IBINULGAR NINA Coco Martin at Toni Gonzaga na marami silang natutunan sa isa’t isa habang ginagawa ang pelikulang You’re My Boss under Star Cinema.
Magkaiba kasi ng forte at estilo nina Coco at Toni. Ang una kasi, bihasa na sa hosting at comedy; samantalang ang huli naman ay beterano na sa drama at aminadong hirap magpatawa.
“Honestly, ngayon ko lang sasabihin, sobang hirap ako sa pelikulang ito,” say ni Coco.
“Kasi sobrang bago siya sa akin, sobrang bago ‘yung genre niya sa akin. Sabi ko nga kay direk (Antoinette Jadaone), ‘Direk, alam ninyo isang beses n’yo pa lang akong nagu-good take, kasi laging 6 takes, 5 takes, ganyan.’ Ang una kong na-experience sa kanya na take one lang ‘yung klinose-up ‘yung kamay ko,” natatawang say ni Coco.
Isa pa, naibulgar ni Coco ay hindi siya magaling magsalita ng English. Ang dami pa naman niyang English line sa pelikula. At sa parteng ito siya natulungan ni Toni.
“Hindi naman kasi ako magaling sa English. Minsan kapag mahaba ang lines ko, hindi ko siya mamemorya. Sabi ko nga, ‘Direk ito yata’ng pinakamahirap na eksena ko, ang magsalita ng English. Kasi nga nahihirapan akong sabihin siya nang tama. And then, si Toni, kino-coach niya ako. Habang umaarte ako, binubulong niya sa akin (ang dialogue). Tapos ie-echo ko na lang,” natatawang pag-amin ni Coco. Ang kaso, nakita raw sa camera na gumagalaw ang bibig niya sa kako-coach kaya nag-cut si Direk Tonette at inulit ang eksena.
Si Toni naman, noon pa aminado na hirap siya sa mga crying scene at sa eksenang madadrama. Kaya ang natutunan daw niya kay Coco ay “hugot”.
“Sa totoong buhay kasi ay masayahin ako. Sinabi ko rin kay Coco na hirap akong umiyak. Hirap talaga ako ‘yung huhugot. Kasi nga wala naman akong huhugutan. Pinalaki kasi kami ng mommy at daddy na hindi nagse-self pity, na kapag may masamang nangyari sa buhay mo, move on, move on. Hindi nagli-linger sa pain. Eh, sa pag-aartista at sa pagiging dramatic actress, dapat pala ninu-nurture mo ‘yun, kasi doon ka humuhugot ng mga bubog. So, hirap na hirap ako
“Saka pinalaki ako na huwag umiyak. Kapag pinapalo kami, kapag umiyak, lalong papaluin. Sabi ko, ‘paano na ba ‘to?’ Pero si Coco, ‘yung nakita ko sa kanya, kapag tiningnan mo pa lang siya sa mata, may karga na siya. So doon, nagkakatulungan kami. Actually, sa mga eksena naman, ‘di ba, kung ano ang ibinibigay ng kasama mo, ‘yun ang nare-reciprocate mo. So, talagang it’s a team, it’s collaboration ‘yung sa amin. It’s a good working relationship,” say pa ni Toni.
Inamin din ni Toni na si Coco ang huling nasa-bucket list niya na gusto niyang makasama sa pelikula bago mag-asawa.
Natupad na ang lahat ng gusto niya kaya wala na raw dahilan para ‘di matuloy ang pagpapakasal niya kay Direk Paul Soriano.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo