HULING LINGGO na ng Mayo ngayon at papasok na ang buwan ng Hunyo, kung saan ay balik-eskuwela na, pasukan na naman. Nalalapit na nga ang pasukan, ayos na ba ang gamit mo sa pasukan? Ito ang ilan sa mga paraan para makatipid tayo para sa darating na pasukan.
Back to school na, maaaring may bago kang maging klasmeyt, bagong guro, at iba pa. Pero sa gamit, kailangan ba bago rin ang lahat? Puwede ring bago, pero kung mayroon naman tayong mga pinaglumaan lang na puwede pa nating magamit, ating gamitin ito at baguhin lang nang konti para kapaki-pakinabang at maayos tingnan. Tulad ng lumang notebook. Iba sa notebook natin ay puno na ng sulat at hindi na magagamit. Ang iba naman ay ‘yung may mga hindi pa nasusulatan. Maaari nating kunin ang mga papel sa notebook na iyon at pagsama-samahin ang mga nakuhang papel sa notebook na walang sulat at maaari nating lagyan ng cover kahit colored paper at tahiin natin ng yarn para may bago na tayong notebook, nakatipid pa tayo.
Sa mga ibang subjects din tulad ng Mathematics, siyempre kinakailangan nating mag-solve gamit man ang calculator o maaari rin ang scratch paper. Para tayo ay makatipid din, gamitin natin ang mga bond paper na gamit na, mga dating paper works na ginamit lalo na sa mga nagte-thesis, na kay rami ring papel na ginamit dahil hindi rin maiwasan na minsan ay may revision. Gamitin natin ang likod ng bond paper na puwede nating gupitin pa ½ crosswise o pa ¼ man para ating gamitin bilang scratch paper habang nagso-solve o nagsusulat ng mga dapat nating tandaan.
Sa pamaraan na ito may magagamit na tayo, nakabawas pa tayo ng maaaring putulin na puno na panggawa ng papel, nakatulong din tayo sa ating environment sa pamaraan na pagre-recycle o pagre-reuse nito, at nakatipid pa tayo.
Sa ating sapatos naman, kung mayroon pa tayong ginamit dati na puwede pa, ating gamitin pa rin para makatipid at pambaon na lamang natin ang mga matitipid.
Paano kung wala nang mai-recycle sa mga notebook at iba pang gamit? Maaari rin tayong bumili lalo na sa Divisoria na mura ang mga gamit, mga notebook na iba-iba ang design, at makukulay, pero sa murang halaga lamang, at mga pencil, sharpener, color, at iba pang mga kailangan para sa pasukan. Bago na ang mga gamit natin, makatitipid pa rin tayo. Sa ating mga bibilhin na mga bagong gamit na mura, maniguro rin tayong ligtas itong gamitin, dahil ang iba naman ay mura nga, pero may halong chemical sa crayons na nakakalason.
Mainam na maging alerto tayo sa mga gamit na iyon para sa ating kaligtasan din. Meron din mga sapatos na mura, pero maaaring masira agad. Ang iba naman ay tumatagal, pero ating ingatan na lamang dahil minsan ay nasa gumagamit din iyan kung gaano siya kaingat.
Ito ang mga ilang bagay na maaari nating gawin para makatipid tayo sa darating na pasukan. Bago man ang gamit o luma na ating ni-recycle, ang mahalaga ay may magagamit tayo at mag-aaral tayo nang mabuti.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo