SA ISANG demokratikong bansa katulad ng Pilipinas, paano nga ba naisasabuhay ang tunay na diwa ng demokrasya? Ang kadalasang pagtingin sa demokrasya ay tumitigil at nalilimitahan lang ng kalayaang magpahayag ng damdamin at pagpuna sa pamahalaan. Ngunit hindi ganap ang demokrasya sa ganitong pagtingin.
Ang tunay na kahulugan ng demokrasya ay sumisentro dapat sa pinanggagalingan ng kapangyarihang sa pamahalaan. Taliwas sa prinsipyo ng demokrsya ang monarkiya kung saan may isang tao lamang ang pinanggagalingan ng kapangyarihan sa gobyerno. Ganoon din ang aristokrasiya kung saan may iilang piling makapangyarihan ang nagdedesisyon sa pamahalaan.
Ang prinsipyong demokrasya ay nagpapatupad ng mga programa at nagbababa ng desisyon ayon sa kagustuhan ng nakararaming tao sa lipunan. Ang tunay na “boss” sabi nga ni PNoy ay ang mga taong bayan.
Ang pagdedeklara ng kataas-taasang Hukom o Korte Suprema ng pagiging taliwas ng PDAF sa ating Saligang Batas ay muling nagpaalala sa ating mga mamamayan na ang tinig natin kapag nagsama-sama ay nagiging batas sa ating bayan.
Kung ang PDAF ay taliwas sa 1987 Constitution, ang ibig sabihin ay matagal nang nilalapastangan ng mga mambabatas ang ating Saligang Batas. Matagal nang ginagamit ang perang galing sa buwis na hindi naaayon sa Saligang Batas. Kung ganoon, bakit ngayon lang ito pinatitigil?
Ang sagot ay dahil ngayon lang nagsama-sama ang tinig ng mga mamamayan para ipabatid ang tunay na kagustuhan at saloobin hinggil sa isyung ito. Ang pinakamahalaga ngayon ay alam na natin ang mekanismo kung paano nagiging batas at naisasakatuparan ang tinig ng tunay na demokrasya.
MAS MATALINO na nga ba ang ating mga mamamayan ngayon dahil nakikilahok na ang nakararami sa mga kilos-protesta na tumutugon sa iba’t ibang isyu sa pamahalaan?
Sa tingin ko ay bukod sa salik ng pagiging mas mata-lino ng mga mamamayan ngayon, malaking bagay rin ang pagkakaroon ng behikulo sa pakikipagtalastasan gamit ang teknolohiya, partikular ang mga social media networks at tinatawag nating “netizens” (internet citizens).
Dahil sa ang teknolohiya ay bahagi na ng ating buhay ngayon, nagiging madali para sa mga mamamayan ang makilahok sa mga isyung politikal sa pamamagitan ng mga social media network. Dito ay madaling nasasabi ng mga tao ang kanilang pakiramdam at posisyong politikal. Natututo rin sila sa mga pahayag ng ibang tao at mga eksperto sa iba’t ibang isyu.
Ang kaisipan ng mga mamamayan, bilang tunay na kaluluwa ng demokratikong pagpapatakbo ng bansa, ay madaling nasasala gamit ang mga social media network. Dito rin nagsisimula ang pag-oorganisa ng isang kilos protesta gaya ng “one million march” noong mga nakaraang buwan. Naipupulso rin dito ang kagustuhan ng mas nakararaming tao.
Nagiging matalino at mapanuri ang ating mga mamamayan dahil lantarang nakikita sa social media networks ang kaisipan ng iba’t ibang tao. Mapa-ordinaryo mang tao o isang eksperto ay maaring marinig sa mga social media network ang kanilang tinig. Nagiging isang mala-king unibersidad para sa palitan ng kaisipang politikal ang mga social media network.
Mabuti at nagiging malaking tulong para sa ating bansa ang teknolohiya ng “internet” at “social media networking”. Ito ay nakadaragdag sa pagpapalaganap ng tunay na mithiin ng isang demokratikong bansa. Nagsisilbi rin itong tagalipi ng mga kaisipan at boses ng mga Pilipino. Ito nga marahil ang bagong tinig ng demokrasya.
Shooting Range
Raffy Tulfo