NAKABIBILIB ANG PANANAMPALATAYA sa Diyos ni Toni Rose Gayda dahil sa halip na mag-iiyak at magluksa nang husto dahil sa maagang pagkamatay ng kanyang bunsong anak na si Edward James Lim, maluwag niya itong tinanggap at pawang pasasalamat sa Diyos ang mga sinabi nito dahil pinahiram daw sa kanya ang kanyang anak sa loob ng 27 years.
Nakaiiyak ang mga pahayag nito na napanood n’yo sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado. Pati si Rosa Rosal, pawang papuri sa Diyos ang mga sinabi nito dahil binigyan daw ito ng napakabait at masayahing apo na si Edward James.
Ilang beses ding iniyakan ni Toni Rose ang pagkawala ng kanyang anak dahil hindi nila ito napaghandaan, pero wala kang panunumbat o pagkuwestiyon na narinig sa kanya dahil naniniwala itong kasama na ng kanyang anak ang tunay nitong Ama, ang ating Poong Maykapal.
Nu’ng lumabas ang balitang namatay itong anak ni Toni Rose dahil sa nahulog daw ito sa kanilang condo unit mula sa 4th floor ng Pinnacle Condominium sa Mandaluyong, may mga alegasyon na baka may foul play o nagpakamatay raw ito.
Kaagad nilang sinagot ito at nilinaw na kung talagang gusto nitong magpakamatay, hindi ito tatalon mula sa 4th floor ng kanilang condo kundi sa mas mataas pa.
Pero aksidente lang talaga ang nangyari at tanggap ni Toni Rose na hanggang du’n lang talaga ang buhay ng kanyang anak, kaya maaliwalas ang mukha nito nang humarap sa amin nang pinuntahan namin ito sa burol nu’ng kamakalawa ng hapon.
Nag-desisyon na itong dalhin sa kanilang bahay ang urn ng kanyang anak para makasama raw nila ito sa bahay nila na parang hindi lang umalis kundi kasama pa rin nila araw-araw.
Sabi nga ni Malou Fagar, nagpaalam pa raw si Toni Rose sa kanya na kung puwedeng bumalik na ito sa Eat… Bulaga! ngayong araw para pakiramdam nito normal lang ang takbo ng kanyang buhay at hindi nito gaanong maramdaman ang pagkawala ng kanyang anak.
Tingin nila, hindi pa gaanong nag-sink in kay Toni Rose na wala na talaga ang kanyang anak, dahil magulo pa. Maraming mga taong dumadalaw at nakikiramay pero pagdating sa kanilang bahay na wala na ang kanyang bunso. Doon na raw nito mararamdamang wala na talaga at hindi na babalik.
Pero matibay ang pananampalataya ni Toni Rose sa Diyos kaya matatanggap niya ito nang maluwag sa kanyang kalooban.
NAGKAROON NG THANKSGIVING Mass ang pamilya Gutierrez nu’ng nakaraang Biyernes bilang pasasalamat sa pagka-dismiss ng kasong isinampa kay Richard ng pamilya ng nasirang PA nitong si Nomar Pardo.
Pawang pasasalamat nga ang mga pahayag ni Annabelle dahil bukod kay Richard, nakuha na rin ni Ruffa ang custody ng dalawa nitong anak na sina Lorin at Venice.
Pero kahit nagdiriwang sila dahil sa natapos na ang kaso, gusto pa ring iparating ni Richard na willing pa rin siyang tumulong sa pamilyang naiwan ni Nomar.
Hindi pa rin daw nagbabago ang alok nitong willing siyang sagutin ang pagpapaaral sa mga anak ni Nomar, at ipinarating na rin ni Annabelle sa asawa ni Nomar na si Lorayne na tumawag lang sa kanya at willing silang magbigay ng tulong.
Sabi pa nga ni Bisaya, sana mag-move on na si Lorayne at tanggapin na ang alok nilang tulong. “Peace” ang mensahe ni Annabelle kina Lorayne at sana nga raw ay maging okay na sila.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis