Tinanggal sa Trabaho Dahil Nagreklamo

Dear Atty. Acosta,

MAYROON AKONG kapatid na nagtrabaho sa Cavite bilang isang janitor. Hindi siya pinasahod nang tama at kinaltasan siya ng kanyang kumpanya para sa kontribusyon sa SSS at iba pang benepisyo. Ngunit napag-alaman niyang hindi ito ibinabayad sa ahensya. Sabi ng kanilang kumpanya ay aayusin nila ito subalit wala namang nangyari. Naghain na siya ng reklamo sa DOLE dahil siya ay sinuspinde at kalaunan ay tinanggal na sa kanyang trabaho. Ngunit ini-refer siya sa NLRC sa Calamba. Mayroon po ba siyang habol laban sa kanyang kumpanya? Naaawa na po kasi ako sa kanya? Maaari po ba kaming humingi ng tulong sa inyo ukol sa kanyang kaso?

Sumasainyo,

Miss J

Dear Miss J,

ANG MGA batas katulad ng Labor Code of the Philippines, Social Security Act of 1997 at National Health Insurance Act of 1995 ay ilan sa mga batas na nagbibigay ng iba’t ibang benepisyo para sa mga manggagawang Pilipino. Ang lahat ng mga benepisyong nakasaad sa mga nasabing batas ay kailangang ibigay ng mga kumpanya o ng employer sa kanilang mga manggagawa. Ang paglabag sa mga batas ay magbubunga ng kaukulang parusa sa may-ari o tagapangasiwa ng kumpanya.

Sa sitwasyon ng iyong kapatid, nabanggit mo na hindi siya pinasahod nang tama noong siya ay namamasukan pa bilang janitor sa kanilang kumpanya. Kung gayon, mayroon siyang karapatan na magreklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) at ang maaari niyang gamiting basehan ay underpayment of wages and salaries at non-payment of statutory benefits. Kung hindi naman tama ang kanyang pagkakatanggal sa trabaho ay maaari rin siyang magreklamo ng illegal dismissal. Mahalaga na mapatunayan niya ang lahat ng kanyang alegasyon at ang pagkakamali ng kumpanyang dati niyang pinapasukan.

Dahil ang reklamo ng iyong kapatid ay nakahain na sa tanggapan ng National Labor Relations Commission sa Calamba, Laguna, mahalaga na ito ay kanyang bigyan ng tuon upang tuluyan niyang maipaglaban ang kanyang karapatan bilang dating kawani ng kanilang kumpanya. Kung mayroon nang abogado ang iyong kapatid sa nabanggit na kaso ay hindi na maaaring magbigay ng legal na representasyon ang aming tanggapan. Subalit, kung wala pa siyang abogado ay maaari siyang magtu-ngo sa aming opisina sa PAO-Calamba, Laguna District Office na matatagpuan sa Hall of Justice ng Calamba, Laguna. Ipagbigay-alam mo rin sa kanya na kailangan niyang dalhin ang mga dokumento na mayroong kaugnayan sa kanyang kaso, pati na rin ang kanyang latest Income Tax Return (ITR) o pay slip kung siya ay mayroong trabaho sa kasalukuyan, o Certificate of Indigency mula sa barangay kung saan siya nakatira o sa Department of Social Welfare and Development na nakakasakop sa lugar na kanyang tinitirahan. Kung siya ay kwalipikado na maging kliyente ng aming tanggapan ay maaari siyang tulungan ng a-ming mga abogado.

Ukol naman sa hindi tamang paghuhulog ng kanyang kontribusyon sa Social Security System at iba pang ahensya, maaari siyang magtungo sa mga ahensyang ito at maghain din ng kaukulang reklamo upang maipagkaloob sa kanya ang benepisyong nararapat lamang niyang matanggap.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 46 April 03 – 04, 2013
Next articleMaprinsipyong Tao

No posts to display