ISA NA namang pelikulang gawa at tatak Pinoy ang sikat na sikat ngayon dahil sa nakare-relate nitong istorya at sa mga hugot lines na dala nito. Ang tinutukoy ko nga ay isang kalahok para sa 10th Cinema One Originals Film Festival na pinamagatang “That Thing Called Tadhana.” Ito ay sa direksyon ni Antoinette Jadaone at pinagbidahan ng mga bigating artista na sina Angelica Panganiban at JM De Guzman.
Masasabi mo nga naman talaga na ultimate fever ang dala ng That Thing Called Tadhana dahil mula sa pagpapalabas nito noong Nobyembre ng nakaraang taon sa mga piling sinehan, nagkaroon na ito ng mas mahaba at mas malaking nationwide screening ngayong taon at patuloy pa ring tinatangkilik ng mga Pinoy.
Pinagbidahan ito ng dalawang artista na kailan man hindi pa nakita sa telebisyon ng magkasama. Sina Angelica Panganiban at JM De Guzman, parehong malaking artista, parehong magaganda ang itsura, sa una nilang pagsasama sa pelikula, talaga nga namang nag-click agad ang kanilang tambalan. Masasabi nga natin na may chemistry ang dalawa. Isa rin ito sa dahilan kung bakit marami ang nanood ng nasabing pelikula dahil sa mga artista pa lang, kakaiba na agad ang timpla.
Isang pelikula na patungkol sa break up at moving on stage ang That Thing Called Tadhana kaya naman maraming mga bagets talaga ang nakare-relate dito. Sikat na sikat ang pelikula dahil sa dami ng hugot lines dito gaya nang sabihin ni Mace, karakter ni Angelica na kaya siya nagtungo sa Italy para hanapin ang sarili niya. Nagyaya pa siyang magtungo sa Baguio at Sagada matapos umuwi sa Maynila.
Soul searching nga ang tawag dito, usung-uso ito sa mga kababaihan na nakaranas ng pagkasawi sa pag-ibig. Ipinakita rin sa pelikula ang pagnonood ni Mace ng pelikulang One More Chance, isang pelikula na umiikot sa buhay pag-ibig nina Popoy at Basha. Marami na namang hugot lines dito. Gaya ni Mace, marami ring bagets ang naisasalamin ang kanilang buhay pag-ibig kina Popoy at Basha. Narinig na naman natin ang mga hugot lines gaya ng “Ako na lang, ako na lang ulit.”
Nagkakilala sina Mace at Anthony, karakter ni JM De Guzman sa isang airport. Inalok ni Anthony si Mace na gamitin ang kanyang excess baggage para hindi na mag-over sa timbang ng bagahe si Mace. Mapapansin na laging binabanggit ni Mace na kaya punung-puno ang kanyang bagahe dahil bitbit niya ang kanyang buong buhay.
Nang sila rin ay nagtungo sa Baguio, hindi nagpatulong si Mace sa pagbuhat ng kanyang bag habang tumatawid sa overpass dahil aniya kahit mabigat ang dala-dala niya, kakayanin niya ito mabagal nga lang. Metaphor ito sa nararamdaman ni Mace, mabigat ang kanyang nararamdaman dahil sa bigat ng kanyang problema. Kahit mabagal ang moving on stage, kakayanin niya rin ito gaya ng nangyari sa pelikula, naiwanan nila ang mga bagahe nila nang nagtungo Sagada, pero rito, gumaan ang kanyang pakiramdam.
That Thing Called Tadhana, kahit isang indie film at low-budget film, humataw pa rin sa takilya. Sana magtuluy-tuloy ang pagkilala sa mga magagandang pelikula na gawang Pinoy.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo