NAALIW AKO SA guests namin sa Startalk nu’ng kamakalawa lang, ang tatlong prinsesa ng Dramarama sa Hapon na sina Jackie Rice na bida sa Sisid, Bianca King naman sa Sinner or Saint, at si Kylie Padilla naman sa Blusang Itim.
Si Bianca naman, noon pa okay sumagot dahil ma-runong naman talaga ‘yan at matalino, nagulat ako kina Jackie at Kylie na dati’y mahiyain at parang mga bata pa kung sumagot, pero ngayon ang gagaling na.
Tuwang-tuwa ako kay Kylie na marunong na nga-yong sumagot, samantalang dati, takot na takot ito sa interview.
Sinabi nga niyang maganda na ngayon ang relasyon nila ng kanyang Mommy na aprub na rin sa pagpasok niya sa showbiz. Maayos daw ang komunikasyon nila at nakikita naman daw niya ang pagtitiwala sa kanya ni Robin.
Si Jackie naman ay tanggap na rin daw na malabo nang magkaayos ang Mommy at Daddy niya. Matagal na raw hiwalay ang magulang niya pero magkasama sa bahay niya. Okay na raw iyun, at least friends pa rin daw sila.
Natutuwa na rin daw siya dahil nagsasama silang lahat sa bahay niya kaya hindi na niya pinipilit na magkaayos sila. Basta magkakasama lang silang lahat, okay na sa kanya ‘yun. Mahirap na raw na pilitin pa niya ang dalawa na magkabalikan kung hindi pa sila handa.
Nilinaw naman ni Bianca ang intrigang namimili na raw ito ng mga project na ibinibigay sa kanya magmula nang maging bida na ito sa Sinner or Saint.
Sabi niya, ang manager daw niya at ang GMA Ar-tists Center ang nagdi-decide kung ano ang nababagay na project sa kanya, basta nagtatrabaho lang daw siya.
May isyu pang tumanggi raw itong mag-guest sa Party Pilipinas nang nalaman niyang hindi naman mga bida ang makakasama niya.
Paliwanag naman ni Bianca, rest day daw niya talaga ang Linggo. Kung promo raw sa Sinner or Saint, okay lang sa kanya na mag-guest. Pero kung hindi naman, mabuting i-rest na lang daw niya. Kaya hindi raw totoo ang ibinibintang sa kanya.
Nakasanayan na raw niyang tanggapin ang mga ganu’ng intriga sa kanya kaya hindi na lang daw siya nagri-react.
NATUTUWA RIN AKO sa alaga kong si Alfred Vargas dahil maayos ang paghawak nito sa mga nasimulan niyang negosyo.
In fairness dito kay Alfred, meron na siyang farm sa Bulacan at Batangas at mga maliliit na negosyong nabuksan na.
Ngayon naman ay naka-focus ito sa film production dahil puspusan na ang kanyang Alternative Vision Cinema sa pag-produce ng mga indie films. May mga nasimulan na itong project pero ngayon ay may dalawang entry siya sa Cinemalaya.
Co-producer ang Alternative Vision Cinema niya sa pelikulang Busong ni Direk Aureaus Solito na entry sa Director’s Showcase sa nalalapit na Cinemalaya Film Festival.
Bida rin siya sa isang entry sa New Breed Category na Teoriya ang title at tinutulungan din niya rito ang bagong direktor at producer na si Zurich Chan.
Pagkatapos daw nitong mga pelikulang nabanggit, sisimulan na ni Alfred ang susunod nilang project ni Direk Aureaus na isang epic movie. Medyo malaking production ito, pero indie film pa rin, at excited siya rito.
At least busy siya ngayon para pansamantalang makakalimutan daw niya ang pag-alis ng mag-ina niya patungong Italy.
Baby girl kasi ang ipinagbubuntis ng asawa niyang si Yasmine Espiritu kaya napagkasunduan nilang doon sa Italy ito manganganak.
Dala ni Yasmine ang panganay nilang si Alexandra Milan kaya maiiwang mag-isa rito si Alfred. Mga bandang October pa raw siya susunod para samahan ang asawa niya sa panganganak.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis