Dear Atty. Acosta,
ISA PO akong drayber ng taxi. Pinara ako ng isang pulis trapiko at hiningi ang aking lisensya. Ang sabi niya sa akin ay hinuhuli niya ako dahil hindi ako naka-seat belt. Nagdahilan ako sapagkat hindi naman niya hinuhuli ang mga kapwa ko taxi drayber na hindi rin naka-seat belt. Pakiramdam ko ay humihingi lang siya ng lagay. Kaya kumaripas na ako ng takbo at hindi ko ibinigay ang aking lisen-ya. Makalipas ang ilang linggo ay nakatanggap ako ng subpoena mula sa piskal. May reklamo raw ako para sa krimeng Resistance and Disobedience to a Person in Authority or his agent. Meron po bang krimen na ganito? Paano kung hayaan ko na lang ang subpoena?
Mang Joe
Dear Mang Joe,
MAYROON PONG krimen na Resistance and Disobedience to a Person in Authority or his agent. Ang krimeng ito ay sakop ng Artikulo 151 ng Revised Penal Code. Ayon sa batas na ito, ang krimeng Resistance and Disobedience to a Person in Authority or his agent ay nilalabag kung may matinding pagtanggi o pagsuway ang isang tao sa isang lehitimong utos ng itinuturing na person in authority o kanyang agent, kagaya ng isang pulis-trapiko. Ang parusang maipapataw sa taong lumabag sa batas na ito ay pagkakakulong ng 1 araw hanggang 30 araw (arresto menor) o pagbabayad ng multa mula sampung piso hanggang isang daang piso.
Lehitimo ang ginawang pagsita sa iyo ng pulis-trapiko sapagkat maaaring may paglabag ka sa R.A. 8750 na pinamagatang “An Act Requiring the Mandatory Compliance by Motorists or Private and Public Vehicles to Use Seat Belt Devices, and Requiring Vehicle Manufactures to Install Seat Belt Devices in all their Manufactured Vehicles” dahil sa hindi mo pagsuot ng seat belt. Ngunit sa halip na ibigay mo ang iyong lisensya ay kumaripas ka ng takbo. Malinaw na sinuway mo ang kautusan sa inyo ng pulis-trapiko. Mabigat ang paratang ng panunuhol o bribery. Kailangan may matindi kang edibensiya para mapatunayan ito. Maaaring hindi ka panigan ng husgado kung sasampahan mo siya ng kaso sapagkat, ayon na rin sa iyong salaysay, ikaw ay may linalabag na batas noong huliin ka ng pulis-trapiko. Dagdag pa rito, nabanggit mo rin na pakiramdam mo pa lang na hihingi siya sa iyo, kaya hinala pa lang ito at wala pa namang ginawang hakbang na paghingi ng pera o lagay.
Maaari kang magsampa ng kontra-salaysay o counter-affidavit sa piskalya para sabihin ang iyong depensa. Kung hindi ka naman magpapasa ng kontra-salaysay ay uusad pa rin ang imbestigasyon. Maglalabas ang piskal ng resolution ayon sa hawak nitong ebidensiya. Ngunit mas makabubuti kung sasagot ka sa paratang sapagkat isasaalang-alang lang ng piskal ang edibensya ng nagreklamo sa pagbuo ng desisyon.
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang payong legal namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta