EXCITING PARA kay Toni Gonzaga na hindi isang hunk actor o guwapong leading man ang kapareha niya kundi si Vice Ganda sa pelikulang naumpisahan na nilang gawin sa Star Cinema.
“Hindi pa-girl si Vice sa pelikulang ito,” aniya. “Lalaki siya rito. May working title na ito pero babaguhin yata kaya hindi ko pa masabi.
“So… talagang exciting kung paano siya magpapakalalaki. Nakaka-four shooting days na kami. At walang sayang na oras dahil masaya kami sa set.”
Ano ‘yong eksena nila ni Vice na nakunan na sa palagay niya’y siguradong ikaaaliw ng moviegoers?
“Kissing scene!” patili at natawa ulit na sabi ni Toni.
“Basta may kissing scene kami na parang nangyari na parang hindi. Na… nakakatawa talaga no’ng kinunan namin. ‘Yong may romantic scene kami ni Vice na hindi namin makunan. Kasi tawa kami nang tawa. Last week kinunan ‘yong kissing scene namin. Kaya siguro binagyo tayo dahil hindi matanggap ng tadhana ang mga nangyayari!” napabungisngis na sabi pa ni Toni.
May kaibahan ba ang feeling na si Vice ang kahalikan niya sa eksena kumpara sa mga kissing scene na ginawa niya noon sa ilang guwapong aktor na nakapareha niya before?
“Actually, kakaiba talaga ‘yong eksena namin ni Vice kaya hindi ko mai-describe. Basta may intimate scene kami ni Vice na… na pa-kissing scene nga kaya abangan na lang ninyo.”
Ano ang nakikita niyang guarantee na magugustuhan ng moviegoers ang tambalan nila ni Vice?
“Iba kasi, eh. Bago. ‘Di ba usually sanay tayo sa romantic-comedy na guwapong lalaki at isang babae na talagang kinikilig sa lovescene? Eh ito, mas babae pa sa akin ang leading man ko!” tawa na naman niya. “So, exciting sa akin ito.”
Hindi kaya sa pagtatambal nila sa pelikula, lumabas nga ang pagiging lalaki ni Vice?
“Minsan nga, nararamdaman ko, lalaki siya, eh. Ha-ha-ha! Nagugustuhan ko siya. Oo. Eh kasi, kapag si Vice lalaki, lalaking kumilos. Para siyang matangkad na lalaki kaya, tapos masarap pang kausap. Alam mo ‘yong… masarap kasama? Minsan iisipin mo lang talaga… ay, babae rin nga pala si Vice! Para hindi ako malito!” natawang sabi pa ni Toni.
MASIGASIG AT tila walang pagod si Batangas Governor Vilma Santos sa pagpu-promote ng pelikula nila ni Kim Chiu na The Healing na nakatakdang ipalabas ngayong Miyerkules (July 25). May kaba pa rin daw siyang nararamdaman kapag ganitong may bago siyang pelikulang ipapalabas.
“Oo naman!” aniya nang makakuwentuhan namin after na mag-guest siya sa The Buzz. “In every movie na gagawin mo, basta showing… hindi mo talaga maaalis ‘yong kaba. Natural ‘yon. And siyempre, gusto mong kumita ‘yong movie mo. ‘Di ba?”
Usap-usapan din lately, posibleng ma-ging mas exciting daw ang awards season next year kung maipapalabas din sa taon na ito ang indie film na Thy Womb na ginawa naman ni Nora Aunor. Matagal-tagal na rin nga na hindi sila nagkakatapat as best actress nominees sa mga award-giving bodies.
“Hindi ko na iniisip ‘yon,” muling na-ngiting sabi ni Governor Vi. “I mean, as it is, napakarami ko nang blessings na natanggap. When it comes to awards, napakarami ko na and I’m very thankful. Pero para isipin ko pang makipag-compete, hindi na. Because at the end of the day, definitely awards eh, nagbibigay ng prestige sa isang artista. Pero box-office pa rin ang foundation.
So, I’m very thankful with all the awards. Nagbigay rin kahit papaano ng prestige iyon sa akin bilang artista. But again at the end of the day, importante pa rin ‘yong box-office. Kasi foundation iyon ng isang artista, eh.
“So ang ano… kumita muna ‘yong pelikula. Kapag nagka-award ka… bonus! ‘Di ba?” panghuling nasabi ni Governor Vi.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan