HINDI INAASAHAN NI Mr. Tony Tuviera, big boss ng TAPE, Inc. (Television and Production Exponents, Inc), na aabot ng 30 years sa ere ang Eat… Bulaga! Nang mag-celebrate sila ng 25th anniversary five years ago, doon lamang siya natauhan.
“Sobrang tagal na pala,” sabi ni Mr. T. “Nagre-rehearse noon para sa bonggang anniversary presentation, doon na ako napapaiyak. Halos mag-breakdown ako noong nagpe-pray na kami before the 25th anniversary airing, nag-iiyak na ako.
“Hindi ko na napigil ang sarili ko nang panoorin ko na ang intro at nasa audience na ako. Doon ko na-realize na nagtagal pala talaga kami. Kung mapapansin mo, hindi kami ‘yung naglalagay sa title ng programa ng Year 1, or Year 2.
Sa isang eksklusibong panayam kay Mr. T, sa umpisa pa lang ng EB noon, hindi na nila akalain na aabot man lang sila kahit ng dalawang taon.
“Ngayong 30 years na ang inabot ng programa, naisip ko, kalahati pala ng buhay ko halos inilaan ko na rito.”
Sa tindi ng hirap na dinanas ng programa at mga taong may kinalaman sa produksiyon nito, hindi mapigilang maging sentimental na lang ang gaya ni Mr. Tuviera.
“Ngayon siguro, wala na kaming ibang ginagawa kung hindi ibalik sa tao ang suportang naibigay nila sa loob ng 30 years. Kung mapapansin mo, ang naiisip na lang namin, puro pagtulong na lang sa mga tao.”
Ang dating congressman na si Cesar Jalosjos ang lumapit sa nag-uumpisang si Mr. Tuviera noon. Ibang kumpanya pa ‘yun noon, Production Specialists pa. Nai-share ni Mr. Jalosjos kay Mr. T ang pangarap nitong makabuo ng isang noontime show.
“Nilapitan niya ako, pero ang naisip ko agad, mabigat ang makakalaban namin,” sabi pa ni Mr. T. “Hindi biro ang babanggain namin, Student Canteen ‘yun, isa nang institusyon.”
Ang Student Canteen ay hosted by Eddie Ilarde, Bobby Ledesma, Pepe Pimentel at Leila Benitez.
“Nang tanungin ako ni Mr. Jalosjos kung kakayanin ba, naisip ko na lang, bakit hindi subukan? Pero, umabot pa ng dalawang taon bago tuluyang naitayo ang programa.”
Doon pumasok kay Mr. T ang ideyang gawing hosts ang dating napapanood lang sa isa pang programang may pamagat na OK Lang — sina Tito, Vic & Joey. Hanggang ma-absorb ang pamosong trio ng Discorama, isang sikat na musical-variety show noong late ’70s.
“Wala na talaga akong ibang ikinonsidera. Sa tingin ko, sa panahong ‘yun, sila lang ang pupuwede talagang i-develop. Pero, nang lapitan ko si Tito noon, tinanggihan na niya agad. ‘Yung loyalty kasi nila, nasa Discorama pa, e, kapatid ng show na ‘yun ang Student Canteen.
Pumayag ang TV&J sa one-shot deal nang gamitin sila ng grupo ni Mr. T para mag-host ng isang edisyon noon ng Binibining Pilipinas, na during that time, may tour sa 9 cities, at sila ang isinama roon.
Magkagayunman, bigo si Mr. T na makuha ang matamis na “oo” ng TV&J para sa isang noontime show hanggang sa nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan ang side ng TV&J sa mga producer ng Student Canteen at Discorama.
“Hindi talaga naging madali dahil may tatlong producer pa ang nag-aabang sa kanila para sa offers, pero eventually, napapayag na namin sila,” patuloy niya.
Marami ang hindi nakaaalam, ang unang ikino-consider na maging first female host ng Eat Bulaga ay si Charo Santos, na noo’y naging beauty title-holder na as Baron Travel Girl. Gusto ring isama sa grupo si Tessie Tomas, pero hindi umubra dahil during that time, may mataas na katungkulan sa McCann Ericson at nakatakda na itong ipadala noon sa London. “E, pinag-aaral si Tessie ng kumpanya nila sa London kaya sinamantala na niya ‘yun. Si Charo, at that time, just won Best Actress sa Asian Film Festival for Itim at mas gustong mag-concentrate sa acting at baka raw hindi niya kayanin ‘yung everyday TV hosting.
“Pero, that time, may nakita na akong nakakasa-kasama ng TV&J, si Chiqui Hollman. Matagal bago namin napapayag, kasi, ang feeling ng lahat, even TV&J, hindi talaga madaling banggain ang Student Canteen.
Apat na taong nasa ere ang EB noon, pero hindi nila matalu-talo ang SC. Hindi malilimutan ang matinding struggle ng grupo ng TAPE para sa ratings. Iniisip na lang daw nila, dumaraan sila sa pagsubok kahit alam nilang talo na sila. Unti-unti, gumagapang sila sa kumpetisyon.
Ilan sa mga nagsimulang nagpalaki sa pangalan ng EB ay sina Bert De Leon at Joey de Leon. Si Bert ang siyang unang direktor ng programa samantalang si Joey ang “utak” sa likod ng pamagat na Eat Bulaga. Bukod kay Mr. Tuviera, naroroon pa si Malou Choa na noong panahong ‘yun ay Production Assistant pa lamang.
Isa pang hindi malilimutan ni Mr. T ay ang nasirang Oskee Salazar, isang bantog na entertainment writer, na noong time na ‘yun ay nagbigay talaga ng ideya kung bakit nagsimulang bumongga ang ratings ng EB.
“Tinatanong namin siya kung ano ba ang uso, ang gusto ng masa, ‘yung napupulsuhan niya. That was the time na hindi kami makasabay man lang sa taas ng ratings ng Student Canteen.
“There was a time na ginaya-gaya na namin, talo pa rin kami. Frustrated na kami. Tinaningan na kami ni Mr. Jalosjos, ipasasara na ang show dahil luging-lugi na raw. Binibigyan na lang kami ng tatlong buwan at kung hindi namin mapapaangat ang ratings, magsasara na kami,” sabi pa niya.
‘Yun ang time na nakausap ni Mr. T ang nasirang Oskee at sinabi nga ng huli na ang nauuso raw ay ang macho dancing sa mga gay bar.
“E, hindi naman puwede sa TV ‘yun, may mga naka-trunks na lalaki at nagsasayaw. Puwede pa siguro, nakapantalon at nakasando. Nag-feature kami ng isa, pero wala namang masyadong pagkakaiba. Hindi gaanong kinagat.
“Na-set aside ‘yun, hanggang after two weeks, may kumausap sa akin, may pelikula raw, Can’t Stop The Music. Village People. Gusto nilang i-promote namin ang movie na ‘yun sa programa.
“Noong time na ‘yun, walang nagtitiwala sa noontime show para mag-promote ng kahit na ano. Si Mother Lily (Monteverde) lang ang nagtiwala sa amin na mag-promote sa noontime. Utang na loob din namin kay Mother ‘yun. Pinag-aralan namin ‘yung idea. Ibinalik namin ‘yung may nagsasayaw na lalaki, pero hindi lang isa, dalawa na. Contest na talaga. Pagalingang sumayaw o mag-perform na parang Village People. ‘Yun ‘yung ‘Macho Man’ contest.
“Hindi lang naging dalawa, hanggang dumami na, may kaminero, bumbero, construction worker, iba-iba. Hindi namin akalain. Sa 45 days na natitira sa taning sa amin, napaangat namin ang ratings namin dahil sa contest na ‘yun.
“Tinapatan kami nu’ng kabila, Vivian Velez na parang Body Beautiful naman, sumasayaw rin. Before that, nakakaawa kami sa ratings. Nagpo-40% sila, nag-e-8% lang kami. Noong uminit ang ‘Macho Man’, nag-10.8% na kami, pataas nang pataas. Nakaalis kaming bigla sa single figure na rating.” In three months, tuloy-tuloy ‘yun hanggang finally ay tinalo na nila ang Student Canteen. Doon na-realize ni Mr. T na dapat ay napupulsuhan talaga kung ano ang gusto ng mga tao at naging pamantayan na nila ‘yun.
“Naranasan namin ‘yung gutom, pero sa pagdaan ng panahon, wala kang maririnig na reklamo sa tatlo. Noon, mga buwan ang lumilipas, pabale-bale lang sila, hindi sumusuweldo nang buo, pero hindi namin sila naringgan ng pagrereklamo, o nagsabi na lang na tigilan na namin ang show.
“Kung iisipin, may ibang greener pastures, pero nag-stick sila sa amin. Itinuring nilang pamilya talaga kami, walang iwanan. Kakain kami, sabay-sabay, pero kanya-kanyang bayad. Hindi pa uso ang libre-libre noon. Kaya nang magkapera kami, ‘yun ang una naming inisip, mag-provide ng pagkain sa staff. Kahit simpleng pagkain, libre na nang magkapera na kami. Kasi, pagkain ang lagi naming pinagsasaluhan maski noong araw pa.
“Ang pinakamabigat na naging problema noon, ‘yung hindi kami nakakabayad ng renta para sa facilities. Naroong todo-pakiusapan para lang makapag-show kami. Puro kami pangako. Hindi kami nakakabayad. Kaya siguro alam namin ang pakiramdam ng nakikiusap. Kaya ‘pag may nakikiusap sa amin, pinapakinggan namin, gumagawa kami ng paraan para matulungan. Malambot ang puso namin sa mga taong alam naming may kasalatan sa buhay.
“Kaya kami, tumutulong na lang ngayon. Marami rin kasi kaming pinagdaanan na ang karamihan, pinansyal. ‘Yung hindi mo na alam kung saan kukunin ang suweldo.
Sa tatlong dekadang lumipas para sa Eat… Bulaga!, masasabing lahat na halos ng puwedeng gawin sa isang musical-variety show ay nagawa na ng programa.
Ang orihinal na magkakilala talaga ay sina Mr. T at Tito Sotto. Pareho silang mahilig sa banda. Si Joey ay nakilala lang niya sa OK Lang noon sa Channel 13. Napakabata pa raw ni Vic noon. Nagkasama-sama sila, pero wala pa ‘yung closeness.
“Mga anak ni Tito, anak ni Joey at Vic, lumalaking kasama ng mga anak ko. Kapag nagbabakasyon kami tuwing Holy Week, magkakasama kami na parang magkakapamilya na talaga.
“Nagkataon lang na magkakasama kami, nabuo ‘yun at umiikot dahil lang sa isang programa, pero nagsasama-sama kami dahil nag-e-enjoy kami na para kaming isang pamilya.
“Kaya lumalabas ‘yun sa show. Nag-e-enjoy na rin ang mga tao. Hindi sinasabi nina Tito, Vic & Joey na panoorin sila at magbibigay sila ng saya. Kung ano lang ang ginagawa nila, ‘yung napapanood sa kanila, nae-enjoy ng mga tao dahil sila mismo, nag-e-enjoy sa ginagawa nila.
“Hindi na sikreto ‘yan. Tinginan lang nila, alam na nila kung paano sasaluhin ang isa. ‘Yun din ang natututunan ng iba. Kaya buo ang Dabarkads kasi pakiramdaman lang ‘yan. Nakapagsasalita lahat, nagagawa ang gusto nila dahil lang sa pakiramdaman,” sabi ni Mr. T.
Nakapokus lang ang lahat sa kung ano ang gusto ng show, magbigay ng kasiyahan. Higit pa riyan, nag-e-enjoy ang mga manonood dahil natural na lumalabas sa hosts at mga kasama sa programa ang kasiyahan sa mismong ginagawa nila. Ito ang malinaw na mga bagay na wala sa ibang programa, na sa pagdaan ng panahon, tumapat sa Eat… Bulaga! at pilit na pinababagsak ito, pero sa huli’y nangangabigo lamang sila.
by Archie de Calma