ILANG LINGGO na ang nakararaan, tinext ko si Customs Commissioner Ruffy Biazon matapos na lumabas ang pangalan niya sa senatorial survey na pasok sa magic 12. Sa nasabing text, kinonggratulate ko siya at sinabi kong personal na susuportahan ko ang kanyang kandidatura.
Sa kanyang reply, labis siyang nagpasalamat at sinabi niyang ‘di pa siya sigurado dahil wala pa naman daw na abiso sa kanya si Presidente Noynoy kung siya ba ay isasama sa senatorial line-up ng administrasyon para sa 2013 midterm elections.
DALAWANG SENARYO na maaaring mangyari ang pumuputok ngayon sa BoC. Una, tatakbo raw si Ruffy sa Muntinlupa bilang congressman at ‘di bilang senador – ang tatay niyang si Cong. Rodolfo Biazon ang aakyat muli sa Senado. Patunay raw rito ay ang kuwestiyunableng pag-donate ni Ruffy ng 506 na mga bisikleta sa DepEd ng Muntinlupa na nasakote ng BoC kamakailan.
Pero sabi ng nakatatandang Biazon sa isang press statement noong nakaraang araw, ‘di siya tatakbo sa Senado, magpapaubaya siya para sa kanyang anak dahil kailangan daw na mabigyan ng tyansa ang mga bagong sibol na lider na mamuno ng ating bayan.
Ang pangalawang senaryo ay mananatili si Ruffy sa BoC at patunay raw rito ay ang sunud-sunod na mga press release tungkol sa mga ginagawang paghuli ng bureau ng mga kargamento.
NGUNIT KUNG ang ilang mambabatas at miyembro ng gabinete na nakausap ko ang tatanungin, gustong manatili raw ni Ruffy sa BoC. Gayun pa man, kapag sinabihan daw siya ni Presidente na tumakbo, wala siyang magagawa kundi sumunod sa kagustuhan nito.
Isa sa mga nasabing mambabatas ang diretsuhang nagsabi pa sa akin na matagal nang puspusang ginagapang daw ni Ruffy at ng kanyang mga padrino sa Malacañang na huwag na siyang maisama sa senatorial slate ng Liberal Party ng administrasyon.
At sa pinaka-latest na press release ngayon ng LP, hindi nga kasama ang pangalan nina TESDA Secretary Joel Villanueva at Ruffy sa senatorial line-up ng partido.
Habang sinusulat ko ang espasyong ito, alas-diyes ng umaga, Martes, ilang mga kakilala kong taga-media ang tumawag sa akin para sabihin na nagpapatawag daw si Ruffy ng lunch press conference sa Office of the Commissioner para sa gagawin niyang anunsyo.
Hindi alam ng mga tumawag sa akin kung ang presscon ba na iyon ay upang magpapaalam na siya o para humingi ng ayuda sa gagawin niyang kampanya kontra sa smuggling dahil patuloy na siyang maninilbihan sa bureau.
AYON SA isang customs insider, malaki ang maitutulong ng media kay Ruffy para mai-highlight ang kanyang bawat accomplishment sa bureau pero hindi pa rin mababago ng media ang pinakaimportanteng misyon ng isang commissioner – ang ma-meet ang revenue collection target.
Magmula nang maupo si Ruffy, palaging short sa revenue collection goal ang customs. Dalawang factor ang maaaring dahilan na ibinigay ng mga customs oldtimer sa inyong lingkod. Una, natatakot ang maraming players (importer/broker) na magtrabaho dahil madalas na pinaghuhuli ang kanilang mga kargamento – bukod pa sa napakataas na sinisingil sa kanila na buwis – at gawin silang trophy.
At pangalawa, iilan lamang na piling-piling mga major player ang pinapayagang largahan ng trabaho – ‘yung mga hindi hinuhuli – at binibigyan ang mga ito ng special discounted price sa binabayaran nilang buwis. Ibig sabihin, kahit pa malaki ang volume na ipinaparating ng mga piling-piling major player na ito, pero kung napakababa naman ng buwis na kanilang binabayaran, masi-short pa rin ang target revenue ng bureau.
Shooting Range
Raffy Tulfo