindi makakalimutan ng viewers ang eksena kung saan nagharap na sila at akalain mong inglisera pa pala ang ‘kawawang’ si Emma? Mahusay!
Maliban sa eksenang iyon ay naitawid nina Maja at Janella ang mga challenging scenarios. Plus factor pa na sa programa na ‘rediscover’ ang galing ng ilang mga artista tulad nina Miko Raval bilang Fabio, na talagang kinakiligan ng viewers ang tambalan nila ni Maja a.k.a. CamBio), James Blanco bilang Felipe na talagang pinapiyestahan ang eksena na nabuking ang tunay niyang pagkatao, Sam Concepcion (may chemistry sila ni Janella – next project?),Mara Lopez bilang Agnes na traydor na kaibigan ni Camila at tunay na ‘killer bride’, Alexa Ilacad bilang Luna na first time magpaka-bratinella sa isang TV project and of course, si Precious Lara Quigaman, na una ay ‘kawawa’ sa kanyang mga eksena ngunit ‘yun pala’y siya ang tunay na mastermind sa likod ng mga kasamaan na nangyari sa dalawang pamilyang may hidwaan.
Dito rin napatunayan ni Joshua Garcia na kaya niya rin mag-build ng rapport sa ibang leading lady. Sa ngayon nga ay dumadami na ang fans ng ‘JoshNella’ dahil nakitaan sila ng kilig. Tuloy-tuloy na kaya ang pagpupush ng network dito?
Kung ikukumpara sa ‘Wildflower’ ay maiksi lang ang itinakbo ng ‘The Killer Bride’, pero hindi kami nagrereklamo. Ito marahil ang isa sa pinaka-satisfying endings sa teleserye na nasa suspense/thriller genre. Naipakita pa ng mga cast ang kanilang kakayahan sa pag-arte.
Hanggang ngayon ay may sepanx pa rin ang karamihan sa show. May kani-kanyang pa-thank you rin ang mga breakthrough cast members ng show sa kanilang social media accounts. Congratulations, TKB cast and crew! Pamatay ang programa niyo!