Dear Atty. Acosta,
ANG ASAWA KO po ay natanggal sa trabaho dahil sa “cost-cutting” daw ang kumpanyang kanyang pinapasukan. Ngunit wala po siyang natanggap na back pay. Maaari po ba namin silang idemanda?- Alberta
Dear Alberta,
NAKALULUNGKOT ISIPIN NA marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nawawalan ng kabuhayan dahil sa nararanasang global economic crisis. Iba’t iba ang dahilan sa pagbabawas ng empleyado, at ang “cost-cutting” ay isa sa mga kinikilalang lehitimong dahilan ng pagtatanggal ng mga manggagawa.
Ngunit may mga pamantayan ang ating batas ukol sa legal na pamamaraan ng pagtanggal ng empleyado sa dahilang “cost-cutting”. Una, nararapat na ang basehan ng kumpanya sa pagtanggal ay upang maiwasan ang substantial losses o malaking kawalang pang-pinansyal. Bagamat nagbibigay ng proteksIyon ang ating batas sa karapatan ng mga manggagawa, kailangan ding pangalagaan ng ating batas ang karapatan ng mga kumpanya at employers. Ikalawa, dapat maipaalam ng kumpanya sa manggagawa at sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamagitan ng sulat o notice, ang napipintong pagtatanggal ng manggagawa, tatlumpung araw bago maging epektibo ang kautusan ng kumpanya na magtanggal ng empleyado. Ito ay kailangan upang mabigyan ng sapat na panahon ang manggagawa na mapaghandaan ang pagliban niya sa kanyang trabaho. Ang ikatlo, dapat ay mayroong separation pay na ibibigay ang kumpanya para sa empleyadong matatanggal. Ito ay katumbas ng isang buwang sahod o isa’t kalahating buwang sahod sa bawat taon ng panunungkulan. (Article 283, Labor Code of the Philippines)
Sa kabilang banda, kung ang manggagawa ay natanggal sa trabaho nang hindi naaayon sa legal na pamamaraan at pamantayan, maaaring kasuhan ang kumpanya ng illegal dismissal sa National Labor Relations Commission o NLRC. (Article 287, Labor Code of the Philippines) Magkakaroon ng pagdinig ukol dito ang Komisyon at kung mapatunayan na nagkaroon ng paglabag sa batas, maaaring ipag-utos ng NLRC na ibalik sa trabaho ang natanggal na empleyado at na mabayaran siya ng backwages.
Samakatuwid, kung ang pagkakatanggal sa trabaho ay base sa lehitimong dahilan at paraan, ang iyong asawa ay may karapatang makakuha ng separation pay, hindi back pay gaya ng iyong isinulat. Ngunit kung walang basehan o sa ma-ling pamamaraan siya natanggal, siya ay dapat bayaran ng backwages.
Atorni First
By Atorni Acosta