Isinugod sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, ang talent manager na si Cornelia Lee, mas kilala sa tawag na “Tita Angge“, matapos niyang ireklamo ang pananakit ng kanyang dibdib habang nanonood ng isang pelikula sa Greenhills kahapon, Sabado, March 5.
Hanggang ngayong araw, Linggo, March 6, nananatiling nasa kritikal na kondisyon ang talent manager.
Sa interview ng DZMM Radyo Patrol 630 nina Julius Babao at Zen Hernandez kay Sylvia Sanchez kahapon, sinabi ng aktres na idineklarang dead on arrival sa ospital si Tita Angge, pero na-revive ng mga doktor makalipas ang 15 minuto.
Sa kabila nito, nananatiling comatose si Tita Angge at hindi gumaganda ang condition, ayon pa kay Sylvia. “Ngayon, machine ang tumutulong kay Tita A, machine para makahinga siya talaga… Hindi pa siya… no reaction pa. Hindi pa siya nakakapagsalita, hindi pa siya nakakaramdam. Wala talaga.”
Dagdag pa ni Sylvia, “Little chance daw talaga saka dasal na lang, milagro talaga. Ang problema kasi, ‘yung 30 minutes na pagkawala ng hangin sa brain niya.”
Sabi ni Sylvia, sumailalim na si Tita Angge sa angioplasty may anim na taon na ang nakalilipas. Bukod sa sakit sa puso, mayroon ding diabetes ang talent manager.
Bukod kay Sylvia, mina-manage din ni Tita Angge ang showbiz careers nina Mickey Ferriols, Timmy Cruz, at Smokey Manaloto.
Bago naging talent manager, dating nang artista sa radio, TV, at pelikula si Tita Angge. Hindi na rin mabilang ang mga pelikulang nilabasan ni Tita Angge noong late 60’s hanggang early 70’s.
By Parazzi Boy