PHENOMENAL ANG pagsikat ni Tom Rodriguez sa showbiz. Dati-rati’y one of those good-looking boy next door lang siya sa Kapamilya Network dahil ang dami nila sa liga.
Naisahog man siya sa pang-umagang teleserye ng Kapamilya Network na nagbuo sa pagmamahalan nina Ser Chief at Maya, hindi naman siya gasinong napansin dahil pansahog nga lang naman siya na puwedeng iba ang gumanap ng role na ginagampanan niya.
Sa kalagitnaan ng show, namaalam si Tom sa mga kasamahan. Lilipat siya sa Kapuso Network na maging sina Ate Divina Valencia at kaibigang Sylvia Sanchez, naghinayang lalo pa’t napalapit na rin sa kanila nang personal ang binata.
Sa paglipat-bahay ni Tom, walang nakapagsabi na ang partispasyon niya sa kontrobersiyal na My Husband’s Lover (with Dennis Trillo) ay naglikha ng marka sa kanyang career bukod sa risk ito para sa kani-kaniyang career na gumanap sila bilang mga beki sa teleserye, lalo pa’t ang kaisipan ng mga Pinoy ay kaiba. Kung ano ang karakter mo sa napapaood nila, gayon din kadalasan ang iisipin nila.
Noong una, akala namin one of those shows na naman ang MHL ng istasyon. Noong pilot episode, inabangan namin ito. Nausyami kami sa palabas na tipikal de-kahon at walang bago. Stereotype ang mga karakter (tatay na military na homophobic; bakla na nagpapakalalaki na nag-asawa para takasan ang kabaklaan, etc.). As the show progressed, hindi ko alam na naglilikha ito ng magandang reaksyon sa publiko. Positibo.
Alam ko, maraming mga tagasubaybay ang MHL mula sa LGBT community pero hindi ko alam na pati mga straight, lalo na ang mga edad 40 pataas na housewives at mga lola ay nanonood din pala. Patunay ‘yong concert nila sa Araneta Coliseum na karamihan, mga babae ang nanood.
Nakatutuwang isipin na dahan-dahan, sa nagdaang panahon, isang delicate issue pang-telebisyon ang usaping kabaklaan; nag-risk ang istasyon at maging ang mga artista to break barriers tungkol sa misconception tungkol sa buhay at pag-ibig ng mga beki.
Bilang isang manunulat na naniniwala na kailangan at napapanahon na para mapalaya ang mga LGBT sa kulturang binuo ng takot sa Simbahang Katoliko at sa mga sinasabing “bawal”, malaki ang naitulong ng palabas para mabuwag ang maling pag-aakala tungkol sa mga beki, bakla, bading, badaf, bayot at kung ano man ang tawag mo.
Maging si Tom, aminado na matagal niyang pinag-isipan kung tatangapin niya ang role gayong ang Pinoy televiewers, kung minsan hindi rin nagle-level up ang mentalidad na napag-iiwanan na rin kung minsan.
“I’m not homophobic,” sabi ng binata sa pag-aakala na takot siya sa mga bading gayong ang dami niyang ga beki fans.
Laking pasasalamat nga niya sa LGBT community sa suporta sa kanya at sa teleserye nila na nagdala sa kanya sa popularidad at kasikatan kung ano man siya ngayon.
Kaya nga ang istasyon na naging dahilan para maging by-word ang pangalang Tom Rodriguez at ang pagalan niyang si Eric sa serye ay sinabayan na rin ang popularidad na nilikha ng palabas sa pagpo-produce ng music CD nilang Tom-Den with “ka-loveteam” niyang si Dennis.
Hearing him sing songs during the launch recently like Photographs ni Ariel Rivera (Kilabot ng mga Kolehiyal of the 80’s) this guy can sing live na walang sablay. Actually, siya na ang papalit kay Ariel sa pagiging “Kilabot ng mga Kolehiyala” sa bagong panahon lalo pa’t may cult following ding nabuo si Tom.
Last weekend, sa album promo nila sa isang malaking mall sa Marilao, Bulacan, nakabenta ng mahigit na 400 CD’s that afternoon alone proving na hot property na rin ngayon ang binata.
Dahil sa popularidad ni Tom na likha ng MHL, bukod sa promotion ng kanilang CD ni Dennis ay magkakaroon sila ng US Tour sa San Diego and LA sa California.
“I hope I could have time to meet my family so they can watch me perform,” sabi ng binata. Ang pamilya ni Tom ay taga-Arizona which is only two hours’ drive to San Diego.
Kung hindi ako nagkakamali, bago pa magsimula ang MHL, may ginawang indie movie ang binata kung saan sa istorya, pantasya siya ni Pauleen Luna na sinusubukan ang galing ng pagkilatis ng isang bading na manliligaw o lover.
Reyted K
By RK VillaCorta