Dear Atty. Acosta,
TAONG 2007 nang makilala ko ang ama ng anak ko. Ang sabi niya sa akin noon ay hiwalay sila ng kanyang asawa. Nagdalang-tao ako noong 2009 at makalipas ang ilang buwan ay mayroong nag-text sa akin na nagpakilalang asawa ng ama ng anak ko. Hindi pa po pala sila hiwalay. Ngayon po ay pinagbabantaan kami ng kanyang asawa na papatayin at ipapa-salvage kami ng anak ko kung hindi ko ihihinto ang pakikipagkita sa kanyang mister. Ano po ba ang maaari kong gawin? Sana ay matulungan ninyo ako.
Sheila
Dear Sheila,
MAYROONG MGA pagkakataon na ang isang tao ay nakapagsasabi ng mga bagay na masasakit o masasama laban sa kanyang kapwa. Marahil ganito ang nangyari sa inyo ng asawa ng ama ng iyong anak. Mayroong posibilidad na naipadala niya ang mga mensaheng iyon dala na lamang ng galit o sama ng loob dahil nalaman niya ang tungkol sa relasyon ninyo ng kanyang asawa. Ngunit hindi niya tototohanin ang mga pananakot niya. Maaari mo na lamang siyang ipa-blotter sa tanggapan ng kapulisan na malapit sa inyong tinutuluyang bahay nang sa gayon ay maipagbigay-alam mo na sa kinauukulan ang pananakot at pagbabanta niya ng pananakit sa iyo at sa iyong anak.
Sa kabilang banda, kung sadyang nababahala at natatakot ka na totohanin niya ang mga ibinanta niya sa iyo, maaari kang maghain ng reklamo para sa krimeng grave threats. Ayon sa Artikulo 282 ng Revised Penal Code, maaaring maparusahan ang isang taong nagbabantang gumawa ng masama sa kanyang kapwa o sa miyembro ng pamilya nito, at ang ibinanta niya ay isang krimen alinsunod sa ating batas.
Ayon sa iyong sulat, binabantaan ka ng asawa ng ama ng iyong anak na papatayin kayo ng iyong anak. Ang pagpatay ay isang krimen na mayroong mabigat na parusa. Kahit pa sabihin niya na ang dahilan kung bakit niya ipinadala ang mga nasabing mensahe ay sa kagustuhan niyang mapahinto na ang relasyon ninyo ng kanyang asawa, hindi pa rin masasabing tama ang kanyang ginagawang pananakot.
Sa katunayan ayon sa Artikulo 282, id “Any person who shall threaten another with the infliction upon the person x x x of the latter or of his family of any wrong amounting to a crime, shall suffer: 1. The penalty next lower in degree than that prescribed by law for the crime he threatened to commit, if the offender shall have made the threat x x x imposing any other condition, even though not unlawful, and said offender shall have attained his purpose. If the offender shall not have attained his purpose, the penalty lower by two degrees shall be imposed. x x x” Marahil makabubuti na paliwanagan mo rin siya na maaari siyang maharap sa isang kaso kung hindi niya ititigil ang pananakot sa inyo.
Makatutulong din kung tuluyan mo nang hihiwalayan ang ama ng iyong anak lalo na at alam mong siya ay kasal pa sa kanyang asawa. Kung hindi mo ito ititigil ay maaari ka namang makasuhan ng concubinage kung mapatunayan na kayo ay nagsasama pa rin bilang mag-asawa sa iisang tahanan gayong napag-alaman mo na sila ay kasal pa. (Artikulo 334, Revised Penal Code) Kailangan mo rin itong gawin upang maging matahimik na ang buhay ninyo ng iyong anak at matigil na ang pagbabanta laban sa inyong buhay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta