Ipinahayag ni Toni Gonzaga na masaya siyang magtrabaho sa “Home Sweetie Home” ng ABS-CBN dahil wala raw pressure sa tinatampukang sitcom with John Lloyd Cruz.
“Eversince nag-start kami, walang pressure. Lagi kaming dumarating na masaya sa set. Very close to home din ang character ko bilang Julie kaya walang masyadong preparasyon na kailangang gawin,” wika ni Toni.
Bagama’t aminado ang ultimate multi-media star na nahirapan siya noong una sa pagganap sa papel na may-asawa, ngayon ay mas komportable na raw siya.
“Compared noong nag-start kami, siguro ay masasabi ko na medyo mas close to home na ‘yung character ko kay Julie. Kasi mas naiintindihan ko na ‘yung pakiramdam ng may-asawa, lalo na ‘yung may anak. Alam mo na kung paano hawakan ‘yung baby, alam mo na kung paano gumawa ng eksena kapag may asawa ka. Hindi na katulad dati na medyo naiilang pa, nahihiya. Ngayon parang mas nage-gets ko na siya, mas madali nang kaunti,” nakangiting pahayag pa ni Toni.
Ano ang adjustment ngayong may baby ka na, nagbi-breastfeed ka ba?
Sagot ng aktres/TV host, “Oo breastfeed pa rin, four months na, hindi pa siya nagpo-formula. Iyong food niya, talagang galing sa akin.
“Medyo mahirap, before kasi ay sanay ako na kapag may trabaho, gising, tapos ay mag-aayos ka na ng sarili mo, tapos ay alis agad. Ngayon pagkagising ko, halimbawang may call time, humihingi ako ng palugit. Kasi kailangan ko ng two to three hours, kasi kailangan kong mag-pump, kasi medyo malakas siyang kumain.
“Nakada-dalawang bote or tatlo ang pina-pump ko bago magpunta sa taping. Pero iyon, hanggang after lunch lang iyon, hanggang 1 pm lang iyon. Kapag ganoon, nagpa-pump ako rito sa ABS-CBN, tapos minsan ay pinadadala ko sa bahay. Pero once a week lang iyon, every Tuesday.”
Binanggit din niya kung anong klaseng kaligayahan at fulfillment ang nakukuha niya bilang isang ina. “Ngayon ko lang naramdaman na may iba nang meaning ang buhay ko. Parang dati hindi ko naiintindihan ang mga salitang ‘you gave meaning to my life’. Parang ‘yung mga term na ganoon… ‘I‘ll die for you’… parang hindi ko naiintindihan ‘yung mga ganoong klaseng pagmamahal.
“Ngayon parang nag-iba na ang pagtingin ko sa sarili ko after I gave birth. Parang na-realize ko, lalung-lalo na ‘yung sa mga mother, how strong women are. The kind of strength that we have, to carry a life and to give birth to a life, and to take care of it, and nurture it, and nourish it…
“Talagang hangang-hanga ako, iba ‘yung respeto at pagmamahal ko ngayon sa mommy ko. Ngayon, ibinibigay ko na sa kanya lahat ng credit, kasi ay dalawa kaming isinilang niya, so, parang deserved mo lahat iyan, mommy. Parang nag-iba ang pagtingin ko sa mga nanay, parang so much love and respect for every woman who gave birth. Kasi, iba pala talaga iyong pinagdaraanan ng isang babae.”
Ang “Home Sweetie Home” na nasa third year na ay mula sa pamamahala ni Direk Edgar “Bobot” Mortiz, sa ilalim ng business unit na pinamumunuan in Raymund Dizon. Kasama nina Toni at Lloydie sa cast sina Sandy Andolong, Miles Ocampo, Clarence Delgado, Ogie Diaz, Ellen Adarna, Bearwin Meily, Paul Sy, Jobert Austria, Mitoy Yonting, Nonong Ballinan, at Magda Alovera.
Huwag palalampasin ang “Home Sweetie Home” tuwing Sabado, 6:30 pm, pagkatapos ng “TV Patrol Weekend”.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio