SABI NILA natatapos na daw ang kasiyahan matapos ang graduation sa kolehiyo. Paano ba naman, iiwan mo na ang alma mater mo, iiwan mo na rin ang barkada mo, iiwan mo na rin ang pagiging estudyante mo.
Pero nagkakamali kayo riyan, mga bagets. Ang kasiyahan ay hindi natatapos kailanman dahil tayo ang nagdidikta ng sarili nating kasiyahan. Kung ako sa inyo, sikapin na magtapos ng kolehiyo, maging aktibo sa mga organisayon sa eskuwela, magkaroon ng magandang marka at mag-aral nang mabuti at tiyak sasaya kayo dahil magkakaroon kayo ng tiyansa na ma-hire sa Top 10 Best Employers ngayong taong 2015.
Ang nasa Top 10 Best Employers ngayon ay ang mga sumusunod:
- San Miguel Corporation
- Nestle Philippines
- Accenture
- Shell Philippines
- Proctor and Gamble
- SM Investments
- ABS-CBN
- Banco De Oro
- Coca-Cola FEMSA
- Unilever
Humigit kumulang 4,000 employees ang isinurvey ng Jobstreet.com para makuha ang Best Top 10 Employers para sa taon na ito. Nakatutuwa lang isipin dahil ibig sabihin, bukambibig talaga ng mga empleyado ang mga kumpanya na nasa Top 10 dahil hindi biro ang mag-survey sa 4,000 na tao na galing pa sa iba’t ibang background at iba’t ibang degrees of work experiences. Lahat pa ng ito ay nanggaling sa mga fresh graduates hanggang sa top management. At mula sa 4,000 na taong nai-survey, 1,300 na kumpanya ang mga nabanggit.
Ibig sabihin lang din n’yan, ang mga kumpanyang nabanggit ay ang nagbibigay ng magandang benefits or incentives, work experience, HR relations, company background and reputation, growth for employees, learning and development, at compensation package para sa mga employees.
Nakita rin sa survey na para sa mga ate at kuya natin na kabilang sa mga fresh graduates, learning opportunities ang kanilang habol sa kumpanya na papasukan. Nakatutuwang isipin na hindi lang puro suweldo at benefits ang habol ng mga bagets na ito, dahil gusto nila ang trabaho na magbibigay sa kanila ng growth.
Kung sa bagay, puwedeng-puwede na mataas nga ang suweldo mo, maganda nga ang benepisyo mo, pero routinary ang work, lahat subo sa bibig ang mga matutunan o hindi ka natsa-challenge sa mga trabaho, titigil nga naman ang pag-mature at pag-grow mo sa kumpanyang pinapasukan. Ibig sabihin lang din n’yan, kung walang learning opportunities sa pinapasukan na trabaho, mawawalan ka rin ng interest na pumasok at hindi ka na mag-e-enjoy.
Kaya kung ako sa inyo mga bagets, ngayon pa lang na nasa kolehiyo kayo, alamin n’yo na ang gusto n’yong karera na tatahakin at paghandaan itong mabuti. Huwag mapako sa iisang sulok ng paaralan. Ang ibig sabihin ko lang dito, get out of your comfort zones dahil kapag nagtrabaho na kayo, magagamit n’yo iyon.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo