SA LIMANG SIYUDAD sa Canada na pinuntahan namin nina Toni Gonzaga, Erik Santos at ang mga komedyanteng sina Eric at Tuco, literal kaming nakipagdigma sa snow.
Ikatlong pagkakataon na namin ‘yun na makaranas ng snow. Ang una, tatlong taon na ang nakararaan nang dalhin kami ng aming mga pamangkin na sina Rene at Roma de Leon sa Lake Tahoe sa Nevada. Ikalawa, nu’ng nakaraang taon nang mag-show kami sa Canada nina Vina Morales at Vhong Navarro. Pero ibang klaseng lamig ang naranasan namin ngayon sa Canada.
Sa loob nang dalawampu’t isang araw, mula umaga hanggang gabi kaming pinahihirapan ng minus 40 na temperatura, may kasama pang wind chill ‘yun! Mas masakit manampal ang hanging-yelo kesa sa literal na kamay, dahil napakahapdi nu’n na sinasabayan pa ng panunuyo ng balat.
Mula sa Winnipeg hanggang Saskatoon, hanggang sa Edmonton at Red Deer, puro snow ang kaulayaw namin. Sa Vancouver at Toronto lang kami medyo nakahinga, dahil malamig man ang hangin, walang gaanong snow.
Napakahirap dahil suson-suson ang aming damit at jacket, mabigat sa katawan, iba pa ang suot mong gloves at patung-patong na medyas at bonnet na parang magnanakaw sa sobrang pagkakatakip ng iyong ulo at mukha.
Ginawin kaming lahat. Habang naglalakad si Toni na puro makakapal na jacket na ang suot, nagtatakip pa siya ng tenga. Napakanipis naman kasi ng kanyang katawan, kaya talagang susuot hanggang sa kanyang mga buto ang sobrang lamig.
Si Erik Santos, lamigin din. Matibay lang ang katawan at lalamunan ng binata dahil sa kabila ng ginaw, buong-buo pa rin ang maganda nitong boses. Kapag padating na ang service naming may heater, nag-uunahan kami sa pagsakay.
Matatagumpay ang kanilang mga shows sa Winnipeg, Edmonton, Toronto at Saskatoon. Napakarami nilang pinaligayang Pinoy na uhaw sa panonood ng mga sikat nating kababayan. Hindi rin maramot ang grupo sa pagpapa-litrato at pagpirma ng autograph kaya puring-puri sila ng mga Pilipino sa Canada.
MARAMING PROMO, KAILANGANG kumalat sa siyudad na nadu’n talaga sila, takot na kasi ang mga kababayan natin sa mga shows na hindi naman dumarating ang mga artista.
Pero sa pagitan ng show at promo, nakapamasyal pa rin kami. Shopping kung shopping sina Toni at Erik, ganu’n din sina Eric at Tuco na walang sawa sa paglalakad para makapamili lang.
Sa Toronto, dinala kami ng mga prodyuser sa Niagara Falls, tunaw na ang show nu’ng dumating kami, kaya kabigha-bighani ang malalapad na falls sa Canada at US side habang parang mabibingi naman kami sa lakas ng lagaslas ng tubig ng talon na isa sa Seven Wonders of The World.
Naakyat din namin ang roof deck ng CN Tower, ang pinakamataas na gusali sa Toronto. Nakalulula ang kanilang glass elevator at ang glass floor na kung mahina-hina lang ang loob mo, hindi mo talaga tatangkaing sumilip man lang sa ibaba dahil sa tayog ng kinaroroonan mo.
Sa Vancouver naman, umikot kami sa Stanley Park, sa Totem Poles at mula sa veranda ng aming hotel (Empire Landmark), kitang-kita ang pinakaituktok ng isang gusali na binili ni Oprah Winfrey nang labinglimang milyong dolyar.
Masaya ang aming Canada tour, mainit kaming tinanggap ng ating mga kababayan sa lahat ng siyudad na pinuntahan namin. Pero ang pinakamagandang rebelasyon sa biyaheng ito ay ang nakilala namin ang kabutihan ng kalooban nina Toni Gonzaga, Erik Santos at Eric at Tuco, ang mga artistang propesyonal at hindi pasaway.
Sila ang klase ng mga personalidad na gugustuhin mo uling makasama sa mahabaang biyahe, dahil mahal nila ang kanilang trabaho at alam nila ang kanilang tungkulin sa publikong sumusuporta sa kanila.
NAGTAMPISAW-NAGPISTA sa snow sina Toni Gonzaga, Erik Santos at Eric at Tuco sa loob nang dalawampu’t isang araw naming pamamalagi sa Canada. Literal na kulay puti lang ang kapaligiran sa Winnipeg, Edmonton, Red Deer at Saskatoon, nakakita na lang ng lupa ang buong tropa sa Toronto at Vancouver.
Palibhasa’y sa halu-halo at sa shake lang naman may ginagadgad na yelo sa Pinas, nu’ng makita ng grupo ang bundok-bundok na yelo sa mga siyudad na pinuntahan namin, nagpakasawa sila sa pagpapa-litrato sa snow.
Kahit ginaw na ginaw na ang tropa dahil sa sumisigid na lamig hanggang sa buto ay todo-tiis sila, tuloy ang pagpapanggap na kaya nila talunin ang lamig, dahil sayang nga naman ang pagkakataon.
Nu’ng nakakadalawang linggo na kami sa mayelong Canada ay sinabi ni Erik Santos, “Nakaka-excite lang pala ang snow sa mga unang araw, kapag nagtagal pala, nakakaumay na rin. Kapag nanunuyo na pala ang balat mo at nananakit na ang katawan mo dahil sa sobrang lamig, gusto mo nang umuwi!”
Sinegundahan ‘yun ng napakaginawing si Toni, sa sobrang kanipisan ng katawan ng dalaga ay takot na takot sa wind chill. May mga pagkakataon pang ayaw na niyang gumalaw para huwag daw siyang masyadong lamigin dahil sa blizzard.
Panoorin natin ang mga larawan ng tropa sa malamig at nakanginginig na klima ng Winnipeg, Edmonton, Red Deer at Saskatoon pati na ang pag-iikot ng grupo sa Toronto at Vancouver.
by Cristy Fermin