DABIANA. BALYENA. Hippopotamus. Piggy Pork. Napabayaan sa kusina. Elepante. Ito ay ilan lamang sa mga brutal na katawagan na maririnig mong iniiugnay sa isang taong sobra ang katabaan o obese.
Ano ba ang Obesity? Ito ‘yung kalagayan ng katawan kung saan ang deposito ng taba (body fat) ay sobra-sobra sa normal. Ang sinusukat ngayon ay hindi basta timbang lamang kundi ang tinatawag na Body Mass Index (o BMI). May panukat ito. Minsan, kahit ang isang tao ay hindi sobrang mataba, posible na ring obese ito kung ang BMI reading nito ay mataas. Paano ba ginagawa ito? Kunin ang timbang (sa kilo). Pagkatapos ay i-divide ito sa height (sa metro). Kapag ang lumabas na resulta ng BMI reading ay nasa 25 hanggang 29.9, ang isang tao ay masasabing OVERWEIGHT. Pero kung ang resulta ng BMI ay nasa 30 pataas, tinatayang OBESE na ang isang tao. Kung nasa 40 pataas ang BMI, tinatawag na itong SEVERE OBESITY.
Idineklara ng World Health Organization noong 2000 na ang obesity ay isa nang sakit. Ayon sa mga pag-aaral, ang pinakasanhi ng sakit na ito ay sobrang taba sa katawan. Ngunit iba ito sa sobrang katabaang nagdudulot ng sobrang timbang, dahil kahit na ang taong mayroong normal na timbang ay maaari pa ring maging Obese kung sobra-sobra ang taba niya sa katawan.
Batay sa 8th National Nutrition Survey, mula sa 16.6% noong 1993, tumaas na sa 31.1% noong 2013 ang mga Pilipinong kabilang sa mga may sobrang timbang. Maaaring sabihin na 3 sa bawat 10 Pilipino ay obese o may sobrang timbang. At hindi lamang mga matatanda ang apektado dito, bagkus ang mga kabataang Pilipino rin. Tinatayang 5% ng mga batang Pinoy ay obese, at 8.3% naman ay mga teenager.
Likas kasi sa ating mga Pilipino ang pagiging mahilig kumain. May almusal, merienda sa umaga, tanghalian, merienda sa hapon, hapunan, at merienda sa gabi. Hindi pa kasama riyan ‘yung pagkain sa pagitan ng mga main meals at merienda. Minsan bumibili pa tayo ng mga chichiria tulad ng Boy Bawang, Dingdong, Happy, Litson Manok, Zebzeb, at marami pang iba.
Idagdag pa rito ang napakaraming fastfood chains sa ating bansa na nagsusulputan (na bawat order ng meal ay may kaakibat na French fries at softdrinks – at lagi pang may alok na i-upsize ito), hindi malayong magkaroon ng maraming kabataang Pinoy na masasabing overweight na o obese. At karamihan sa mga kabataang ito ay mas gustong kumain sa labas kaysa sa bahay.
Isa pang dahilan na nagiging dahilan sa pagtaas ng bilang ng sobrang timbang ay ang mga trabaho sa opisina na nakaupo lang. Gayun din ang kawalan ng pagpapahalaga sa pagpaplano ng masustansyang pagkain sa mga tahanan.
Dapat alalahanin na ang sobrang timbang ay hindi mabuti sa kalusugan. Ang taong may sobrang timbang ay mas malapit sa mga sakit sa puso, altapresyon, stroke, diabetes, at iba pang mga sakit na maaaring magdulot ng kamatayan dahil sa mga komplikasyon.
Dahilan kung kaya’t bilang paggunita sa Nutrition month nito lamang nakaraang Hulyo ay nakasentro ang kampanya sa pagpapakalat ng kaalaman tungkol sa sobrang timbang o obesity. Layon ng National Nutrition Council na malinang ang bawat Pilipino tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili ng tamang timbang sa pamamagitan ng tamang pagkain at pag-eehersisyo.
Upang maisakatuparan ang ganitong adhikain ngayong taon, nakipag-ugnayan sila sa ilang mga grupo at organisasyon na makatutulong nang husto sa kanilang kampanya. Kabilang dito ang mga lokal na pamahalaan, mga paaralan, ilang NGOs, at mga pribadong sektor.
Ang PhilHealth ay lagi namang kaakibat sa mga ganitong adhikain. Sa kasalukuyan, mayroon itong Primary Care Benefit 1 (PCB1) Package. Ito ay isang set ng benepisyo para sa mga miyembrong kabilang sa Indigent at Sponsored program at mga DepEd personnel sa dekalidad na health care services sa pamamagitan ng accredited public health care providers sa kalakhang bansa.
Kabilang sa Preventive Services ng PCB 1 Package ang mga pangunahing benepisyo kagaya ng konsultasyon, regular na blood pressure monitoring at health promotion kagaya ng edukasyon sa breastfeeding, at counseling para sa healthy lifestyle, at Body Measurement Index (BMI) na naipaliwanag ko na sa unang bahagi ng ating talakayan. Kabilang din sa serbisyong ipinagkakaloob ng programa ang Lipid Profiling bilang diagnostic procedure na lubhang mahalaga upang matukoy ang risk ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Kung kaya’t ngayong Obesity Prevention and Awareness Week, gawin natin ang ating tungkulin sa ating sarili: Inat-inat din ‘pag may time. Tara na at samahan n’yo akong magbanat-banat ng buto. Maaaring mag-zumba, mag-aerobics, mag-brisk walking, mag-10,000 steps a day at marami pang aktibidad na makatutulong upang lumusog ang ating katawan at maiwasan ang pagiging obese.
Kung may nais po kayong linawin o may iba pa kayong katanungan, huwag po kayong mag-atubiling tumawag sa aming Action Center sa (02)441-7442 (office hours lamang po) o kaya ay mag-email sa [email protected]
Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang Number 1!
Sources:
http://mind.pinoy.md/documents/Sakit%20sa%20Puso%20at%20Diabetes.pdf
http://kalusugan.ph/national-nutrition-month-2015-timbang-iwasto-sa-tamang-nutrisyon-at-ehersisyo
http://www.philstar.com/punto-mo/2015/02/07/1421079/overweight-obese-na-teenagers
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas