HINDI KAMI naging fan ng My Husband’s Lover (MHL), ang beki-serye sa telebisyon na naglikha ng tambalang TomDen na pinagbibidahan nina Tom Rodriguez at Dennis Trillo with the paningit of Carla Abellana.
Sa simula pa lang, hindi na kami sold sa soap-operang konsepto ng palabas na sa simula ay dramang-drama at luma ang atake sa usaping kabaklaan na sa paglipas ng ilang episodes, kapuna-puna na nagmumukhang music video naman ang palabas ng mga pag-e-emote ng mga bida na sina Eric at Vincent na sinahugan ng kamartiran ni Lally dahil may ilang mga aspeto ng palabas na hindi kami sang-ayon.
Ang nagustuhan namin marahil sa MHL ay dahil breakthrough ito sa konserbatibong pamantayan ng Pinoy para sa kanilang regular evening viewing na for the first time ay tinalakay ang isyung kabaklaan, relasyong bakla sa bakla na bago at mapangahas. Luma man pero tinimplahan ng bagong panlasa para magmukhang “rare” ‘pag pinag-usapan na ang sangrekwang teleserye.
Pero kung sanay ka namang manood ng mga LGBT themed shows na gawa ng mga taga-Kanluran, maning-mani lang ang MHL kung ikukumpara mo sa mga gay themed soaps tulad ng Queer as Folks (British at US version) at ang pinaka-daring at ang walang puknat na bed scenes at halikan“ (lalaki sa lalaki ; babae sa babae) at exposures ng “notes” at vagina sa Dante’s Cove, na kung ipalalabas marahil dito sa Pilipinas; malamang sa hindi, walang matitira sa pagkatay ng matalas na gunting ng MTRCB.
Sa pagtatapos ng MHL this week, hindi maipagkakaila na nabuhay ang carrer ni Tom sa showbiz na mas lalong tumingkad nang ipareha siya with Dennis. May kiliti ang tambalan nilang dalawa. Nagtitilian ang mga fans (babae, bakla, bisexuals, paminta, mga nanay at lola) kapag napapanood na sila. Click ang production numbers ng dalawa na kung hindi mo alam na mga artista sila, iisipin mo na sila ‘yong napapanood mo sa karakter na ginagampanan nila as Eric at Vincent.
Bilang pasasalamat ng Kapuso Network sa suporta ng publiko, nagkaroon ng One More Try Concert sina Tom at Dennis with Carla (aminin natin na majority na nasa audience ay TomDen Fans).
In fairness, malakas ang tilian ng mga fans nang mag-perform na si Tom. May boses siya. Hindi boses na “p’wede na” ang kaya niyang i-prove. This guy can sing.
Earlier while waiting sa coffee shop sa loob ng Araneta, may tatlong mid-60’s na mga lola na sosyalera na nag-uusap kung papaano sila p’wedeng makapagpakuha ng picture with their iPhone with Eric.
Mabait tingnan si Tom on screen kaya siguro ang gaan at malapit ang puso ng mga Nanay at mga oldies sa kanya. Kahit ang mga aktres na sina Sylvia Sanchez at Divina Valencia na dati niyang kasamahan sa Be Careful with My Heart ay puring-puri ang binata.
Si Dennis na tried and tested na ang presence on stage, parang bagets na tinitilian ng mga fans sa loob ng Araneta.
Sexy ‘yong shirtless dance number ng mga lalaking support ng show like Rodjun Cruz at Victor Basa with matching comic eksena ni Kevin Santos in bright pink na kumendeng-kendeng pa.
As a whole, kung fan ka ng MHL, haping-hapi ka sa naganap na concert. Bigay-todo ang mga star (especially Tom and Dennis plus Carla) para pasayahin ang mga tagahanga nila.
Dahil sa bagyong Santi, around 70-75% full lang ang loob ng Araneta na para sa amin, ay oks na dahil sa mahal ng ticket (our ticket was priced more than P2,650 sa patron area courtesy of Tom & Dennis’ manager Popoy Caritativo) , bawi naman ang mga MHL fanatics noong gabing ‘yun.
ALIW KAMI sa segment na That’s My Tomboy ng It’s Showtime na nagbibigay importansya sa mga byanang, lesbians, lesbo, t-bird, mga babeng gusto ay kapwa nila babae or whatever term you want to call them dahil panimula ito ng pagpapakilala kung sino sila sa lipunang Pinoy na konserbatibo.
Happy kami dahil sinimulan ng MHL para mamulat ang publiko sa buhay at emosyon na meron ang mga bekis; this time with That’s My Tomboy, binuksan ng noontime show ng Kapamilya Network ang pintuan para lalong maintindihan ng publiko kung bakit may mga Aiza Seguerra o Charice Pempengco ang mundo.
Mabuhay ang LGBT!
Reyted K
By RK VillaCorta