KAKAMBAL NA siguro ng kapulisan ang salitang kotong. At sa tuwing may napapabalitang mga miyembro ng PNP na nangotong, mga pulis na may ranggong PO1 ang madalas na nasasangkot.
Ang pangongotong sa mga motorista, vendors, prostitusyon at pasugalan ang pangkaraniwang napapabalitang kinokotongan ng mga PO1. Pero maging mga drug pusher ay ‘di na rin pinapatawad ngayon at kasama na sila sa mga kinokotongan sa pamamagitan ng hulidap.
Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, bukod sa personal na pangangailangan, may iba pang dahilan kung bakit talamak ang ginagawang pangongotong nitong mga PO1. Sila ang ginagamit na mangolekta ng kanilang mga opisyal. Ang mga opisyal nilang ito naman ay may hinahabol na collection target o quota para pambigay naman sa mas nakakataas.
Ang siste, kapag nagkahulihan, tanging ang mga PO1 na ito lamang ang nalilintikan. Ang masaklap pa, ang mga opisyal na nakinabang at yumaman sa kanila ay mabilis silang itinatakwil.
Sa Manila Police District (MPD), may umiiral nga-yon na kalakarang 60/40 umano para sa mga gustong makakuha ng puwesto bilang station o PCP commander. Ang mga commander na ito ay dapat makapagbigay ng 60% ng kanilang total tong collection sa nakakataas. Kasama sa 60/40 na kalalakarang ito, ayon pa sa source, ay ang pagkupit ng cut na 60% ng nakakataas mula sa kanilang operations budget galing sa PNP.
At kapag pumayag halimbawa ang isang station commander na nabigyan ng puwesto sa nasabing kalakaran – ang matatapyas na 60% para sa operations budget sana ng kanyang istasyon ay bubunuin niya sa pamamagitan ng paspasang pangongotong sa kanyang area of responsibility gamit ang kanyang mga PO1 na siyang nakakaalam sa lahat ng mga pagkakakitaan sa kanilang lugar. Ang siste, kapag nabuo na niya ang halagang natapyas sa kanyang budget sa pamamagitan ng tong collection, kinakailangan niyang magbigay naman ng panibagong 60% sa “taas” mula sa koleksyon na ito. Ang resulta, kinailangan niyang utusan ang lahat ng kanyang PO1 na maging masigasig sa pangongotong para mayroon din naman siyang kikitain.
PARA MAISAKATUPARAN ang nasabing 60/40 na kalakaran sa MPD, kinakailangan payagan ng kapulisan doon ang lahat ng uri ng bisyo partikular na ang sugal na siyang pinanggagalingan ng malaking parte ng kanilang tong collection.
Pabor na pabor naman ito para sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Bicutan. Dahil inilatag ng MPD ang isang palabigasan para sa mga opisyal ng NCRPO.
Dapat paimbistigahan ni NCRPO General Alan Purisima ang mga kumakalat na balita sa mga taga-MPD na isang nagngangalang Capa na naka-assign sa R2 ng NCRPO ang protektor ng lahat ng mga iligal sa Metro Manila. Ang mga nagngangalang Bernardino at Serpinion naman ang mga sugo raw ni Capa. Ayon pa sa source, ang mga nakokolekta ni Capa mula sa mga iligalista ay iniintrega naman niya sa isang mataas na opisyal ng NCRPO.
Ayon pa rin sa source, noong kapanahunan ni Gene-ral Nicanor Bartolome bilang NCRPO Chief, bago ito naging PNP Chief, malinis ang NCRPO at ‘di ito nasangkot sa pangongolekta ng tong mula sa iligalista.
Dagdag pa ng source, bagay kay Bartolome na maging PNP Chief dahil hindi niya dinungisan ang kanyang pangalan noong siya ay nasa NCRPO. Ang tanong naman ng source ngayon, bagay rin kaya kay Purisima na maging PNP Chief?
Shooting Range
Raffy Tulfo