Tinig ni Keithley

SA KASAGSAGAN ng EDSA Revolution nu’ng 1986, isang matapang na tinig ang namayani at naggabay ng naghihimagsik na mamamayan: tinig ni June Keithley sa Radio Veritas.

Malagim at mapanganib ang panahong yon. Ang maitim ng puwersa ng diktador ay walang patumangga, walang sinasanto-santo. Pina-arya ang mga sundalo’t tangke. Pinulbusan ng bala at kanyon ng tubig ang mga demonstrador. Kinulong ang mga militante ngunit sa gitna ng mga ito, ‘di nagpasupil ang tinig ni Keithley.

Gabodega ang naisulat na aklat tungkol sa rebolusyon. Marami nang nag-angkin ng tansong kabayanihan. Ngunit ang kabayanihan ni Keithley, ilang labi lang ang bumibigkas.

Tandang-tanda ko pa. 24 oras ang tinig niya’y pumapailanlang nang buong tapang sa Radio Veritas. Hinihikayat ang mga mamamayan na huwag tumigil sa pag-aalsa. Tinatawag ang pagkamakabayan ng lahat. Huwag matakot. Makibaka.

At ang rebolusyon ay hinigop ng tagumpay. Sa tulong ng lahat, lalo na si Keithley, ay naibalik ang kalayaan at demokrasya.

Ngunit ano ang nangyari kay Keithley? O sa mga daan-daang mga bayaning tulad niya? Sa taun-taong paggunita ng EDSA Revolution, kokonti ang nagtataka o nagtatanong kung bakit ‘di kasama si Keithley. Siya ba’y nalimot na bantayog? Ganyan ang Pilipino. Madaling makalimot.

Nakaraang dalawang buwan biglang laman ng pahayagan si Keithley. Dahil ito sa pagpanaw ng kanyang kabiyak – Angelo Castro Jr. ng ABS-CBN – na itinuturing na broadcast icon. Buong tapang at tatag, muling hinarap ni Keithley ang malagim na pakikibaka.

Ngunit kalahati lang ‘yon ng kalungkutan. Si Keithley mismo ay biktima rin ng breast cancer na umakyat na sa kanyang utak. Deboto sa Mahal na Birhen, walang bakas ng agam-agam o pangamba. Alam niyang mahal siya ng Diyos. Alam niya na ang sakit ay isang muling pagsubok.

June Keithley, bayani ka pa sa dilang bayani.

SAMUT-SAMOT

 

KINAYAYAMUTAN KONG manood ng TV Patrol at 24 Oras news telecasts sa gabi. Sagad ng depressing news: patayan, rape, kalamidad, awayan ng artista, etc. Tutulog ka na lang, puro negatibo pa’ng nasa isip mo. Lalong nagpapahirap pagkatapos mong maghapong nagtatrabaho. Anong uri ng news sense at values ang mga networks na ‘yan?

NGUNIT KAMAKAILAN, sa ‘di ko mawaring dahilan, napindot ko ang TV sa TV Patrol. Tamang-tama, binabalita ni Noli de Castro ang isang mahirap na taxi drayber na nagsauli sa naging pasahero ng P300,000. Ipinakita sa TV ang bahay ng drayber – masahol pa sa bahay ng daga. Sabi niya: Napakalaking bagay po sa kahirapan namin kung ‘di ko isasauli ang halaga. Subalit ‘di ko ho makunsensiya. Saka, baka kami makarma. Nakabubusog, pusong kabayanihan! Sana’y lumago pa ang ganyang uri ng tao. For the first time, pinupuri ko ang TV Patrol sa positive news.

PAINIT NANG painit ang balitaktakan sa pagtatayo ng SM extension sa Baguio. Kinokontra ng mga environmentalist ang proyekto dahil ito’y magpuputol ng mahigit na 100-year old pine trees. Giit naman ng SM, pribadong property ito at may karapatan silang gawin ang dapat gawin. Naiipit dito ang DENR na nagbigay-permiso sa proyekto. Habang sinusulat ito, nasa korte pa ang isyu.

TUNAY NA Baguio City ng aking kabataan ay tuluyan nang naglaho. Natatandaan ko na pag-akyat mo sa Kennon Road, malalanghap mo na ang simoy ng pine trees. Ang Burnham Park ay model as a public park with its greeneries, clear pond at clean surroundings. Ngayon kabaligtaran ng lahat.

ANG PAGKASANGKOT ng maraming kasapi ng kapulisan sa krimen ay nagdudungis sa imahe ng PNP. Kabikabila ang kasong kriminal ng maraming pulis sa Kamaynilaan. Kamakailan, nag-utos ng shoot-to-kill order si Manila Mayor Alfredo Lim laban sa dalawang rookies na ayaw sumuko matapos masangkot sa kidnapping. Basag na basag na ang imahe ng pulis. Dati, sila’y ginagalang. Ngayon, kinatatakutan. Mag-isip ang PNP higher ups.

SA GMA News TV may isang program, tawag ay “Personalan”. Napakalaswang panoorin. Dito hina-highlight ang away, pakikiapid at intriga ng mga mahihirap na mga barangay. Sa TV5, may katulad na programa, “Face to Face”. Masamang impluwensa sa mga manonood lalo na sa mga kabataaan. Dapat umaksyon ang MTRCB.

MAKABUO KAYA ng powerhouse senatorial ticket ang LP para sa 2013 eleksyon? As of now, names the party is parading are not winnables – Butch Abad, Riza Hontiveros, Danny Lim, Biazon. Why are the wannabees flocking at Erap-Binay UNA party? Bad indication for the LP. And P-Noy. Mid-year term pa lang ay tila wala nang anghang si P-Noy despite his so-called high popularity surveys. Klarong-klaro, mga tao ay naghahanap ng solid performance. It appears P-Noy is just coasting along. Walang fire-in-the-belly or out-of-the-box strategy to lick the mounting problems.

PINABABALIK NG Sandigan Bayan ang $51.4-M na diumano’y tinanggap ni businessman Herminio Desini sa pagpapatayo ng Bataan Nuclear Power Plant nu’ng panahon ni Marcos. Umabot ng 25 taon ang naging paglilitis. Nakapagtatakang lahat na akusado sa graft nu’ng regime ni Marcos ay wala pang napaparusahan. Nangyari pa, nakabalik sa political power ang mga Marcoses. Si Desini ay isang kilalang Marcos crony. Malimit kong makita ang negosyante ‘pag ito’y nagsisimba sa Christ the King Church, Q.C. Tumanda na nang husto, mahinang lumakad at tila maraming dinaramdam na sakit. Araw-araw, nagsisimba siya. Balita pa, maraming poor Catholic parishes siyang tinutulungan. ‘Di natin alam ang mga detalye ng kanyang kaso. Kung ano man, Diyos lang at siya ang nakakaalam. We still wish him well.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleMay Anay pa sa BOC
Next article‘Asawa ko, kasal na raw, bago pa kami ikasal’

No posts to display