PINAKAPALPAK AT PINAKABASURANG awards night na dinaluhan namin ngayong taon na ito ay ang Famas na ginawa sa GSIS Museum noong isang araw (December 13, 2010).
Bukod sa napakapangit at walang kaayus-ayos ang stage na maganda pa ang mga stage sa mga Street Beauty Contest sa lugar namin sa Tondo, obvious na hindi pinaghandaan ang nasabing awards night.
Una, ni hindi man lang yata pinapagpagan ang kurtina ng stage bago nagsimula at nanlilimahid din ang floor ng nasabing entablado. Pangalawa, nagsimula at natapos ang nasabing gabi ng parangal nang walang direktor. Dahil bago pa magsimula ang programa ay nag-back-out na ito na sa kung anung dahilan ay hindi na namin inalam.
Nakakaloka din ang pagka-taranta ng mga presentor, awardee at mga emcee na hindi nila alam kung ano ba talaga ang kanilang gagawin sa stage. Para bang hindi alam kung bakit sila naroon dahil walang nagga-guide sa kanilang coordinator.
Maging si Arnell Ignacio, lukang-luka dahil nag-effort siyang nagpunta du’n, pero noong nasa stage na siya, hindi natawag nang tama ang kanyang pangalan at sinabi lang sa kanya na “Thank you, emcee.” Hindi lang si Arnell, kundi maging ang baguhang aktres na si Iza Litton, tinawag na Iza Calzado na ikinaloka ng dalaga dahil hindi siya kilala gayu’ng siya ang emcee nang gabing iyon.
Hindi namin tinatawaran ang kakayahan ng mga nanalo sa major awards, pero kaduda-dudang parang hindi nanood ng mga matitinong pelikula this year kung sino man ang mga hurado sa ginawa nilang pamimili sa kung sino ang dapat na magwagi.
Sa tinagal-tagal namin sa showbiz, bukod-tanging ang FAMAS lang this year ang worst sa lahat ng award-giving bodies. Iyan ay sa totoo lang. Tsuk!
INAMIN NI ALBERT Martinez, direktor ng Rosario na pinagbibidahan nina Dennis Trillo, Sid Lucero, Yul Servo at Jennylyn Mercado, na hindi pa rin okey hanggang sa ngayon ang kalagayan ng kanyang kapatid na si William Martinez.
Ayon sa aktor-direktor, lubhang naapektuhan ang kalahating katawan ni William matapos na ito ay ma-stroke. Pero malaki ang kanyang paniniwala na sooner, makakakilos din nang maayos ang kapatid matapos na ito ay magkasakit.
Inamin ni Albert na “pagod” na rin siya sa mga problemang nagdaan sa kanyang buhay una ang sakit ng asawang si Liezl, tapos ng kanyang biyenang si Amalia Fuentes, at ngayon ay ang kapatid na si Willian.
“Siguro kaya hanggang ngayon nakakaya ko ang lahat ay dahil hindi ako bumibitaw sa Itaas, dahil Siya lang naman talaga ang higit na nakaaalam at nakakakita ng lahat ng ating mga ginagawa. Siya lang talaga ang pag-asa nating lahat.” Pahayag ni Albert, na nagsabi pang hindi siya umaasa na mananalo siyang best director sa darating na Metro Manila Film Festival, pero ang mapanood lang daw ang kanyang pelikulang ginawa ay masaya na siya, at isang malaking tagumpay na iyon na kanyang maituturing.
MARIING SINABI NI Toni Gonzaga na hindi siya insecure sa nakababatang kapatid na si Alex Gonzaga kung higit itong magaling na artista kesa sa kanya.”Talaga namang magaling ang kapatid kong iyon at bilang ate, very proud ako sa kanya,” ani Toni.
Sabi pa ni Toni, natutuwa raw siya kapag nakaririnig siya ng mga papuri. “Kasi bilang ate, mahal na mahal ko si Alex at kung anuman ang tagumpay na makukuha niya ay parang kasama na rin ako du’n”
Kapansin-pansin kasi nitong mga huling labas ni Alex na mas malalim na ngayon ang acting ng dalaga, maging sa pagho-host nito sa Juicy, higit na mas bongga kumpara sa ginagawang pagho-host ni Toni sa The Buzz.
“Basta ang masasabi ko lang, marami pa kayong makikita kay Alex dahil very talented ang kapatid kong iyan,” pagwawakas sa amin ni Toni.
More Luck
by Morly Alinio