MGA KABATAAN nga naman! Kapag sinabing Pebrero, lahat nananabik lalo na ang mga bagets na may ka-date ngayong Araw ng mga Puso. Kaya nga lang, ang kanilang pananabik ay hindi maiiwasang mahaluan ng kaba lalo na kung ito ang kanilang unang date. Naku po! Huwag sayangin ang pagkakataong ito, mga bagets. Sabi nga nila, dapat ang first date ay tumatak talaga sa iyo. Iba rin kaya ang tamis ng unang date. Kaya, magbibigay ako ng tips ko o mga suhestyon para hindi lang maging basta-basta simpleng date ang mararanasan n’yo, kundi isang date na hindi basta-basta makalilimutan.
1. “GMRC” huwag kalimutan
Huwag na huwag ninyong kalilimutang dalhin ang GMRC o Good Manners and Right Conduct n’yo kahit saan kayo magpunta. Mula pagkabata, ito na agad ang itinuturo sa atin dahil ganito ito kahalaga. ‘Di bale nang kinulang sa itsura, pero kung may GMRC ka naman, angat ka pa rin, bro!
2. Relaks ka lang
Oo, lahat naman kinakabahan sa unang date. Kaso, huwag namang masyadong kabadung-kabado na ultimo pagsasalita, hindi mo na magawa. Kung hindi mo napapansin kapag kabado ka kung minsan, hindi lumalabas ang natural na ikaw. Masyado mong iniisip agad kung ano ang mangyayari matapos mo sabihin ito o iyon. Naku, huwag ganoon. Magiging nakaiilang ang pag-uusap n’yo sa mga bagay-bagay. Dahil kung minsan, ang kaba na nasa sa iyo ay makikita at mararamdaman ng ka-date mo. Magiging boring lang ‘yan. Sige ka, baka wala nang sumunod kapag nagpatuloy ka pa ring kabado.
3. Go with the Flow lang
Huwag pangunahan ang mga bagay-bagay. Maging natural lang. Huwag isipin agad-agad kung paano masusundan ang first date n’yo. Huwag isipin agad kung paano mo siya mapasasagot. Tandaan, first date ‘yan. Hindi n’yo pa kilala ang isa’t isa kaya go with the flow lang.
4. Maging handa
Maging boyscout o girlscout sa first date. Maging kagaya nila na laging handa. Huwag na huwag kang male-late sa first date. Huwag na huwag kang pupunta sa inyong date na hindi plantsado ang iyong mga damit. Huwag na huwag makikipag-date kung alam mo sa sarili mong hindi ka handa dahil mapapansin naman ‘yan ng ka-date mo. At tandaan, “first impression lasts”.
5. Magtanong-tanong
Unang date mo ‘yan, hindi mo pa alam kung ano ang maaaring mangyari. Kaya huwag mahiyang humingi ng opinyon mula sa iyong pamilya o kaibigan kung paano magiging matagumpay ang first date mo. Maganda rin kasi kung humihingi ka ng opinyon lalo na sa mga taong nakaranas na nito.
6. Magpakatotoo ka, bro!
Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagiging totoo sa sarili. Ilabas mo ang tunay na ikaw. Kung minsan kasi sa kagustuhan mong magustuhan ka niya, gumagawa ka ng mga kuwentong ikamamangha niya. ‘Yung tipo bang gusto mo lang magpasikat. Sa kagustuhan mong masundan ang unang date n’yo, masyado kang nagiging perpekto sa iyong mga galaw. Tandaan, ang pagiging totoo sa sarili ay pagiging totoo rin sa kapwa. Kung hindi ka man magustuhan ng ka-date mo, ayos lang ‘yan. Mas okay na ang ganu’n kaysa magustuhan ka niya sa maling ikaw.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo