KATATAPOS LANG NG Holy Week, tila nagsisiraan na ang mga naglalabasang isyung bumulaga sa atin.
Marami ang nagulat sa pasabog ng Paparazzi nang magpa-interview si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Me-neses, kung saan may inilabas sina Cristy Fermin na pinaghahandaan umano nina Aiko Melendez na paninira laban sa kanya. Merong bakla raw ito.
Nagulat si Mayor Meneses dahil wala siyang kaide-ide-yang ‘yun pala ang ilalabas sa interview.
Pinag-uusapan na ngayon ang binabalak daw ni Mayor Meneses na pagsampa ng demanda laban sa dating kasintahan.
Siguro mabuting pairalin muna ang pagiging mahinahon sa ganung bagay.
In fairness naman kay Aiko, hindi siya ang naglabas ng ganu’ng balita. Base sa mga pinagdaanang relasyon ni Aiko, wala kaming nababalitaang may sinasabi siyang kasiraan sa dating karelasyon.
Kaya nga naging friends sila uli ni Jomari Yllana at okay naman sila ni Martin Jickain na ama ng bunso niyang anak.
Iyun ay inilabas ng Paparazzi na wala pang katiyakan kung talagang kay Aiko nga ba ito o kung kanino nanggaling ang ganu’ng kuwento.
Ayaw na nga muna ni Aiko na magsalita tungkol diyan dahil naghihintay lang daw siya ng tamang panahon bago siya magbigay ng statement.
Abangan na lang muna natin iyan! Pero ang pangit na naglalabasan ng mga baho nila dahil matagal din naman ang pinagsamahan nila, ‘di ba?
ANG ISA PANG nag-i-emote ay itong si Solenn Heussaff na napabalitang nakita raw itong lasing na lasing sa Boracay na binitbit na lang pauwi sa kanyang hotel.
Narinig ko ang kuwentong ‘yun at kilala ko kung sino ang source ng nagsulat. Parang nandu’n siya mismo sa pinangyarihan. Pero ang pagkukuwento, parang nag-i-enjoy lang daw talaga si Solenn sa inuman nila ng mga kagrupo niya. Hindi naman daw talaga binitbit, as in hindi na makalakad pauwi. Pero tinulungan na itong makauwi dahil nalasing na nga.
Maaaring iba lang ang pagkagamit ng terminong binitbit, pero nalasing daw talaga ito sa inumang ‘yun sa Boracay.
May iba pang kinuwento ang aming source pero nakiusap itong huwag na naming isulat para hindi na raw lumaki.
Alam kong malapit naman kay Solenn ang nagkuwentong ito, at magkaibigan naman sila, pero walang intensiyong siraan dahil walang malisya ang pagkakuwento nito.
Wala naman daw masama kung mag-enjoy nang husto du’n sa Boracay dahil bakasyon naman ‘yun. Pero kung kilala ka na, dapat mag-ingat ka rin sa mga ikinikilos mo dahil kilala ka na ngayon, eh. Kung may pinangangalagaan kang image, dapat na mag-ingat ka na rin. Kasi maaaring walang malisya sa ‘yo ang mga ikinikilos mo, pero iba ang interpretasyon sa iba, wala ka nang magagawa kung maiintriga ka na.
Lalo na diyan sa Boracay na napakaraming kumakalat na mga reporters na naghahanap nang ibabalita.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis