HABANG BATA pa tayo, magandang makasanayan ang organisadong paggastos para makaipon. Ang pagtitipid kasi ay hindi nadadaan lang sa pag-iipon ng barya sa alkansya. Dapat ito rin ay may kasamang disiplina… disiplina sa paggastos.
Huwag nang hintayin ang panahon na magipit nang husto lalo na kung sasapit ang summer or holiday vacation dahil sa mga panahon na ‘yan, usung-uso ang mga walang-wala dahil sila ay NBSB o No Baon Since Bakasyon.
Paano nga ba makatitipid? Paano nga ba makaiipon? Simple lang, disiplina.
1. Kahit kasisimula pa lang ng pasukan, puwedeng-puwede ka nang makaipon sa pamamagitan ng pagbili ng mga second hand textbooks kaysa sa brand new. Wala namang pinagkaiba ito sa nilalaman ng libro. Ang malaking pagkakaiba ay nasa presyo. Makatutulong pa ito dahil maaaring ang mapagbilhan ng second hand books ay may mga notes pa, O ‘di ba, laking tulong sa pag-aaral? At siyempre, ibenta mo rin ang iyong mga libro sa nakababatang batch sa iyo. Nakatipid ka na, nagkapera ka pa!
2. Hindi porke’t mayroon ang isa sa barkada, dapat mayroon ka rin. Hindi porke’t nakita mo ‘yung gamit ng idol mo, dapat “in” ka rin. Hindi masama maki-in sa mga uso pero dapat mong isaisip na magagamit ko ba ‘to? O binili ko lang ‘to para makibagay? Para makisama?
3. Sa pangkalahatan, huwag maging impulsive buyer. Sakit ‘yan ng mga bagets! Ang pagiging impulsive. Nadaan lang sa mall, pagkauwi butas na ang bulsa. Kaya ang solusyon diyan, huwag mag-grocery kapag gutom, huwag pupunta ng mall nang may dalang sobra-sobrang pera lalo na kung ang intensyon mo lang naman ay magpalamig o kaya mag-window shopping. Kontrol-kontrol din mga ate, kuya.
4. Kung malapit-lapit naman ang pupuntahan, maglakad na lang kaysa mag-jeep. Kung malayuan naman, matutong mag-research ng iba pang posibleng paraan para makarating sa iyong pupuntahan. Hindi ‘yung taxi agad ang solusyon. Maraming paraan, nariyan ang mga LRT at MRT lines, mura na mabilis pa. Diyahe nga lang dahil sa sobrang dami ng tao pero makakasakay ka pa rin naman.
5. Kung ‘di mo talaga maiwasang bumili ng luho mo o kaya kung ‘di mo talaga maiwasang gumastos, kailangan lagi mong dalhin ang iyong student ID. Humanap ng merchant stores na nag-offer ng student discount. Marami ‘yan!
6. Huwag magpadala sa “SALE” o kaya sa “PROMO”. Hindi naman kayo nakatitipid kapag pinatulan n’yo ang karatulang ‘yan! Dahil imbes na makatipid, napapagastos lang kayo nang husto dahil kadalasan, kahit hindi mo naman kailangan pero nakita mong sale o kaya may promo, bibilhin na agad! Nasaan ang sinasabing discount na makukuha mo? Wala naman. Kaya huwag na.
Hindi ako mapapagod ulit-ulitin sa inyo na ang sikreto sa pag-iipon ay disipilina. Disiplina sa iyong spending habits. Habang bata pa lang, dapat matutunan na ito. Hindi naman kasi madali itong nakukuha. Ito ay dahan-dahan na nade-develop sa ugali ng tao. Kapag sinabing “habits”, sa diksyunaryo, ito ay may kahulugan na paulit-ulit na pagsagawa ng mga bagay-bagay hanggang sa ito ay makasanayan.
Kaya mga bagets, budget-budget din. Tipid-tipid din. Ipon-ipon din.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo