NOON PA man ay balitang tumigil na sa panunuyo niya si Gerald Anderson kay Sarah Geronimo. Pero usap-usapan na noong nakaraang Linggo ay nag-iiyak daw ang Pop Princess pagkatapos ng pagsasama nila ng aktor sa Sarah G. Live. Balitang nagpaalam na raw si Gerald sa aktres na hihinto na siya sa panliligaw, dahil daw hindi siya matanggap ni Mommy Divine, butihing ina ni Sarah.
Kinumpirma sa amin mismo ng aktor sa huling interview namin sa kanya na hindi na siya nakadadalaw kay Sarah, kung saan ibinigay niya sa amin ang rason, na abala ang aktres sa concert nito at ayaw niyang abalahin. Ang lumalabas na kuwento ngayon ay sinisimangutan at iniirapan daw ni Mommy Divine si Gerald ‘pag nasa bahay ito.
May ilan na ka-ming Ashralds ang malungkot ngayon dahil sa usap-usapan na ito, apektado ang marami sa kanila na nagdarasal talaga na magkatuluyan ang dalawa. Hihingin din namin ang panig nina Sarah, Gerald at Mommy Divine tungkol sa lumabas na balita, kung saan naka-hold daw ang pelikulang pagtatambalan sana muli ng dalawa dahil ayaw na raw ni Mommy Divine na gawin pa ng anak.
DALAWA ANG ibinigay ng ratings ng MTRCB Sa pelikulang The Healing ng Star cinema, R-13 at R-18 na nangangahulugan na may mga sinehan na mapapanood ang nasabing pelikula na may mga binawas na kaunting maseselang eksena para sa R-13 at may director’s cut naman na mapapanood nang buo ang pelikula para sa mga sinehan na R-18 naman.
Sobrang pinagpapasalamat ito ni Gov. Vilma Santos sa MTRCB nang makausap namin siya kahapon sa ABS-CBN, kung saan ginawa pala ito ng MTRCB sa kauna-una-hang pagkakataon para na rin mabigyan ng tsantsa ang mga kabataang gustong mapanood ang The Healing.
Nakagawa na rin ng ibang horror movies sa loob ng limampung taon niya sa showbizness tulad ng Takbo Vilma Dali at Mga Anak ng Aswang, pero ang The Healing ang kauna-unahang seryosong horror/suspense movie na nagawa ng Star For All Seasons. Para sa kanya, challenging ang nasabing pelikula dahil iba ito at hindi drama, kung saan ito ang madalas na tema ng mga pelikulang kanyang ginagawa.
Excited din na makatrabaho si Ms. Ai-Ai delas Alas kung saan nagbigay pahayag ang komedyana sa nakaraang contract signing niya sa Star Cinema kamakailan na si Ate Vi ang isa sa gusto niyang makasama sa pelikulang nakalinyang gagawin niya.
Ayon sa Star For All Seasons, matagal na nilang plinano ito ng Comedy Queen, pero ‘di lang matuluy-tuloy dahil ‘yung limitasyon niya sa oras, kung saan malaking oras din ang kinakain ng kanyang pagiging gobernadora ng Batangas. Nandu’n ang pag-asam ni Gov. Vi na sana ay magawa na nila ito ni Ai-ai pagkatapos ng The Healing.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA