MARAMI NA ANG nakakapansin na pabongga nang pabongga ang Party Pilipinas na napapanood natin tuwing Linggo.
Nu’ng nakaraang Linggo lang ay 3-D ang drama nila pero hindi naman ako maka-relate diyan dahil mag-aabala pa ba akong gumawa ng salamin na pang-3-D para ma-appreciate ko ang effects nila?
Sa darating na Linggo ay karnabal daw ang concept kaya tingin ko, bongga iyan, lalo na’t pinag-isipan nang husto ni Mark Reyes ang mga production numbers na ipalalabas nila.
Ang napansin ko lang, lagi nilang pinagbabangga sina Kyla at Rachel Ann Go. Naiintriga na tuloy sila na meron na silang gap dahil sa patalbugan nila sa production numbers.
Merong pinakanta si Rachel Ann nang patiwarik, tapos si Kyla naman pinakantang nagpu-pole dancing. Kaya hindi maiwasang pagkumparahin sila na tuloy nagkakaintrigahan na ang mga fans nila.
Pero nilinaw naman ng dalawa na wala silang gap at natutuwa silang maganda ang feedback sa mga ginagawa nila sa Party Pilipinas.
Sana tuluy-tuloy na ang pagtutok sa Sunday variety show na ito dahil talagang pinaghahandaan nila ang bawat production number na ipinalalabas nila tuwing Linggo.
SOBRANG APEKTADO RAW si Aljur Abrenica sa isyung pagtakas nito sa 60th anniversary show ng GMA-7 nu’ng nakaraang Biyernes dahil hindi naman talaga niya kagustuhan ang mga nangyari.
Ang paliwanag ng young actor, matagal na raw naka-book ang anniversary show ng bar nila sa Batangas at ilang buwan nang nailabas ang tickets.
Biglang pumasok sa schedule niya ang GMA anniversary kaya tinanggihan na niya ito. Hindi na raw talaga siya riyan kasali dahil sa commitment nito sa bar nila ng Daddy niya. Napaiyak pa nga raw ito dahil naiipit na siya sa Daddy niya at sa commitment nito sa GMA-7.
Hanggang sa pumayag na sumali na raw siya sa anniversary show pero sa usapang dapat alas-nuwebe ng gabi pack-up na siya dahil bibiyahe pa ito pa-Batangas. Kaya lang, pasado alas-nuwebe na nagsimula ang show kaya naka-isang production number lang siya, umalis na itong naiwan ang ka-loveteam niyang si Kris Bernal na walang partner sa iba pa nilang number. Ang dating tuloy, hindi naging professional si Aljur sa ginawa niya.
Unfair naman daw sa kanya na pagbintangan siyang ganu’n dahil nu’ng una pa lang ay nagpasabi na siya tungkol sa commitment niya sa bar nila sa Batangas. Hanggang ngayon ay upset pa si Aljur kaya balak daw nitong kausapin si Wilma Galvante para magpaliwanag.
NALOKA NGA AKO nu’ng nakaraang Lunes dahil nakatanggap ako ng subpoena galing Pasig-RTC na uupo raw akong witness sa kaso nina Katrina Halili at Hayden Kho.
Nasa affidavit daw kasi nina Hayden na ako raw ang nagkumbinsi kay Katrina na dapat idemanda nito si Hayden. Meron pa raw lumabas doon na nag-usap kami ni Hayden na kung saan tinanong ko siya kung alam ba ito ng mga babaeng nakasiping niya na bini-video niya ito at sumagot daw itong hindi.
Hay, naku! Hindi ko na maalala ‘yang mga ‘yan! Tinatanong ko pa rin ang sarili ko kung bakit napasali na naman ako riyan.
Siyempre, may subpoena kaya wala akong magawa kundi daluhan iyan. Nakakaloka pa naman dahil sobrang aga niyan at sa Pasig pa naman na hindi ko naman alam kung saan iyan!
Hay, naku! Ewan ko na lang kung ano ang mangyayari sa akin niyan! Sa July 5 daw ang schedule ko na pag-attend sa hearing na ‘yun.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis