SASABAK sa pulitika ang dating Pinoy Big Brother housemate na si Tom Rodriguez. Si Tom ang first nominee para sa AMP (Anak Maharlikang Pilipino) party list. Second nominee naman si Billy James Renacia, dating Ang Probinsyano star.
Ang AMP ay kakatawan sa marginalize sector ng mga construction workers sa bansa.
Ano ba ang naging reaksyon ni Tom nang hikayatin siyang tumakbo sa pulitika at maging first nominee ng AMP?
Sagot ni Billy, “Si Tom talaga nung una ang gusto lang talaga niya ay tumulong. Andiyan siya para tumulong, sumuporta, sumasama sa pag-ikot, wala pang usapang party list noon.
“Bawat ikot namin nakikita niya yung pangangailangan ng mga tao. Yung naitutulong namin ngayon is for today lang, paano yung para bukas? Do’n nabuo yung pangarap niya, yung mission, yung vision niya na mas marami pala tayong magagawa if ever na nasa posisyon tayo.”
Ayon pa sa kuwento ni Billy, matagal na niyang nakita kay Tom ang pagiging magaling na lider nito.
“Eversince nung magkaibigan kami nakita ko na, hindi sa pulitika kundi napakagaling na lider ni Tom. Napakatalino niya, mabait at may puso talaga. Puwede kaming maglingkod na kagaya nung mga tinitingala namin, na maging karamay kami o kasama,” sabi pa niya.
Matagal nang magkaibigan sina Tom at Billy. Nagkakilala ang dalawa 11 years ago bago pa man sumali sa PBB si Tom.
Pagre-recall ni Billy, “Nagsimula talaga kami sa wala. Ultimo P40 hinihingi namin. Bakit? Wala kasi kaming pang-breakfast bukas. Nakakahiya di ba? Pero yon yung nagsimula ng dasal, nung pangarap namin na dapat may mapuntahan tayo.
“Kasi wala man tayo, may kuwarenta man kami ngayon pero pag may humingi ng tulong na nadaanan namin ibibigay pa rin namin. Kasi kami sanay kaming magutom, eh.
“Ang hindi kami sanay ni Tom ay yung makitang may nagugutom. Hindi talaga kami nabuhay o lumaki sa pamilyang ganun. Di bale akong magutom huwag lang akong makita na may nagugutom.”
Ibinahagi rin ng actor-businessman ang suportang ibinibigay ng house wife ni Tom na si Carla Abellana sa bagong larangan na papasukin ng asawa.
“Alam mo, isang anghel, perfect partner, napakabait at respetadong babae na napakatalino ni Carla. Nakita ko kung paano silang dalawa magsuportahan, eh. Kitang-kita ko rin kung paano sila magmahalan at kung paano nila respetuhin ang isa’t isa,” pahayag ni Billy.
“Yung kabaitan ni Carla is genuine talaga. Yan po yung Carla. At napakasuwerte nung kaibigan kong si Tom dahil merong siyang kagaya ni Carla,” hirit pa niya.
Samantala, ipinagmalaki naman ng aktor na mula sa pagiging katutubo ng Negros ay naging maayos ang buhay niya nang pasukin ang showbiz na eventually ay nagbigay rin ng daan para maging matagumpay siyang negosyante.
“Ako dati probinsyano, indigenous, naka-paa, walang damit pero nandito po ako ngayon. Hindi ako tumigil na mangarap, pinasok ang pag-aartista, naging kaibigan sila na dati pinapanood ko lang.
“Hindi lang paghatid ng tulong ang ginagawa namin, minsan yung talk, kung paano abutin sila, importante din yon. Gusto kong ma-inspire sila, na huwag sumuko at patuloy lang na mangarap,” pahayag pa ni Billy.