KAHIT ANONG pintas at batikos ninyo, kampi pa rin ako kay Tita Annabelle Rama. Ang una’t huli, ‘di siya plastik. Sa kanya, what you see is what you get. No return. No exchange.
‘Di ko personal na kilala si Tita Annabelle. Mapusok, palaaway at pasaway, ayon sa kanyang mga naiinggit na detractors. Ngunit sa a-king kinaroroonan, iba ang pananaw ko. At kailangan siyang iadya sa mga dilang masasama.
Sa totoo lang, idolo ko si Tita Annabelle. Sa pagi-ging dating artista, ina, maybahay, businesswoman at mapagkawang-gawa. Dapat ipagmalaki ang pag-aa-ruga at pagpapalaki sa kanyang tatlong anak – Ruffa, Richard at Raymond – na nagdulot ng karangalan sa bansa at umani ng tagumpay sa kanilang propesyon. Kanyang kabiyak, Eddie Gutierrez, ay isa ring haligi ng pelikulang Pilipino. At ang labis na kahanga-hanga ang pagkakaisa nila bilang isang pamilya sa gitna ng unos at pagsubok. ‘Ika nga, walang iwanan.
Alam ko na si Tita Annabelle, sampu ng kanyang pamilya, ay malapit kay dating Pangulong Erap. Sa Polk residence ni Erap, malimit dumalaw sila lalo na ‘pag may special occasion. Nu’ng 1998 presidential campaign, isa sina Tita Annabelle ang may malaking naitulong kay Erap kasama sina Nora Aunor, pumanaw na FPJ at Dolphy.
To be sure, mayroon ding kapintasan sa ugali si Tita Annabelle. Sino ang wala? Subalit kilatisin natin ang bumabato sa kanya. Maaaring mas masahol pa sila.
Si Tita Annabelle ay ‘di basta-basta. Galing siya sa isang marangal at mayamang angkan sa Cebu. Ang kanyang lolo ay dating senador at dalawang tiyuhin ay dating gobernador. Napabalita na maaaring tumakbo siya bilang kongresista sa isang Cebu district. ‘Yon lang, nagpapa-survey pa siya. Kung tatakbo, tiyak ang panalo.
Ang mundo ng showbiz ay tulad ng isang snakepit. Survival of the fittest. Kabi-kabila ang iringan, pintasan at kagatan. Showbiz people ay tila mga lumalangoy na isda sa malaking aquarium. Pinanonood. Tinititigan.
‘Di ito pagtatanggol kay Tita Annabelle. Mas mahigit pa niyang kayang ipagtanggol ang kanyang kapakanan. Kita ninyo, nu’ng hambalusin niya ng metal na tungkod si Chito Alcid, movie reporter. Born fighter. May prinsipyo at conviction. Kelanman, ‘di tatakbo sa isang mabuting laban.
Oy, mga bungangera kayo, ‘di ako nagsisipsip kay Tita Annabelle. Anong mapapala ko. Gusto ko lang ilagay sa ayos ang lahat ng mga pangyayari sa kapakanan ng katotohanan at fairness. Siya nga pala, Tita, pengeng pases. He, he, he…
SAMUT-SAMOT
NAPABALITA NA si businessman Manny V. Pangilinan ang nagtaguyod ng humigit-kumulang P8-M hospitalization expenses ng nasirang Dolphy sa Makati Medical Center. ‘Di niya pinagkalat ito subalit nag-leak sa media. Ang pinakiusapang umayos ng bills ay si Willie Revillame. Ganyan ang purong kawang-gawa, ‘di ina-advertise. Sabagay, barya lang ang halaga. Subalit namamalas dito ang kagandahang-loob ng negosyante. Balita pa rin na kahit ‘di natapos ni Dolphy ang 2 taong kontrata, biniyayaan na rin siya ng buong halaga.
MAY DAHILAN na magwala si VP Binay sa pag-eskapo sa ibang bansa ni accused Delfin Lee dahil sa syndicated estafa. Daang taong mahihirap ang nabiktima ni Lee sa fake housing projects. Dalawang buwan ang nakaraan nang i-serve ‘yong warrant. Napag-alaman kahapon na tila wala na sa bansa si Lee. Sandamakmak na inutil ang ating mga awtoridad. Ilan pang high-profiled fugitives ay sina Gen. Jovito Palparan, Rep. Ecleo at dating Palawan Gov. Joel Reyes.
‘DI PUWEDENG “deadma” ang solusyon sa Scarborough Shoal issue. ‘Yon ang palagay naming ginagawa ni P-Noy sa lumalalim na problema. Masyado na tayong binababoy at pinahihiya ng Tsina. Wala tayong matakbuhan ng tulong. US at ASEAN? P’we! ‘Di tutulong ang mga ‘yan ‘pag ‘di apektado ang kanilang interes. Kaya magbahag-buntot na lang tayo. Kumahol nang kumahol at umiyak sa isang munting sulok.
ACCIDENTS WAITING to happen. Ito ang kalagayan ng mga pedestrian overpasses sa Kamaynilaan lalo na sa Quiapo at España. Bukod sa ‘di namimintina ang mga ito, wala itong sapat na mga ilaw sa gabi. Kaya’t ang mga masasamang loob at iba pang underworld characters, lagi itong pinupugaran dahil puwede nilang biktimahin ang mga inosenteng mamamayan lalo na ang mga estudyanteng dumaraan rito. Paging Mayor Fred Lim.
MAY NAISPATAN kaming tindero ng murang botchang lechon sa may tulay sa loob ng Paco Market. Pinaghihinalaang ang lechong ito ay galing sa Pandi, Bulacan na sinalakay ng mga awtoridad nu’ng isang taon. Pagkaraan ng ilang buwang “bakasyon”sa kanilang kalakal, heto na naman sila at naglakas-loob na buhayin muli ang ganitong pagluwas ng botchang lechon. Pinaaalalahanan ko ang mga mamimili na ‘wag basta-basta bibili ng ganitong lechon na makapipinsala sa inyong kalusugan. Bumili lang sa inyong mga suki o lehitimong magle-lechon. Bago bumili nito, amuyin, tingnan mabuti ang kulay, at tikman.
MAGING MAPAGMASID sa pagbili ng gulay. Nu’ng isang araw, nakabili ako ng hiwa-hiwang sayote sa aming palengke. Nu’ng inuwi ko at binabad sa plangganang may tubig, lumabas ang kulay berdeng katas nito. Hinala ko ay binabad ito ng tindera sa kulay berdeng sangkap para magmukhang sariwa at ma-pintog ang gulay. Hinugasan ko nang mabuti ang gulay at saka ginisa sa bawang, kamatis at sibuyas at saka tinimplahan. Awa ng Diyos, ‘di naman sumama ang tiyan namin pagkakain nito.
SANA’Y DAGDAGAN pa ng pamunuan ng PNR ang commuter trains nito na bumabiyahe sa Tutuban hanggang Alabang at pabalik lalo na ‘pag rush hours. Daig pa ng lata ng sardinas ang siksikan ‘pag mga oras na ito. Kawawa naman ang mga senior citizens, mga buntis at mga nanay na may karay na sanggol ‘pag natatapat sa ganitong rush hours. Mapipitpit ka at tagaktak ang iyong pawis lalo sa kainitan ng panahon. Dapat habaan pa ang mga coaches sa bawat trip para lalong maraming pasahero ang ma-accommodate. Bukod dito, gawin nang air-conditioned ang lahat ng ordinary commuter trains para sa kaginhawahan ng riding public.
SA MGA sumasakay ng pampublikong sasakyan sa Kamaynilaan. Huwag magsusuot ng mga alahas at magdadala ng malaking halaga. Naglipana na naman ang sari-saring masasamang elemento na nananamantala sa mga kawawa nating kababayan. Kamakailan, ilang mga babae ang nahablutan ng kuwintas at hikaw sa EDSA-Kamuning area sa Quezon City. Nahuli ang ilang snatchers na mga rugby boy din. Hinuli ng mga awtoridad at tinurn-over sa DSWD na tinurn-over naman sa kanilang mga magulang dahil sila ay menor de edad.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez