NAGDEKLARA NA ang Department of Health ng outbreak ng tigdas sa ilang lugar sa mga bayan ng Maynila, Caloocan, Las Piñas, Malabon, Muntinlupa, Navotas, Parañaque at Valenzuela. Ayon sa record ng DOH, mula Enero 1, 2013 hanggang Disyembre 14, 2013, umabot na sa 1,724 ang mga kasong naitala, kung saan 21 na ang namatay.
Ang balitang ito ay nagdudulot ng takot sa maraming Pilipino, lalo na ang mga mayroong maliliit na bata sa pamilya. Upang higit na maunawaan kung ano nga ba ang tigdas, sagutin natin ang mga sumusunod na pangkaraniwang tanong ng mga tao.
Ano ang tigdas at anu-ano ang sintomas nito? Ang tigdas ay impeksyon ng respiratory system na dulot ng virus na Morbillivirus. Nakaaapekto ito sa bata at matanda na walang bakuna laban dito at mahina ang resistensya. Karaniwang sintomas nito ang 4Ds at 3Cs. Ang 4D ay 4 days fever o apat na araw ng lagnat. Ang 3Cs naman ay Cough (ubo), Coryza (sipon) at Conjunctivitis (pamumula ng mata). Kasabay ng 4D at 3C ang pinakakilalang sintomas, ang mapupula at maliit na rashes sa buong katawan.
Agad bang nakamamatay ang tigdas? Ang tigdas ay mula sa virus, kung kaya’t ito ay self limiting. Ibig sabihin kusa itong mawawala kahit pabayaan na hindi ginagamot. Subalit ang dahilang kung bakit may namamatay mula rito ay dahil sa mga napabayaang komplikasyon. Karaniwang nagkakaroon ng pulmonya o pagtatae ang taong maysakit at kung mahina ang resistensya nito ay maaari itong ikamatay.
Paano makokontra ang tigdas? Ang measles vaccine na dapat ibigay sa sanggol na 9 months old ay nakapipigil ng hanggang 85% ng tigdas. Mayroon ding tinatawag na MMR vaccine. Ang Measles Mumps Rubella vaccine ay ang pangunahing depensa ng isang tao laban sa tigdas. Bukod sa tigdas ay bakuna rin ito laban sa beke at rubella. Dapat itong ibigay sa bata pagdating ng isang taon at isa pang beses muli ‘pag ang bata ay 11 o 12 years old na.
MATAPOS MABASA ang mga nauna, iisipin natin, kung may bakuna laban sa tigdas bakit nagkaroon pa rin ng epidemya o outbreak sa Pilipinas? Ito ay dahil marami pa rin sa mga bata (at matatanda!) ang hindi pa nababakunahan laban sa tigdas. Mayroong mga ayaw magpabakuna dahil sa relihiyon o paniniwala. Mayroon din namang talagang ayaw lang dahil sa maraming dahilan. Karamihan dito ay hindi naiintindihan ang kahalagahan ng pagpapabakuna. Maraming mga miskonsepsyon tungkol sa bakuna kung kaya’t dapat itong ipaliwanag nang husto sa tao. Subalit ang pinakanakalulungkot na dahilan kung bakit marami pa rin ang nagkakatigdas ay dahil walang bakuna laban sa tigdas sa ating mga health center.
Bakit kung kailan laganap na ang tigdas ay saka pa lang nagkukumahog ang DOH na bakunahan ang lahat ng bata? Bakit hindi ito ginawa noong wala pang outbreak at baka naiwasan pa sana.
Ang mabuting gawin ngayon ng DOH ay siguraduhin na ang lahat ng health center sa Pilipinas ay kumpleto sa mga pangunahing bakuna gaya ng MMR vaccine. Gayundin ay dapat maglunsad ng information campaign ang DOH upang malaman ng mga tao ang kahalagahan ng pagpapabakuna. Ito ay dapat gawin sa paraang madaling mauunawaan ng masa.
Makabubuti na rin na paigtingin ang Expanded Program on Immunization ng Pilipinas at gawing compulsory ito. Sa gayon ay maituturing na paglabag sa batas ang hindi pagpapabakuna ng anak.
Sana’y sa mga paraang ito ay hindi na maituturing na ‘tigdas republic’ ang Pilipinas.
Shooting Range
Raffy Tulfo