SI TONI Gonzaga ang feature ng Wansapanataym para sa buong buwan ng Marso kung kaya’t di maiwasang mahaluan ng intriga na mukhang may special treatment daw na ibinibigay ang Kapamilya Network sa TV host/actress lalo’t first time itong mangyayari sa nasabing show at halos araw-araw na talaga siyang mapapanood mula sa PBB, Wansapanataym hanggang The Buzz.
Binigyang-linaw naman agad sa amin ni Toni na walang espesyal na trato na ibinibigay sa kanya ang Kapamilya Network. Maaaring sumabay lang ang nasabing mga proyekto sa PBB launch kung kaya’t araw-araw siyang mapapano-od sa telebisyon ngayong buwang ito. Nagpapasalamat ang TV host/actress sa patuloy na tiwala at mga proyektong ipinagkakaloob sa kanya ng Kapamilya Network at kung nabibigyan man siya ng magagandang mga projects sa ngayon, ito ay dahil maaaring nakikita ng istasyon ang pagmamahal at dedikasyon na ibinibigay ni Toni sa kanyang trabaho.
Tinanong din namin kung ‘di ba iniyakan ang pagkawala ng Happy, Yipee, Yehey!, ikinuwento sa amin ni Toni na naiyak siya mismo nu’ng live dahil nakita niya ang mga taong katrabaho nila sa likod ng kamera na mas maaga pang nagtatrabaho at nagpapakahirap para sa show. Nagpakatotoong sinabi sa amin ni Toni na sanay na siyang mawalan ng shows dahil na-experienced niya dati ang sunud-sunod na mawalan ng limang programa, pinanghahawakan ng TV host ang positibong paniniwala na ‘pag may nagsasara sa iyo, siguradong mayroon namang magbubukas.
Bago rin magsimula ang Year of the Dragon, hinulaan ang relasyong Toni-Direk Paul Soriano na mauuwi sa hiwalayan, kung saan magiging dalagang ina raw ang TV host/actress at iba ang magiging ama. Nagulat si Toni sa tanong namin dahil first time pala na nakarating sa kanya na may ganitong hula sa kanya. Para kay Toni, ang hula ay maaaring magkatotoo o hindi, pero ayaw niyang mag-entertain ng ganitong negatibong ideya kung saan puro positibo ang inilalagay niya sa kanyang isip.
Tulad ng kapatid na si Alex na huling taon na lang ay ga-graduate na sa kursong Education, gusto sanang tapusin ni Toni ang kanyang pag-aaral dahil third year college na pala siya sa kursong Mass Communication major in Journalism nang mag-shift siya sa kursong AB English sa Asian Institute for Distance Education. Pero dala nga ng hectic schedule sa showbizness, ‘di pa ito magawa ni Toni.
PARA SA amin, unfair na sabihin ang paulit-ulit na sinasabi ng iba na kikita at tatayo ang No Other Woman at Praybeyt Benjamin kahit wala si Derek Ramsay sa nasabing mga pelikula.
May sariling hukbo ng mga tagahanga si Derek at wala pang pelikulang sumemplang sa takilya mula sa One More Chance, And I Love You So, I Love You Goodbye at iba pa. Kaya hindi naman fair ang litany ng iba na kahit iba ang leading man ng dalawang pelikula.
Propesyonal, may malasakit sa trabaho, mahusay makisama, may respeto,may ibubuga sa acting bukod pa sa isa sa top leading man natin sa ngayon, sana ay matigil na rin ang isyu na ito na pinupukol kay Derek dahil wala namang basehan at katotohanan.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA