MAY TAWAG sa sigaw ng mga foresters pagbagsak malalaking troso sa kagubatan: Timber!
Halos ganyan ang nangyari sa Las Vegas, U.S.A. kay boxing champ Manny Pacquiao. Timber. Naghumiyaw tayo sa pagkabigla at poot! May mga grupong pikon na ipo-protesta pa diumano ang desisyon. Tama na. Manahimik na lang. Magkontodo praktis na lang si Pacquiao sa kanilang November rematch ni Timothy Bradley.
Wika ng salbaheng apo, Anton: ‘Wag na kayong maghinagpis. We can’t win them all. Sa totoo, yumaman na naman si Pacquiao nang mahigit isang bilyon. Pinag-isip niya ako.
Sa aking barberya, ‘yan din ang paksa. Maraming nanggagalaiti pa. Wika ng aking barbero, Pete: Tanggapin ang katotohanan. Mahina na dahil sa pag-edad ang ating champ. Buti pa si Claudine Barretto na lang ang lumaban sa rematch kay Bradley.
‘Yan nga ba ang matagal na sinasabi ko. ‘Di palagian ang tagumpay. Lahat ay may katapusan. Payong kapatid kay Pacquiao: Panahon na upang mamahinga. Habang malusog ka pa, enjoy what you have worked for. Enjoy your family and friends. May mga ‘di kanais-nais na kaibigan kang umaligid sa ‘yo, tapyasin na nila. Bad company. Bad for your image.
Estima ng marami, kahit 5 beses pang mamatay at mabuhay si Pacquiao, ‘di niya kayang ubusin ang kanyang pinagpagurang kayamanan. Ano pa ang gusto niya?
Sa pagka-spiritual ni Pacquiao, ayon kami. ‘Wag lamang niyang ipangalandakan. Malinaw sa salamin: palubog na ang sikat ng araw ni Pacquiao. Halos ‘sang dekadang nag-uumapaw sa tagumpay. Karangalan. Kayamanan. Kapangyarihan. Pambihirang kapalaran! Timber! Ganyan ang gulong ng buhay.
SAMUT-SAMOT
PAGPASOK NG taon, halos kada linggo, may namamatay akong kaibigan at kakilala. Nalulungkot ako. Ngunit sa kabilang dako, ang palaging isaisip, ang kamatayan ay may positibong epekto sa aking buhay. Nawala ang labis na paghahangad ng ‘di na kailangan sa buhay at mundo, napalapit sa Diyos at nagsusumikap na daanin ang landas na matuwid.
NAKATAKDA NA po sila, sabi ng aking drayber, Ronald. Sumang-ayon ako kahit may bigat sa puso. Nakalipas na araw, pumanaw ang aking Ateneo High School classmate, Atty. Danny Esguerra, 71. Biktima ng heart attack. Nakaraang Disyembre, confined siya sa De Los Santos Hospital. Humingi siya sa akin ng konting tulong subalit ‘di ko naasikaso. I feel very guilty. Si Danny ang kopyahan ko sa Math assignments nu’ng aming high school days. Mapagkumbaba, mabait at matulungin – ‘yan ang mga gintong alaala ko sa kanya bilang nilalang at kaibigan. May his soul rest in peace.
MAGALING ANG panukala na obligahin ang mga jeepney at bus drivers na magkaroon ng proper grooming at physical hygiene sa pagmamaneho ng kanilang mga sasakyan. Karaniwan nang makita maraming jeepney drivers and naka-sando, may anghit ang kilikili at naka-tsinelas. Bukod pa rito, karamihan sa kanila ay naninigarilyo habang nagmamaneho. Kung ito ang makita ng mga turista, madi-disappoint sila. Magtulungan ang lahat ng ahensya para maisakatuparan ang magandang panukala.
DUMAAN MAN ang ilang administrasyon, ‘di nababawasan ang mga maralita at lalo pang lumolobo. May mga naka-karitong mag-anak na namumulot ng basura. Mga squatter sa tabing estero o ilog sa Kamaynilaan. Mga batang lansangan na nagra-rugby. Mga taong grasa at iba pang taong naliligaw ng landas. Mga batang marurungis na namamalimos sa mga pampublikong sasakyan at lansangan. Hanggang ngayon, ang kahirapan ay isa sa mga seryoso at mabigat na suliranin ng ating bayan. Panandalian lang ang cash assistance ng pamahalaan. ‘Pag naubos na ito, balik na naman ang dating kalagayan ng mga nagugutom at naghihikahos. Kailan matatapos ang kalbaryong ito?
TUWI AKONG mapapadako sa Mayflower St., Mandaluyong, ‘di ako maaaring tumigil at magmuni-muni sa halos dalawang dekada kong paninilbihan sa Unilab. Para bang laging bumabalik ang kahapon. Naroon pa rin ang Administration at Manufacturing Plant ng dambuhalang pharma firm. Wala halos pinagbago ang mga surroundings. Dito ako nagsimula ng aking unang empleyo. Wala pang P100 ang monthly salary ngunit nakararaos dahil libre ang pagkain at bonuses. Sa loob ng panahong ‘yan, talagang kayod-kalabaw ako para magkasya ang aking sahod. Salamat naman at nagkaroon ako ng konting break sa buhay. ‘Di sa Unilab kundi sa pulitika nu’ng ako’y kinuha ng nasirang VP Doy Laurel. Nalulungkot ako sa palagiang balita na marami akong dating kasamahan sa Unilab na pumanaw at may malubhang sakit na. Parang kahapon lamang. Mga kahapong sa gunita na lamang babalik.
NAGAGALAK AKO na napapanatili ng Unilab ang primerong puwesto sa pharma industry sa bansa. Mahigit pang 60% ang total market shares ng kumpanya. May mga ibang sangay sa overseas kagaya ng Indonesia, Thailand, Taiwan at iba pang neighboring countries. Namamahala ng Unilab ngayon ay si Gng. Jocelyn Campos-Hess. Mahal siya ng mga empleyado ‘pagka’t gaya ng kanyang nasirang ama, siya ay may puso at pag-aaruga sa maliliit. Long live Unilab!
GAANO KAEPEKTIBO ang mga nagkalat na herbal medicines na may iba’t ibang remedies? May pampababa ng high blood pressure, cholesterol, pampagaling ng diabetes, gamot sa mata at iba pang karam-
daman. Sa dami ng mga herbal medicines na ito, may sapat bang kakayahan at tauhan ang Bureau of Food and Drugs para suriin ang kalidad at kaligtasan nito sa ating mga mamamayan? Halos araw-araw ay naka-advertise ang mga ito sa radyo, TV at dyaryo. Natural ang mga tao ay agad naniniwala na epektibo ang mga ito sa ganda ng mensahe ng mga ads. Subalit mabisa ba ang mga ito? Tinatawagan namin ang BFAD na tingnang mabuti ang bagay na ito nang hindi ito mapanganib sa kalusugan ng tao.
MAKABUBUTI NA isang insider ang mahirang na susunod na Chief Justice ng Korte Suprema. Very qualified ang aking kababata at kaeskuwelang Associate Justice Arturo Brion, tubong-San Pablo, Laguna. Siya’y nagtapos ng summa cum laude sa Ateneo Law School at bar topnotcher. Former Assemblyman din siya at naglingkod bilang USec sa Foreign Affairs at DOLE Secretary nu’ng panahon ni GMA. Berdeng utak at may integridad. Ang nasira niyang ama ay dating judge sa San Pablo. He is independent-minded and apolitical.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez