NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Sumbong ko lang po ang footbridge sa Edsa corner Aurora Boulevard, dati mini mall ang tawag doon pero ngayon tianggian na. Sobrang hirap po dumaan sa footbridge na ito, laging kalbaryo ng mga taong madalas dumaan dito.
- Irereklamo ko lang po ang isang pagawaan dito sa Jasmin St., Elvinda Village, Brgy. San Vicente sa San Pedro, Laguna dahil sa nakabubulabog na ingay at baho ng ginagawa nilang pagwe-welding at pagga-grinder. Isang residential area po itong lugar namin, hindi namin alam kung paano nabigyan ng permint itong gawaan na ito.
- Ireklamo ko lang po iyong videoke na may inuman na nakapuwesto sa halos harapan ng eskuwelahan dito sa Brgy. Pulo ng Cabuyao, Laguna. Inaabot ng madaling-araw ang ingay at walang pakialam ang barangay kahit nakaiistorbo sa mga natutulog dito.
- Hihingi po sana kami ng tulong para mawala na itong mga sasakyang nakaharang sa daanan ng mga tao. Marami na ang nasagasaan dito sa Mindanao Avenue sa bandang Road 16 sa Brgy. Pag-asa, Quezon City dahil sa imbes na sa bangketa, sa kalsada dumaraan.
- Pakiaksyunan naman po ang isang babuyan dito sa lugar namin dahil sobrang baho talaga. Dito po ito sa Talanay Area A, Batasan Hills, Quezon City.
- Isang concerned parent po ako rito sa Guilangan Elementary School sa Brgy. Iraan, Rizal, Palawan dahil naniningil ng P250.00 per student para sa PTA raw po.
- Gusto ko lang po sanang idulog sa inyo, isa po ako sa mga magulang ng mag-aaral sa Camflora National High School Annex ng Brgy. Talisay, San Andres, Quezon, sobrang mahal po kasi ng bayaran sa enrolment nasa mahigit P500.00 bawat bata. Tapos nagpapabayad po sila ng mga project sa school ngunit wala po kaming nakikita sa mga binabayaran namin.
- Pakitanong naman po sa Governor Ferrer National High School sa Brgy. San Francisco, General Trias, Cavite kung bakit kumukolekta sila ng P200.00 para sa sine at P100.00 para sa dyaryo. Tama po ba iyon?
- Reklamo lang po iyong laging baha sa kalsada kasi ang dami na pong naaksidenteng bata dito sa may amin. Wala pong ginagawang aksyon ang barangay.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo