Tinakbuhan ang Kaso

Dear Atty. Acosta,

 

NAAKSIDENTE PO ang aking pinsan noong isang taon. Nabangga po siya ng isang bus habang siya ay papatawid sa isang kalsada sa Makati. Nasampahan po ng kasong kriminal ang driver ng bus, subalit wala pong nangyari sa kaso dahil nagtago na po ang driver bago pa maisampa ang kaso. Ano po ba ang dapat naming gawin upang kahit papaano ay mahabol namin ang bayarin sa ospital at mabayaran ang pinsalang natamo ng aking pinsan dahil sa insidente? Hindi po umuusad ang kaso dahil nga nagtago na ang driver ng bus.

 

Kate

 

 

Dear Kate,

 

ANG KASONG kriminal na isinampa ng iyong pinsan laban sa driver ng bus dahil sa pagkakabangga nito sa kanya ay hindi uusad kung tumakas o nagtago na ang driver bago pa siya mabasahan ng sakdal o ang tinatawag na arraignment. Kung hindi siya mahuhuli at mababasahan ng demanda, mananatiling nakabinbin ang kaso at ang katarungan na iyong hinahangad ay mananatili ring nakabinbin.

Subalit hindi rito magtatapos ang paghahabol ninyo ng hustisiya, maaari kayong magsampa ng hiwalay na kasong sibil laban naman sa may-ari o operator ng bus para sa danyos na natamo ng iyong pinsan gaya ng gastos sa pagpapaospital, pagkawala ng pagkakataong kumita at iba pa.

Ayon sa batas, kasabay na naisasampa ang kasong sibil sa sandaling maisampa ang isang kasong kriminal, maliban na lamang kung hindi na interesado ang biktima na isampa pa ang kasong sibil at siya ay nagsagawa ng isang waiver, ito ay nauna na niyang inihain ng hiwalay sa kasong kriminal o nagpaalam siya sa korte para sa paghahain ng hiwalay na kasong sibil pagkatapos na maresolba ang kasong kriminal (Section 1, Rule 111, Rules of Court of the Philippines).

Bagama’t hindi kayo nakapaghain ng kasong sibil bago pa ang paghahain ninyo ng kasong kriminal o nakapag-abiso sa korte na kayo ay maghahain ng hiwalay na kasong sibil, maaari pa rin kayong makapaghain ng kasong sibil sa may-ari o operator ng bus. Ito ay sapagkat hindi pa naman nagsisimulang makapagpresenta ng ebidensiya ang taga-usig sa kasong kriminal na inyong sinampa laban sa bus driver. Kung kaya, maaari pa rin kayong magsampa ng kasong sibil laban sa may-ari o operator ng bus. Ito ay sang-ayon sa Section 1, Rule 111, Rules of Court of the Philippines:

“Section 1 Institution of criminal and civil actions. (a) xxx

The reservation of the right to institute separately the civil action shall be made before the prosecution starts presenting its evidence and under circumstances affording the offended party a reasonable opportunity to make such reservation

xxx ”

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePokemon Go, Aarangkada na sa 2016
Next articleHouse Bill 5412

No posts to display