BIGLA KAMING nagulat nang habang nagkukuwento ang guwapong si Tom Rodriguez tungkol sa buhay niya sa showbiz ay napaluha siya. Akala ko noong una, umaakting lang si Sergio, karakter niya sa remake ng Marimar na unang sultada ni 2013 Miss World Megan Young sa muli niyang pag-arte sa harap ng kamera na mapanonood na sa Lunes pagkatapos ng 24 Oras sa Kapuso Network.
Noong una, cool lang si Tom. Masaya na nagku-kuwento ng kanyang bagong project at tungkol sa bonding nila ni Megan na walang kaintri-intriga lalo pa’t sa publicity slant, puwede paglaruan ang “M.U.” kuno nila, gayong wala naman dahil si Tom ay romantically involved kay Carla Abellana at si Maegan naman, ayaw namang magsalita (bawal daw bulong ng isang reporter sa amin) tungkol sa boyfriend niyang si Mikael Daez.
Enjoy ang lahat habang nagpapasiklab si Tom na almost mape-perfect na niya ang kanyang pagbibilang ng “pandesal” (abs) na noong una, hirap na hirap siya dahil sa training na ginagawa niya to achieve a certain body na lean but firm ang muscles. Kaya nga ang mga beki, tuwang-tuwa nang game si Tom na ipahimas ang muscles niya sa dibdib at sa tiyan. Maging ang mga girl na reporter, aliw na aliw sa kanya. Very bubbly ang binata na ang gaang dalhin. Hindi maarte. Walang kaarte-arte.
Pero nang mapag-usapan na ang tungkol sa buhay niya after niyang magpalutang-lutang sa showbiz hanggang sa mag-decide siya na umuwi na lang sa Amerika at pakiwari niya’y hanggang ganu’n na lang ang naging buhay-showbiz niya, laking pasasalamat niya sa current manager na si Popoy Caritativo (manager din ni Dennis Trillo, Janice de Belen, at kung sinu-sino pa), dahil ito ang nagbigay muli sa kanya ng tiwala na may puwang pa rin siya sa showbiz.
“I’m very thankful to Popoy. No promises, pero he worked hard for me to reach and achieve my dreams,” pagmamalaki pa ni Tom sa manager niya.
Nag-throwback si Tom na he was renting an apartment pero ang talent fee niya, sapat lang sa gastusin sa pang-araw-araw. Kaya nga kapag may tawag siya for a project or a call na may TF na siyang puwedeng kunin, masayang-masaya siya dahil magandang balita ito sa kanya. Mahirap kasi para sa kanya na pagdugtungin ang konting kinikita sa pang-araw-araw niyang gastusin.
Para sa akin, ang mga tao na marunong tumanaw ng utang na loob ay mga tao na dapat pagkatiwalaan, dahil marunong silang magbigay-respeto at pagpapahalaga sa mga tao na nagtitiwala sa kanila. Ang tulad ni Tom na puring-puri si Popoy, makikita mo kung ano ang pagkatao niya. Alam mo na marunong siyang tumanaw ng utang na loob at marunong magpasalamat na bukal mula sa kanyang puso.
With this traits, si Tom ang tipo ng artista na magandang tulungan.
Reyted K
By RK VillaCorta