ALAM NATING lahat na hindi puwedeng matapos ang summer nang walang magaganap na swimming outing. Ito na kasi ang pinakamasayang paraan na maidaos ang summer kasama ang buong pamilya at mga kaibigan. Pero hindi ibig sabihin nito na puro saya ang dulot nito. Aminin naman kasi natin, mayroon at mayroon talaga ang umuuwing luhaan kada outing dahil may isa sa kanilang kasama ang napahamak. Kaakibat kasi ng swimming outing ang posibilidad ng pagkalunod lalo na kung hindi alam ang mga survival tip. Kaya para tuluy-tuloy ang saya, alamin ang pamamaraan para mapanatiling laging ligtas sa isang swimming outing at maging maagap sa mga kapahamakan na maaaring mangyari.
Kahit wala pa kayo sa resort, nagsisimula na ang pagiging handa sa pag-eempake pa lang ng mga kagamitang dadalhin. Paniguradong uunahin n’yo ang inyong swimming trunks, board shorts, bathing suits, sunglasses at sunblock. Pero balewala rin ‘yan kung walang first aid kit, para malunasan agad ang pagkahilo, pagsakit ng tiyan o sugat na maaaring makuha.
Dapat din na mayroong dalang mineral water, may posibilidad din kasi na ma-trap sa isang isla o kuweba lalo na kung paplanuhin na mag-island hopping. Hindi n’yo ba alam na maaari kayong maka-survive hanggang tatlong araw na kahit walang kinakain basta’t mayroong malinis na tubig na maiinom? Huwag n’yo ring tangkaing uminom ng tubig-dagat dahil maaaring makalason ang alat nito sa inyong mga katawan.
Kailangan din ng flashlight. Kadalasan kasi, may mga resort, isla at probinsya na masyadong madilim kapag gabi dahil pinapatay ang ilaw nang maaga. Para naman hindi maligaw sa pupuntahan lalo na kung malayo ito sa kabihasnan, magdala ng mapa at compass. Huwag mo nang sabihin na isasalba kayo ng inyong google maps sa inyong cellphones dahil paniguradong mahihirapan naman kayo sa pagkuha ng signal sa paroroonan n’yo. Huwag na huwag ding kalimutang magdala ng pito o whistle dahil ito ang tutulong sa inyo para makapagbigay ng senyales kung humihingi man kayo ng tulong.
Habang nasa biyahe naman kayo, pagdesisyunan n’yo na kung sino sa mga kasama n’yo ang magiging ka-buddy n’yo. Hindi ito baduy. Mas mainam na magkaroon ng “buddy system” sa swimming outing na pupuntahan para may taong makakasama saan man magpunta. Mahirap na ang mag-isa lalo na sa lugar na hindi ka pamilyar at wala kang masyado kakilala.
Pagdating naman sa resort o sa isla na pagsu-swimming-an, basahin agad ang safety procedures ng management. Doon lamang lumangoy kung saan madaling makita ng life guard. Halimbawa naman kung sa beach kayo lalangoy, huwag nang magpaka-sirena sa kasisisid, lumangoy lang sa parte ng dagat kung saan n’yo kaya at kung saan kayo ay natatanaw ng mga kasama.
Kung pinaplano namang mag-island-hopping gamit ang lantsa sa dagat, siguraduhin na hindi lang iisa ang lifeguards na isasama. Magsuot ng life vest at huwag masyado malikot at tayo nang tayo sa bangka. Kung may mga bata namang kasama, sila ay hawakan nang maigi. Tips lang sa pagkuha ng lifeguards, sa walong turista, dapat may 2 o hanggang tatlong lifeguards na kasama. Sa mga bata naman, isang life guard para sa tatlong bata ang ratio dapat.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo