Dear Atty. Acosta,
MAYROON PONG kaugnayan ang sulat kong ito sa pinagpapa-notaryohan ko ng mga dokumento ko. Hindi ko na babanggitin ang kanyang pangalan. Nakapagpa-notaryo na po ako sa kanya noon. Ang hindi ko lamang maintindihan ay tinanggihan niya ako sa kontratang pinano-notaryohan ko noong isang linggo. Bakit po kaya nagkaganon?
Umaasa,
Ernesto
Dear Ernesto,
MAYROONG MGA uri ng dokumento na kailangang notaryohan upang magkaroon ng legal na epekto sa pagitan ng mga partido nito. Ang ilan sa mga dokumento na ipinano-notaryo ay commercial contracts tulad ng kasunduan ng pagbebenta, serbisyo, pangungupahan at iba pa. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon, maaaring mag-notaryo ang isang abogado.
Ang unang kailangan alamin ay kung siya ay mayroong balidong komisyon na mag-notaryo o wala. Ayon sa A.M. No. 02-8-13-SC o ang 2004 Rules on Notarial Practice, tanging ang mga kuwalipikadong notaryo publiko na mayroong balidong komisyon lamang ang maaaring magbigay ng serbisyong pagno-notaryo. Marahil, tumanggi ang abogadong pinagpa-notaryohan mo sa kadahilanang hindi na balido ang kanyang awtoridad na mag-notaryo.
Kung siya naman ay mayroon pang komisyon na mag-notaryo, maaari siyang tumanggi na magbigay ng serbisyo sa iyo kung isa siya sa mga partido ng dokumentong ipinapa-notaryo mo, o siya ay makikinabang sa mga probisyon nito, o kaya naman ay ang asawa o kamag-anak niya ang makikinabang dito. Ayon sa Section 3, Rule IV, id, “A notary public is disqualified from performing a notarial act if he: (a) is a party to the instrument or document that is to be notarized; (b) will receive, as a direct or indirect result, any commission, fee, advantage, right, title, interest, cash, property, or other consideration, except as provided by these Rules and by law; or (c) is a spouse, common-law partner, ancestor, descendant, or relative by affinity or consanguinity of the principal within the fourth civil degree.”
Maaari ring tumanggi sa iyo ang abogadong nabanggit mo kung sa kanyang palagay ay ilegal o imoral ang nilalaman ng dokumentong ipinapa-notaryo mo, o kung sa kanyang palagay ay hindi lubusang naiintindihan ng taong lumagda sa dokumento ang maaaring maging epekto ng mga nilalaman nito, o kaya naman ay hindi ito malayang ginawa ng lumagda rito (Section 4, Rule IV, id).
Maliban sa mga nabanggit, maaaring ipagkait sa iyo ang serbisyo ng pagno-notaryo kung hindi ikaw ang may-lagda ng dokumento at hindi rin humarap sa nasabing abogado ang taong lumagda roon, o kaya naman ay hindi kayo nagpakita ng ebidensya ng pagkakakilanlan o valid identification sa oras na ito ay nais ninyong panotaryohan (Section 2, Rule IV, id).
Kung isang papel na walang nilalaman o blank document ang nais mong ipa-notaryo o ito ay isang dokumento na walang sapat na notarial certification, maaari ring tumanggi ang abogado na magnotaryo (Section 6, Rule IV, id). Makabubuti na kausapin mo ang abogadong iyon upang lubos kang maliwanagan kung ano ang kanyang dahilan upang ikaw ay tanggihan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta