MAIINIT NA pinag-uusapan ngayon ang beki-seryeng My Husband’s Lover nina Carla Abellana, Tom Rodriguez at Dennis Trillo ng GMA-7. Palong-palo ang seryeng ito na talaga namang sinusubaybayan ng publiko ang bawat episode.
For the first time, nagpaka-daring ang Kapuso Network sa ganitong klase ng istorya, ang gay love affairs. Nakaiintriga ang bawat eksena, mabilis ang takbo ng istorya at magagaling ang mga artistang nagsisiganap.
Ang lakas ng dating ni Roi Vinzons bilang macho father ni Tom na galit na galit sa mga bakla. Maging si Kuh Ledesma, swak ang character bilang rich mother ni Tom na matapobre. Ang singer-actress rin ang kumanta ng theme song ng nasabing beki-serye. Masuwerte ang GMA-7 dahil napapayag nila itong lumabas sa telebisyon.
Ayon kay Kuh, nagustuhan niya ang material dahil bago. Hindi ‘yung typical teleserye na paulit-ulit na lang ang material. Ito rin ang pagbabalik telebisyon ni Roi Vinzons na matagal ding nawala sa limelight.
“Challenging ‘yung role ko rito kaya ko tinanggap at first time kong makakatrabaho si Ms. Kuh (Ledesma) as my wife,” say ng magaling na actor. Sa totoo lang, perfect as husband and wife sina Kuh at Roi.
Kahit may namimintas sa serye, mas marami naman ang pumupuri. Wala pa ngang isang linggo ipinalalabas, hinahanapan agad ng butas ang takbo ng istorya. Pinipintasan pero sila itong nakatutok sa mga susunod na eksenang mangyayari sa maintrigang pagmamahalan nina Dennis at Tom. Kung hindi ka happy sa pinanonood mo, might as well turn-off your TV at manahimik ka na lang or change the channel kung saan ka mag-i-enjoy. Ganu’n lang ‘yun, huwag magpaka-hipokrita!
Papaano naman, marami ang nakare-relate sa characters nina Dennis at Tom plus Carla. Sa panahon ngayon, marami ang naglitawang mga beki sa ating society pero tanggap na sila. Maraming macho gays na may asawa’t anak, itinatago ang tunay nilang katauhan. Ultimo mga baklang totoo ay nakapag-aasawa na rin ng babae, macho gays pa kaya? It’s a matter of choice, kung saan ka maligaya, enjoy life. Ngayon lang kasi tinalakay sa isang teleserye ang ganitong klase ng istorya sa telebisyon kaya’t tinututukan ito ng madlang pipol.
May chemistry bilang gay lovers sina Dennis at Tom na alam naman nating tunay ang kanilang pagkalalaki. Pareho silang delicious at pinapantasya ng mga kababaihan, matrona, lalung-lalo na ang mga bading at macho gays.
Kahit medyo hirap si Tom sa mga dramatic scene niya, nakaaarte na ito sa eksena nila Dennis. Ramdam namin ‘yung character na kanyang pino-portray at kung ano ‘yung kanyang pinagdaraanan.
Infairness sa director, inalalayan niya si Tom sa mabibigat nitong eksena. Maganda ang galaw ng kamera pati anggulo ng bawat artista, gusto namin. Na- touch kasi sa hospital scene ni Tom kung saan nagtangkang magpakamatay si Dennis dahil sa matinding pagmamahal niya kay Tom.
“Huwag mo nang uulitin ‘yun,” say ni Tom na paulit-ulit nitong sinabi. Habang hawak niya ang kamay ni Dennis na parang nangingilid ang luha. Bigla niyakap ni Tom si Dennis, sabay sabi uli na umiyak na, “Huwag mo nang uulitin ‘yun.” What a scene, I love it!
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield